Ika-37 anibersaryo ng Mendiola Massacre, ginunita ng mga grupong magsasaka

,

Ginunita ng mga grupo ng mga magsasaka, kabataan at iba pang demokratikong sektor ang ika-37 anibersaryo ng Mendiola Massacre noong Enero 22. Higit 250 katao ang dumalo sa porum na pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at NNARA Youth UP Diliman sa University of the Philippines (UP)-Diliman, na sinundan ng isang martsa-protesta sa kampus.

“Tatlumput-pitong taon matapos ang malagim na Mendiola Massacre, walang pa ring hustisya sa mga pinaslang ng estado sa masaker, nanatiling walang tunay na repormang agraryo sa Pilipinas,” pahayag ng KMP. Nasawi sa naturang masaker ang 13 magsasaka noong Enero 22, 1987 sa Mendiola, Manila. Ang 13 magsasaka ay kabilang sa libu-libong nagtungo noon sa Mendiola upang ipanawagan sa dating Pangulong Cory Aquino na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa.

Anang grupo, nanatiling pundamental na problema sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos ng kawalan ng lupa ng mayorya ng mga magsasakang Pilipino. “Malinaw na wala itong patakaran at programa sa reporma sa lupa,” dagdag pa ng mga magsasaka.

Ito umano ang mahigpit na batayan kung bakit dapat walang pagod na isulong ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa, katulad ng ipinaglaban ng mga magsasaka 37 taon na ang nakalilipas. “Sa saligan, ang laban para sa tunay na reporma sa lupa—na ang sentral na layunin at batayang prinsipyo ay libreng pamamahagi ng lupa—ay laban ng buong mamamayang Pilipino,” ayon pa sa KMP.

Sa porum na may temang “Kamtin ang Kapayapaan! Tunay Na Reporma Sa Lupa, Ipaglaban,” nagbigay ng talumpati ang interim chairperson ng negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Ka Julie de Lima. Tinalakay ni de Lima ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) na nagbalangkas sa kahingian ng masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa at pagtataguyod ng pambansang industriyalisasyon.

Pagkatapos ng talakayan, nagmartsa ang mga grupo sa Palma Hall sa UP Diliman para sa isang kilos protesta. Liban sa panawagang hustisya para sa mga biktima ng Mendiola Massacre, siningil nila ang rehimeng Marcos sa tuluy-tuloy na pagpaslang sa masang magsasaka sa kanayunan. Sa talaan ng Ang Bayan, mayroong 79 magsasakang biktima ng pagpaslang ang rehimeng Marcos mula nang maupo sa poder. Marami sa kanila ay pawang pinalalabas na napatay sa modus na pekeng engkwentro ng Armed Forces of the Philippines.

Binatikos din ng KMP ang isinusulong na charter change ng rehimeng Marcos na magbibigay-daan sa pagpapahintulot sa mga dayuhan na magmay-ari ng lupa sa Pilipinas, liban pa sa likas na yaman at mga susing bahagi ng ekonomya.

AB: Ika-37 anibersaryo ng Mendiola Massacre, ginunita ng mga grupong magsasaka