Mangingisda, ipagdiwang ang ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan! Lumahok sa Matagalang Digmang Bayan!
Binabati ng mga mangingisda at maralita sa baybaying dagat at lawa, na kasapi ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid–Balangay Aplaya, ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa ika-57 anibersaryo nito. Pagbibigay-pugay at pag-alala sa mga martir at bayani na nag-alay ng kanilang makabuluhang oras at buhay para sa rebolusyon. Ipinapaabot din ang pagbati sa mga kumander at mandirigma ng BHB sa pagsuong sa malalaking hampas ng alon para isulong ang matagalang digmang bayan at unti-unting wakasan ang lahat ng anyo ng pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala sa kanayunan.
Sadyang napakainam ng mga obhetibong kondisyon para isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa gitna ng palagiang krisis ng nabubulok na pandaigdigang monopolyo-kapitalismo. Sumugat ng malalim sa mga maralitang mangingisda ang krisis na nilikha ng imperyalistang agresyon ng Estados Unidos sa Gitnang Silangan, partikular sa Iran. Kasabay ng mga bombang pinalilipad ng imperyalistang U.S. ang pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo, kung saan inaasahang aabot hanggang P150 kada litro ang diesel. Katumbas ito ng nasa 120% pagtaas sa gastos sa produksyon ng maralitang mangingisda. Habang abot-langit ang pagsirit ng presyo ng langis at iba pang pangkonsumo, nananatiling nakasadsad sa lupa ang kita ng mga mangingisda dahil sa malapyudal na pagsasamantala ng mga malalaking panginoong maylupa, komersyante at may-ari ng mga malalaking bangkang palakaya at palaisdaan.
Dagdag lamang ito sa mas malaganap na suliraning kinakaharap ng mga mangingisda sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Malawakan ang pagpapalit-gamit ng mga pook-pangisdaan at baybayin para sa mga proyektong reklamasyon, kumbersyon, at pribatisasyon na itinutulak ng mga dayuhang mandarambong kasabwat ang mga lokal na burukrata. Asahang gagamitin ng papet na rehimeng US-Marcos ang krisis sa langis para isulong ang mga mapagkunwaring “renewable energy” na popondohan, patatakbuhin, at pakikinabangan ng mga dayuhan.
Pabaya at inutil ang rehimeng US-Marcos na alalayan ang mga mangingisdang nangangailangan ng suporta sa panahon ng malalang krisis. Ang nakatakdang ayuda, kulang na, mabagal pa. Malaon nang batid ng mga mangingisda na walang aasahan sa kasalukuyang rehimen, at tanging sa pagsusulong lamang ng Demokratikong Rebolusyong Bayan na may Sosyalitang Perspektiba makakamtan ng masang anakpawis ang kaginhawahan na nakabatay sa sustenable at angkop na serbisyong panlipunan, lalo sa panahon ng krisis.
Tuluy-tuloy na nagsusumikap ang PKM-Aplaya na palaganapin ang kampanyang “Cherish the Army” sa mga baybaying dagat at lawa, at sa mga daungan at pantalan kung nasasaan ang konsentrasyon ng mga mangingisda. Saklaw ng kampanya ang mahigpit na pagsuporta sa iba’t ibang yunit ng BHB tulad ng pagpapasulpot ng mga rekurso, pagtataguyod sa usapin ng lohistika at transportasyon, at pakikipamuhay hanggang sa buong panahong pagsapi sa BHB. Kasama ang sektor sa pagbubuo ng mga Grupong Pang-organisa hanggang sa mga Ganap na Samahang Masa, at kasama ang uring magbubukid sa pagbubuo ng Komiteng Rebolusyonaryo ng Baryo, na siyang binhi ng Demokratikong Gubyernong Bayan. Tangan ng mga rebolusyonaryong mangingisda ang makasaysayang papel nito sa Demokratikong Rebolusyong Bayan, tampok ang pag-uugnay sa mga napakaraming isla ng bansa, at palaganapin pa lalo ang Digmang Bayan.
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Lumahok at Itaguyod ang Matagalang Digmang Bayan!