MASA 2024: Bahagi ng gerang agresyon ng US, panganib sa bayan

,

Tulad ng Balikatan 39-24, panganib at perwisyo ang hatid ng isinagawang Marine Aviation Support Activity (MASA) 2024 mula Hunyo 3-21. Nagsisilbi ito para sa nilulutong gera ng imperyalismong US laban sa China at kung gayon, nagsasapanganib sa buhay ng mamamayang Pilipino.

Ang MASA 2024 ang isa sa mga pinakamalaking ehersisyong militar sa pagitan ng mga pwersang nabal ng Pilipinas at US na lalahukan ng 3,175 tropa (975 mula sa Philippine Marine Corps, Marine Reservists, Philippine Air Force, Philippine Coast Guard at Naval Air Wing; at 2,200 mula sa US Marine Corps, US Army, US Special Forces at US Air Force). Isinagawa ito sa Batanes, Ilocos Norte, Pampanga, Tarlac, Manila, Cavite at Palawan.

Bilang bahagi ng 500 ehersisyong militar na ilulunsad sa Pilipinas ngayong 2024, ang MASA 2024 ay malinaw na naglalayon para sa tuluy-tuloy na pang-uupat ng gera ng US laban sa China. Nakaayon din ito sa kasunduang Bilateral Security Guidelines na nagbibigay ng ligal na bihis sa paglahok ng Pilipinas sa lahat ng gerang papasukin ng US.

Kasuklam-suklam ang gasgas na katwiran ng AFP at ni Ferdinand Marcos Jr. na “pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas” upang ilusot ang pinapakana ng US na gera sa Asia Pacific. Ito ay kahol ng matapat na tuta upang pilit pagtakpan ang imbing plano ng kanyang amo. Hindi mapasusubalian ng higit na nakararaming bilang ng mga pwersang Amerikanong kalahok sa MASA 2024 ang layunin ng imperyalismong US na sanayin ang mismong tropa nito para sa gera sa Pilipinas at Asia Pacific. Gayundin ng sinsin ng mga ehersisyong militar sa mga pinagtutunggaliang teritoryo sa WPS upang pilit na galitin ang China. Kabilang sa mga aksyong mapang-upat ang live firing ng 105mm at 155mm howitzer sa direksyon ng Taiwan Strait.

Pangamba at panganib ang nararamdaman ng mamamayang Pilipino sa panahong naglulunsad ang US ng mga ehersisyong militar. Nabubulabog ang mga residente sa naririnig na live firing ng mga baril o pasabog at paglipad ng mga eroplano, drone at helikopter. Naabala ang kanilang paghahanap-buhay dahil sa pagbabawal at paghihigpit sa mga Pilipino na lumapit sa mga lugar ng ehersisyo. Pagkakait ito sa mamamayan na mangisda sa karagatan at magsaka sa bukirin.

Makatwiran lamang ang tuluy-tuloy na panawagan ng mamamayang Pilipino na palayasin ang mga pwersang militar ng US sa bansa. Dapat igiit ang demilitarisasyon ng mga pwersa ng US at China sa WPS at pagpapalayas ng lahat ng dayong tropa at mga base sa teritoryo ng Pilipinas.

Kailangang malaman ng mamamayang Pilipino na ang tunay na paglilingkod sa bayan at pagtatanggol sa teritoryo at pambansang soberanya ay hindi nakaasa sa dayong kapangyarihan lalo sa US na numero unong imperyalistang nakakubabaw sa bansa. Ang pagiging tunay na patriyotiko ay isinasabuhay sa paglaban upang mapalayas at maibagsak ang imperyalismong US, gayundin sa agresibong pang-angkin ng China sa mga teritoryong saklaw at exclusive economic zone ng bansa at kanilang mga ahenteng taksil sa bayan. Ang mga ito ang isa sa pangunahing nilalaman ng pakikibaka para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

Nananawagan ang Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog sa lahat ng patriyotikong pwersa na lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan na naglalayong palayain ang bayan sa kuko ng imperyalismong US at itayo ang lipunang tunay na malaya, demokratiko, masagana at makatarungan.

MASA 2024: Bahagi ng gerang agresyon ng US, panganib sa bayan