Lupa ng mga magsasaka ng Tinang sa Tarlac, ipinangakong ibibigay na

Nakakuha ng pangako noong Lunes, Pebrero 7, ang mga magsasaka sa Tinang, Concepcion, Tarlac na igagawad na sa kanila ang lupang sinasaka nila sa loob ng 45 na araw. Sa ulat ng Pokus Gitnang Luzon Multimedia Network, ginawa ang pangako ng kalihim ng Department of Agrarian Refrom na si Conrado Estrella sa isang dayalogo na sinabayan ng protesta sa harap ng upisina ng ahensya.

Nangako rin umano si Estrella na maglalabas ng cease-and-desist order laban sa militar na patuloy na nananalasa sa mga komunidad ng magsasaka. Ikinagalak ng Malayang Kilusang Samahan ng Magsasaka ng Tinang ang pangako ng kalihim. Gayunpaman, magiging mapagbantay sila hanggang ganap na maisakatuparan ito.

Saklaw ng ipinaglalaban ng mga taga-Tinang ang 200-ektaryang lupa na binubungkal nila mula pa dekada 1990. Noong Pebrero 1, 2022, nagtayo sila ng kubol bilang simbolo ng pagtindig nila sa kanilang karapatan sa lupa. Noong Hunyo 2022, inaresto ang mahigit 90 tao mga residente at kanilang tagasuporta habang nagsasagawa ng bungkalan sa lupa.

AB: Lupa ng mga magsasaka ng Tinang sa Tarlac, ipinangakong ibibigay na