May pulitika ang mga salita! Labanan ang pagtatanggal ng terminong batas militar sa kurikulum!

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinakabago sa mga pakana ng pagbabaluktot ng kasaysayan ang pagtatanggal ng terminong ‘batas militar’ sa lahat ng mga aklat at kurikulum sa paaralan at pagpalit dito ng ‘bagong lipunan’. Ang usaping ito ay hindi lamang simpleng isyu ng semantika. May pulitika ang mga salita. Sa pagpapalit-termino, itinatatwa rin ang kasaysayan at iniralang konteksto ng orihinal na salitang ginamit. Bahagi ito ng tangkang manipulasyon at pagbubura ng mga Marcos sa mahahalagang bahagi ng kolektibong alaala ng bayang Pilipino.

Bagamat tila maliit na hakbang lamang ang pagpapalit ng salita sa kurikulum, gahigante at pangmatagalan ang magiging epekto nito. Madaragdagan ang puwang para sa pag-iimbento at reinterpretasyon ng kasaysayan at pagpihit dito pabor sa diktador at sa nepotistikong pamilyang Marcos na ilang dekadang naghasik ng lagim sa buong sambayanan. Malulunod na ng mga hungkag na retorika ng bagong lipunan ang lahat ng hapis, kaguluhan, kahirapan, pagdurusa at kamatayang kakambal ng batas militar.

Hindi talaga titigil ang mga Marcos hanggat hindi naibabaon sa limot ang kasaysayan ng sambayanang Pilipino. Ngayong nakabalik na ang kanilang pamilya sa kapangyarihan, sistematiko nilang sinasamantala ang lahat ng pagkakataong ibinibigay ng kanilang pusisyon upang tuluyan nang burahin ang mga krimen ng kanilang angkan at ang mataginting na paglaban ng sambayanang Pilipino rito.

Hamon sa kasalukuyang henerasyong pigilan ang pambabaluktot na ito ng mga Marcos. Dapat ubos-kayang ipaunawa sa lahat, laluna yaong hindi nabuhay sa panahon ng batas militar, na malinaw ang isinasaad sa mga pahina ng kasaysayan. Hindi ito bukas sa reinterpretasyon at mga bersyon. Ang isang bagay ay nangyari o hindi. May nang-api at may mga inaping lumaban. Hindi maaaring sabihing iba ang bersyon ng nakararami sa bersyon ng mga Marcos. Ang naririyan lang ay ang katotohanan. Tunay na mga pangyayari ang kaliwa’t kanang masaker, libu-libong desaparecidos, matinding kagutuman at kahirapan, pagbulusok ng ekonomya at kabuhayan, korapsyon at pagpapasasa ng mga Marcos sa yaman ng buong bansa at lahat ng iba pang katakut-takot nilang mga krimen laban sa masang Pilipino.

Mapanganib ang paglimot sa nakaraan. Ang isang bayang makalilimot sa kanyang kasaysayan ay isang bayang nakatakdang ulitin ang mga pagkakamali ng kanyang kahapon. Hindi maaaring mapahintulutang mawalan ng saysay ang ilang salinlahing pakikibaka ng mga naunang henerasyon. Isang krimeng pabayaan na lamang ibaon sa limot ang matatag na paglaban at matataginting na tagumpay na nakamit ng mga nauna. Kailangang ipagpatuloy ang kwento. Kailangang alalahanin at isabuhay ang diwa ng paglaban.

May pulitika ang mga salita! Labanan ang pagtatanggal ng terminong batas militar sa kurikulum!