May tagumpay at hustisya para sa mamamayang patuloy na nakikibaka
Malugod na sinasalubong at nagbubunyi ang mga mamamayan ng Cagayan Valley sa pag-aresto ng International Criminal Police Organization (Interpol) sa sanggano at hayok-sa-laman na si Rodrigo Duterte sa bisa ng warrant of arrest na isinampa ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity nitong ika-11 ng Marso. Mahigpit na babala ito sa lahat ng naging instrumento at kasabwat ni Duterte na naghasik ng terorismo at nagpalaganap ng kultura ng karahasan at impunidad.
Ang pag-aresto kay Duterte ay isang hakbang pasulong sa pagpapanagot at pagkamit ng hustisya hindi lamang sa libu-libong biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ngalan ng huwad na gera kontra-droga kundi maging sa teroristang paninibasib nito sa ilalim ng de facto martial law sa buong kapuluan sa ilalim ng kanyang tiranikong paghahari bilang pangulo na pangunahing tumarget sa mamamayang Moro at rebolusyonaryong kilusan. Tagumpay ito ng buong sambayanang naghahangad ng katarungan at matapang na tumindig at lumaban upang mapanagot si Duterte.
Sa pamamagitan ng pagpapataw ng martial law sa Mindanao, pagpapasailalim sa Bicol at Kabisayan sa Memo Order 32, pagbubuo ng Executive Order 70 at NTF-Elcac, at pagsasabatas sa Anti-Terrorism Act, ininstitusyunalisa ang sistematiko at maramihang pamamaslang sa magsasaka, manggagawa, kabataan, aktibista, mamamahayag, guro, taong-simbahan na naggigiit ng karapatan, maging mga abogado at kritikong nanindigan laban sa kanyang tiranikong pamumuno.
Sa tabing ng gera kontra-insurhensiya, puu-puong komunidad ang pinayuko sa kamay na bakal ng militar, sapilitang pinalikas dahil sa pambobomba at ginawang pangkaraniwan ang kaliwa’t kanang pandarahas, panunupil, iligal na pag-aresto, pagdukot, pamamaslang at masaker. Tila nakawalang mga asong ulol na uhaw-sa-dugo ang AFP at PNP na may misyong “Kill, kill, kill”. “Ninyutralisa” ang lahat ng pinaghihinalaang “adik” at “kalaban” ng estado, naghalihaw sa mga komunidad, at pwersahang “pinasuko” ang lahat ng mga naggigiit ng demokrasya at kalayaan.
Sa halip na sinserong umupo sa negosasyong pangkapayapaan upang resolbahin ang mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa, ipinadakip at ipinapatay ni Duterte ang mga konsultant ng NDFP. Nagdeklara ng shoot-to-kill order at all-out war laban sa mga demokratikong pwersa. Sinupil at binusalan ang mamamayan sa pamamayagpag ng NTF-Elcac sa pamamagitan ng malawakang kampanya ng disimpormasyon at red-tagging na nagsapanganib sa buhay, seguridad at kalayaan ng mamamayan.
Madugo ang rekord ng rehimeng Duterte sa Cagayan Valley. Hindi bababa sa 20 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang, marami ang inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso (kabilang ang dalawang detenidong pulitikal na namatay sa kulungan), 10 kaso ng terorismo mula sa himpapawid (kabilang ang siyam insidente na naitala sa loob ng 10 buwan) na nagsapanganib sa buhay ng libong indibidwal.
Sa ilalim ng pasistang paghahari ni Duterte, nagpakawala ng dagdag na apat na batalyon na naghasik ng teroristang lagim sa mga mamamayan ng Cagayan Valley–ang MBLT8 at MBLT10, at ang noo’y bagong-buong batalyon na 95th IB at 98th IB–kasama ang notoryos na 86th IB, 17th IB, 77th IB (mula sa pagiging cadre battalion ay ginawang manuever battalion noong 2020) sa ilalim ng direktiba at pamumuno ng 501st IBde at 502nd IBde ng 5th Infantry Division. Ang mga yunit na ito ng AFP ang sagadsaring nagpaluhod at bumalot ng terorismo sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo at walang patumanggang naghulog ng mga bomba mula sa himpapawid na kumitil sa buhay ng pitong mandirigma ng BHB-East Cagayan at nagsapanganib sa buhay at kabuhayan ng libu-libong sibilyan sa ilalim ng mandato ni Duterte na “patagin ang bundok.” Katuwang ang PNP, inilunsad ang ala-Sauron na operasyon partikular sa mga barangay ng Sto. Niño at Baggao sa Cagayan. Tahasang niyurakan ang mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.
Sino ang makalilimot sa karima-rimarim na pagpaslang kina Victorino Tesorio at Lolito Rasa noong Enero 24, 2018 na tahimik na namumuhay bilang mga retirado at gupo na ng mga karamdaman? Si Tesorio ay may tama ng bala sa kanang mata, pinitpit ang hintuturo ng kanang kamay, may bali ang kamay at tuklap ang kuko sa kaliwang paa habang may tama ng bala sa kaliwang sentido si Rasa. Malinaw na indikasyon na sila ay dumanas ng matinding pagpapahirap bago pinatay. Ang duwag na pagpatay sa NDF consultant na si Randy Malayao habang siya ay natutulog sa loob ng bus noong Enero 30, 2019? Ang pag-ambus ng death squad sa nakasakay ng tricycle na si Leo Angelo Miranda na notebook at bolpen lang ang dala? Ang kasuklam-suklam na sinapit ng maysakit na si Renato Busania sa kamay ng militar at sinabing siya ay nanlaban noong Enero 2021? Ang di-makataong pagtortyur sa mga di-armado at paglapastangan sa mga bangkay nina Saturnino Agonoy, Augusto Gayagas at Mark Canta habang nasa byahe noong Abril 2022?
Sing-aga ng Setyembre 2016, tatlong buwan lamang mula nang umupo bilang pangulo si Duterte, ekstrahudisyal na pinaslang ang lider-magsasaka na si Ariel Diaz. Sinundan ito ng mahabang listahan—Marcial Pattuagan, Bronsel Infiel, Alberto Gummalaue, Sammy Pohayon, magkapatid na Rogelio at Rolito Mendoza, Rey Vasquez, mga katutubong Aggay na sina Dabaw at Barani, at si Fr. Mark Ventura. Gayundin ang brutal na sinapit ni Lasam councilor Marjorie Salazar na diumano’y nasa druglist ni Duterte, kasama ang kapwa niya councilor na si Eduardo Asuten, ang secretary at drayber ni Salazar na sina Aiza Manuel at John Ray Apil.
Hindi rito natatapos ang paniningil ng mamamayang Pilipino sa krimen ni Rodrigo Duterte laban sa sangkatauhan, bagkus ito ay simula pa lamang sa malaon nang paghahangad ng katarungan. Dapat higit na buklurin ang hanay at lakas ng pambansa-demokratikong pwersa kasama ang malawak na masa upang maigiit ang pagpapanagot kay Duterte sampu ng kanyang mga kasapakat at malakas na itambol ang sigaw para sa hustisya. Kasabay nito ang pagsingil sa rehimeng US-Marcos Jr na ipinagpapatuloy ang paghahasik ng terorismo ng estado sa basbas ng EO 70 at Anti-Terror Law. Dapat ding mariing ilantad ang oportunismo sa pulitika ni Marcos Jr na kunwa’y naghuhugas kamay ngunit sinasamantala ang pagpapanagot ng taumbayan kay Duterte upang ibayong konsolidahin ang kanyang kapangyarihan at hadlangan ang tangkang panunumbalik ng mga Duterte sa 2028.
Panimulang tagumpay ng sambayanang Pilipino ang pagkakaaresto kay Duterte subalit dapat patuloy na magpunyagi sa pagkamit ng hustisya na nakabatay sa pambansa at panlipunang paglaya. Gintuang aral ito ng mamamayang lumalaban. Sa parehong diwa, aral din ito sa naghaharing-uri at mga pasistang diktador, isang buhay na patunay, na hindi nila matatakasan ang kasalanan sa taumbayan. Maaaring matakasan ang kulungan, ngunit hindi kailanman ang husga ng kasaysayan. Sa mahabang daan ng paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan, tinitiyak ng demokratikong gobyernong bayan at CPP-NPA-NDF, na malalasap ng mga biktima at mamamayan ng Cagayan Valley ang rebolusyonaryong hustisya, hindi man ngayon, ngunit tiyak sa hinaharap.