Pahayag

Masaker sa Mendiola, 36 taong walang Hustisya!

,

Nakikiisa ang Santos Binamera Command – Bagong Hukbong Bayan – Albay sa sambayanang Pilipino sa paggunita sa ika-36 na taong anibersaryo ng Mendiola Massacre ngayong ika-22 ng Enero 2023. Sa loob ng mahigit tatlong dekada, walang hustisyang nakamit ang mga magsasakang pinatay ng estado sa panahon ng rehimeng US – Aquino.

Pinagpupugayan ng SBC-BHB-Albay ang labintatlong magsasakang humiling ng tunay na reporma sa lupa subalit sinagot ng bala ng mga pasistang sundalo ni Corazon Aquino. Hindi matatawaran ang kanilang sakripisyo na ngayo’y nagsisilbing sulo ng uring anakpawis upang ituloy ang kanilang sinimulang laban para sa tunay na repormang agraryo.

Sa ilalim ng bagong rehimen, ang dati nang sadlak sa kahirapan ay lalo pang lumulubog sa kumunoy ng hindi mabatang pasakit sa mga magsasaka, laluna silang pinabayaan ng rehimeng Marcos II sa pamamagitan ng paghawak nito sa Department of Agriculture – tiniyak nitong matatali ang ekonomya ng Pilipinas sa pag-import ng mga produktong agrikultura dulot ng mga patakarang neoliberal sa dikta ng International Monetary Fund (IMF) – World Bank (WB) at ng amo nitong imperyalistang US habang pinababayaan ang lokal na produkto ng mahal nating mga magsasaka.

Sa probinsya ng Albay, patuloy ang talamak na pang-aagaw ng lupa ng mga malalaking burukratang kapitalista at malalaking panginoong maylupa sa mga magsasaka gayundin ang malaganap na conversion upang gawing mga ekoturismo, mga sakahang dadaaanan ng pagpapalawak ng mga kalsada na nagreresulta sa malawakang pagpapalayas sa mga tirahan at pagkasira ng kanilang kabuhayan at kalikasan na dahilan kung bakit laganap ang kagutuman. Laganap din ang militarisasyon, pang-aabusong militar, hamletting at matagalang pagbase sa mga baryo sa kanayunan bunga ng mga inilulunsad nitong Retooled Community Service Program (RCSP). Dapat maging mapagmatyag ang mamamayang Albayano at magkaisa upang labanan at lutasin ang kagutuman at karahasan sa kanilang komunidad.

Panawagan ng SBC-BHB-Albay sa mga magsasakang walang pagod na nagbubungkal ng lupa para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino, huwag kayong hihinto sa paghahangad ng tunay na reporma sa lupa, kaisa ninyo kami sa sa pakikibakang ibagsak ang pyudal na pagsasamantala para sa isang malaya at makatarungang lipunan. Sa kanayunan, naroon ang digmang bayan na pangunahing nagsusulong ng repormang agraryo sa anyo ng minimum at maksimum na programa sa lupa. Digmang bayan ang tanging sagot sa isang malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan, doon lamang posible ang pagkakamit ng tunay na reporma sa lupa.

Masaker sa Mendiola, 36 taong walang Hustisya!