Mas matagalang kahirapan ang dulot ng mga pantapal na solusyon sa krisis sa enerhiya ng rehimeng Marcos Jr!
Napakalaking insulto sa milyun-milyong Pilipinong konsyumer ng Meralco ang pagbaba ng singil na wala pang diyes sentimos o ₱0.02/kWh sa residential rate noong Abril. Itinulak din umano ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang “no disconnection policy” hanggang Hulyo para sa mga residential at non-residential consumers na hindi pa kakayaning magbayad ng bill. Pansamantalang proteksyon lamang ito sa mahihirap na konsyumer na tila inaasahan ng gubyerno na yayaman pagdating ng Hulyo upang bayaran ang mga utang nila sa bills ng kuryente.
Ipinagyayabang din ang refund program na tumataginting na ₱0.43/kWh sa loob ng 12 buwan. Dagdag pa ang pagsuspinde sa Green Energy Auction Allowance hanggang Hunyo habang magkakaroon ng VAT exemption sa kuryenteng galing sa natural gas sa pili lamang na mga konsyumer. Binigyan din ng installment payment options ang mga konsyumer na kumukonsumo ng 200kWh kaya pwede umanong magbayad ng installment hanggang tatlong buwan.
Animo’y napakalaking pabor ng gubyerno ni Marcos Jr. sa mamamayan ang pag-iimplementa ng mga “adjustments” para sa pagbabayad ng mga konsyumer ngunit kung tutuusin, walang pundamental at sistematikong pagbabago na ibubunga ang mga pantapal na solusyong ito sa gitna ng lubhang krisis sa enerhiya na dinaranas ng bansa. Sa 57% monopolyo sa enerhiya ng Meralco sa Luzon at Visayas, walang mapagpilian ang malaking populasyon kundi magbayad ng mataas na bill, magtiis sa pagtitipid ng kuryente o maputulan ng linya kung wala na talagang maipambayad sa mga susunod na buwan.
Napakalampa at dependyente ng ekonomya ng Pilipinas na 98% ng langis ay nakaasa sa importasyon mula sa Middle East kaya naman sa pagputok ng gerang US-Iran na nagdulot ng pagsasara ng Strait of Hormuz, idineklara kaagad ang state of national emergency ni Marcos Jr. noong Marso 24. Mula nito, tumaas na ang presyo ng coal sa 17%, ng gas sa 91% at ng langis sa 37%.
Nakaugat din ang krisis sa enerhiya ng bansa sa patuloy na paghina ng halaga ng piso kontra dolyar na pumalo na sa exchange rate na ₱60.75 kada dolyar nitong Marso — ang pinakamatindi simula 2022. Malaking suliranin ito dahil (1) 99% na first gas power plants ay gumagamit ng imported natural gas na nakabase sa dolyar ang halaga (dollar-based cost) at (2) 44% ng ibang power suppliers ay dominado ng dolyar ang mga kontrata. Sa ganito, awtomatikong tumataas ang electricity generation cost sa pagtaas ng halaga ng dolyar na awtomatiko ring pinapasan ng mga konsyumer.
Hungkag naman ang programang renewable energy projects (REPs) dahil ibinalangkas ito para pagkakitaan ng mga burgesya komprador at kasosyong dayuhang kumpanya. Napapawalang-saysay ang sustenableng katangian ng REPs dahil sa monopolisado ito ng mga kapitalista at winawasak ang kapaligiran at kabuhayan ng masang anakpawis para iratsada ang proyekto. Sa pamamagitan ng reaksyunaryong batas, pribado ang pagpapagana ng REPs kung kaya’t hindi rin nakakatipid sa gastos sa enerhiya ang mamamayang Pilipino at minamanipula ng mga burgesya kumprador at burukrata kapitalista ang presyo ng serbisyo nito.
Para sa kaalaman ng ERC at inutil na gubyerno ni Marcos Jr., hindi nagtatapos sa Hulyo ang problema ng mamamayan sa pagtaas ng presyo ng langis, kuryente at batayang mga pangangailangan sa pag-iimplementa ng mga pantapal na solusyon.
Ipinapanukala rin ng rehimen ang Kalinga Bill bilang pantapal na solusyon sa paimbabaw na sintomas ng mataas na presyo ng langis, implasyon at transportasyon habang hindi tinuturol ang tunay na dahilan ng implasyon o pagsirit ng presyo ng langis. Kung maisasabatas, mapapasakamay ni Marcos Jr. ang malawak na emergency powers sa pag-realign at pagkuha ng pondo sa pagdedeklara ng state of national emergency tuwing aabot sa $80 kada bariles ang presyo ng crude oil sa Dubai. Sa ganito, magkakaroon ng mga emergency procurements na siguradong magiging balon na naman ng korapsyon. Ginagamit pang dahilan ang krisis sa langis at implasyon upang mapagsamantalahan ang pondo ng mamamayan habang walang tunay na solusyong nalilikha.
Ang lubos na pag-asa ng reaksyunaryong gubyerno sa importasyon para sa suplay ng enerhiya ay lubhang bulnerable sa biglaang pagtaas at pagbaba ng presyo sa pandaigdigang merkado na kontrolado ng mga dambuhalang kartel sa langis na danas na danas ng mamamayan sa pang-araw-araw na buhay. Walang programa sa tunay na pagpapaunlad ng pampublikong renewable energy plants (solar, wind, hydro at geothermal) kundi ang mga ito ay pagmamay-ari ng mga MBK at iba pang dayuhang entidad na hindi nagsisilbi para sa mamamayan. Nakaasa lamang ang bansa sa napakamahal na natural gas plants para sa suplay ng enerhiya. Kaya sa pagputok ng heyopulitikal na tensyon at krisis sa enerhiya sa Middle East, walang ibang pagpipilian ang bansa kundi pasanin ang krisis na ito kahit pa malayo ito sa rehiyon.
Siglo nang manipulado ng imperyalismong US ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas na subok na ang pangangayupapa ng bawat iniluklok na rehimen para panatilihin ang sistemang malakolonyal at malapyudal. Sistematikong ipinatupad ang mga patakarang neoliberal na labis na nagdulot ng kawalang kontrol at paikid na siklo ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin, pagkalubog sa utang at lubos na pagbaba ng kalidad ng pamumuhay.
Sa kasalukuyan, lalong lumalaki ang agwat sa pagitan ng sahod at gastos ng tipikal na pamilyang Pilipino. Napakababa ng minimum wage sa bawat rehiyon na kadalasang mababa pa sa kalahati ng family living wage na ₱1,200 at lalong nagiging busabos ang pamumuhay ng nasa pinakalaylayan ng mga uring anakpawis.
Ang kailangan ng mamamayang Pilipino ay isang malaya at demokratikong gubyerno na hindi nakaasa sa importasyon ng langis para isustine ang pangangailangan sa enerhiya — isang sistemang pang-ekonomya na naglalatag at pinalalakas ang pambansang industriyalisasyon na nakabatay sa tunay na reporma sa lupa. Isang gubyernong may sapat na suporta sa pagpapaunlad ng mayaman na rekurso ng bansa at iba pang mga pamamaraan para magprodyus, hindi lang ng enerhiya kundi lahat ng batayang pangangailangan, magtitiyak ng seguridad sa pagkain, panirikan habang pinangangalagaan ang kalikasan para sa kapakinabangan ng bayan at mga susunod pang henerasyon.
Sinusuhayan ng isa sa 12-puntong programa ng NDFP ang demokratikong hiling na ito ng bayan na “wasakin ang dominasyon sa ekonomya ng US at iba pang imperyalistang kapangyarihan, malaking kumprador at panginoong maylupa upang ipatupad ang pambansang industriyalisasyon at itayo ang ekonomyang malaya at umaasa-sa-sarili.” Sa gubyernong bayan na nais itayo ng rebolusyonaryong kilusan, nakasaad sa programa ng NDFP ang paggagawad ng tunay at abot-kayang serbisyong panlipunan sa mamamayan kabilang ang serbisyong yutiliti kagaya ng kuryente.
Malinaw ang mga sintomas ng nagnanaknak na kanser ng lipunan sa mukha pa lamang ng krisis sa enerhiya’t kawalan ng kapasidad ng kasalukuyang reaksyunaryong estado na gamutin ito dahil ang kanyang sistema mismo ang kanser na kailangang puksain ng rebolusyonaryong mamamayan. Sa gayon, nananatili ang hamon sa buong rebolusyonaryong kilusan na pukawin ang masang Pilipino sa landas ng rebolusyon upang ganap na wakasan ang daan-taong pagdurusa ng mamamayan sa kawalan ng sariling industriyang tutugon sa kanilang mga demokratikong kahilingan.###