Pahayag

Masaker sa Mendiola, simbolo ng kawalang-hustisya para sa masang magsasaka

,

Tatlompu’t pitong taon na ang lumipas ngunit sariwa pa rin sa alaala ng maraming Pilipino ang Mendiola Masaker—ang walang-habas na pagpaslang ng berdugong pulis at militar sa 13 magsasaka na nagkilos-protesta upang singilin ang rehimeng US-Cory sa pangako nitong repormang agraryo sa mga magbubukid. Sa halip na tugunan ang matagal nang panawagan ng karaniwang mamamayan para sa kanilang demokratikong interes at karapatan, walang iba kundi dahas, pagpaslang, at pananakot ang inihasik ng pamahalaan, gayundin ang lahat ng nagdaang rehimen ng reaksyunaryong gubyerno na pinagagalaw ng imperyalistang Estados Unidos at lokal na naghaharing uri.

Sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II, lalong lumalala ang kahirapang dinaranas ng mamamayang Pilipino, lalong-lalo na ng mga magbubukid. Sa probinsya ng Batangas, wala pa ring sariling lupa at estableng kabuhayan ang mga magsasaka. Marami sa kanila ay nagtitiis sa mababa at di-tiyak na sahod bilang mga manggagawang bukid sa mga tubuhan, koprasan, at iba pang sakahan.

Matatandaang nagsara ang Central Azucarera de Don Pedro Inc. o CADPI noong Disyembre 2022 na nagresulta sa pagkabulok ng tone-toneladang tubó at pagkalugi ng maraming plantador. Nagdulot din ito ng kakulangan o kawalan ng trabaho ng higit 12,000 manggagawang bukid sa tubuhan. Hanggang ngayon, hindi pa rin nagbubukas ang asukarera.

Talamak din ang pagpapalit-gamit ng lupa o land-use conversion sa iba’t ibang bahagi ng probinsya, gaya ng pagtatayo ng mga anti-mamamayang proyektong ekoturismo, mapanirang pagmimina at quarrying, at iba pang porma ng development aggression. Ang mga nabanggit din ang siyang pangunahing dahilan ng matinding pandarahas ng mga berdugong pulis at sundalo upang mapalayas ang mga magbubukid sa kung saan man may gagawing proyekto, o kung saan nakikibaka ang mga mamamayan para sa kanilang karapatan. Halimbawa nito ay ang pagdagsa ng trak-trak na mga sundalo ng 59th IBPA sa Barangay Putol, Tuy, noong nakaraang taon upang harasin ang mga magtutubó na nananawagan ng ayuda at hanapin, takutin, at pagbantaan ang mga lider-masa gaya ni Jaysie Balugna, tagapagsalita ng Kaisahan ng mga Manggagawang Bukid sa Batangas o KAISAHAN.

Kaisa ang mga rebolusyonaryong magbubukid ng Batangas sa lahat ng mga magsasaka sa buong bansa sa pagkakamit ng katarungan sa bawat kapwa natin magsasaka at iba pang biktima ng karahasan ng estado, ngunit walang iba kundi ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan ang magbibigay ng tunay na hustisya at katarungan. Tayo, bilang pinakamalawak na populasyon sa isang bansang malapyudal gaya ng Pilipinas ang siyang pangunahing pwersa na maglulunsad ng digmang bayan; na sa esensya’y digmang magsasaka. Hinding-hindi kailanman ibibigay ng reaksyunaryong gubyerno ang hustisya para sa isang krimen na ito rin mismo ang gumawa.

Hustisya para sa mga biktima ng Mendiola Massacre!

Magbubukid, mag-armas! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Ipagtagumpay ang digmang bayan!

Masaker sa Mendiola, simbolo ng kawalang-hustisya para sa masang magsasaka