Mga kabataan, nakiisa sa barikada sa Lupang Tartaria

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa harap ng nagpapatuloy na panggigipit at panghaharas ng bayarang armadong tauhan ng mga Ayala-Aguinaldo, nagtungo ang mga kabataan mula sa Metro Manila at iba pang kalapit na prubinsya, sa Lupang Tartaria sa Silang, Cavite para makiisa sa barikada ng mga residente at magsasaka.

Dumagsa ang mga kabataan matapos ang marahas na pagpasok at pagbabakod ng Jarton Security Group sa Lupang Tartaria noong Abril 20. Ninakaw ng mga gwardya ang ilang kagamitan ng mga nagbarikada, kabilang ang gamit ng isang mamamahayag. Nasugatan at nasaktan din ang ilan sa mga residente.

Sa ulat ng Kabataan Partylist, nagpunta ang delegasyon ng kabataan at mga paralegal officer sa Lupang Tartaria para imbestigahan ang kabuuang sitwasyon at upang ilantad ang pang-aagaw ng lupa ng mga Ayala-Aguinaldo. Inilunsad ng kabataan sa kampuhan ang mga talakayan, pag-aaral at pangkulturang mga pagtatanghal.

Sa kasalukuyan, pinalilibutan ng mga elemento ng Jarton Security ang kampuhan ng mga kabataan at mga magsasaka. “Halos 10 metro lang ang layo ng mga mga armadong kawatan…hindi pa makatulog ang mga residente dahil sa takot na baka atakehin silang muli,” ulat pa ng Kabataan Partylist.

Nanawagan ang grupo ng tulong at suporta mula sa midya para mailantad ang isyu sa mas malawak na publiko, gayundin sa mga upisyal ng lokal at pambansang gubyerno para aksyunan ng mga ito ang pangangamkam ng lupa. Hinikayat din nila ang mga abugado na makiisa at tumulong sa ligal na laban ng mga magsasaka.

Samantala, sa ulat ng Anakbayan, binigyan kahapon, Abril 23, ng “notice of hearing” ang Jarton Security Agency at ang mga residente para dumalo sa pagdinig sa darating na Abril 25 para pag-usapan ang nangyaring karahasan at ang pangangamkam ng lupa.

“Kinikilala ito ng Anakbayan bilang hakbang upang madinig ang mga hinaing at panawagan ng mga magsasaka ng Lupang Tartaria. Umaasa rin kami na magsilbi itong daan upang mapanagot ang pandarahas ng Jartob Security Group at matigil ang pangangamkam ng mga Ayala at Aguinaldo,” anang grupo.

Ang Tartaria ay bahagi ng 200-ektaryang inaangkin ng angkang Aguinaldo sa Cavite. Katuwang ng mga Aguinaldo ang Ayala Land Inc sa pangangamkam ng lupa bilang land developer.

AB: Mga kabataan, nakiisa sa barikada sa Lupang Tartaria