Mga sibilyan ba ang target ng mga sundalong nagkukunwaring NPA sa Donsol?
Nababahala kami sa presensya ng limang sundalo ng 31st IBPA na nagkukunwaring sila ay NPA at limang araw nang gumagala at nagbabahay-bahay sa mga barangay ng Gogon, Tongdol, San Vicente, Allen at Mabini sa Donsol. Nakatitiyak kaming sila ay mga sundalo dahil kasabay ng kanilang paggala ay namataan din ang marami-raming tropang militar na nagkukubli sa masusukal na bahagi ng naturang mga baryo.
Ano kaya ang layunin nila sa pakanang ito? Gagawa na naman ba sila ng krimen laban sa mga sibilyan at ibibintang sa NPA? Magpapakulo na naman ba sila ng pekeng engkwentro at papatay ng mga sibilyang pagbibintangan nilang rebelde? Ang mga katanungang ito ang palaisipang lumilikha ngayon ng takot sa hanay ng mga magsasaka sa lugar.
Hindi maiaalis sa amin ang ganitong pagkabahala dahil alam naming nangyari na ang gayong mga krimen sa maraming lugar. Sa katunayan, ilang residente na ng Barangay Tongdol ang hinaras at tinakot ng mga sundalong nagpapanggap na NPA.
Ayaw naming mangyari uli ang kalunus-lunos na sinapit ng limang magsasakang minasaker ng mga pulis at militar sa Dolos, Bulan noong 2020. Ayaw namin na kaming mga sibilyang magsasaka ang pagbabalingan o paghihigantihan ng militar kapag hindi nila mahanap o di kaya’y makasagupa nila ang NPA. Ayaw naming patuloy na maging biktima ng mga paglabag sa karapatang tao na inihahasik ng mga pwersa ng reaksyunaryong gubyerno.
Nananawagan kami sa mga kasamahan naming magsasaka na maging mapagmatyag at mag-ingat sa bitag na iniuumang ng militar. Patuloy tayong magpakatatag at magkapitbisig sapagkat dito sasalalay ang ating kaligtasan.
Nananawagan naman kami sa mga kinauukulan at mga nagmamalasakit na tumulong sa pagbibigay-proteksyon sa mga mga magsasaka ng Donsol at iba pang lugar na ginigipit ng papatinding pasismo at militarisasyon.