Pahayag

Panagutin ang rehimeng Marcos Jr sa pagwasak sa kabuhayan ng magsisibuyas ng Mindoro!

,

Nawawasak sa hirap ang mga magsasakang Mindoreño sa barat na barat na ₱7 kada kilo na farmgate price ng sibuyas. Nalikha ang sitwasyong ito nang bumaha ang suplay ng sibuyas hatid ng saganang pag-ani habang may importasyon.

Sa gitna ng anihan ng sibuyas inaprubahan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng 4 na libong metriko tonelada (MT) ng produktong ito. Taliwas sa naunang deklarasyon na ihihinto ang importasyon pagsapit ng Enero, nag-isyu pa ito ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) hanggang Pebrero. Bukod pa dito ang iligal na importasyon (sa madaling sabi ay ismagling) ng produkto na ginagawa ng kartel sa sibuyas kaya napaulat ang kahina-hinalang pagpasok ng sibuyas sa mga bodega sa Bulacan. Napuno hanggang 82% ang kapasidad sa storage ng sibuyas sa buong bansa bago pa ang anihan ng Marso.

Dahil hindi na paborableng dalhin pa sa pamilihan, tone-tonelada sibuyas ang nabulok at ibinabaon na lamang ng mga magsasaka. Samantala, tuloy-tuloy pa ring nagpapapasok ng imported na sibuyas ang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr.

Panibagong bigwas ito sa kabuhayan ng magsasaka sa harap ng mataas at patuloy pang tumataas na gastusin sa pagtatanim hanggang sa pag-ani at paghahakot ng produkto. Pumatong pa ang pagtaas ng presyo ng langis at ng abono na isang byproduct ng industriya ng langis ganundin ng iba pang batayang mga bilihin dulot ng pang-uupat ng US sa Iran at iba pang bansang prodyuser ng langis.

Ang kalunus-lunos na sitwasyon ng magsisibuyas ay hatid ng patung-patong na salik ng neoliberal na sistema sa pandaigdigang ekonomiya, at sa bansa naman, ang monopolyong operasyon ng malaking burgesya komprador-panginoong maylupa (MBK- PML) at kabulukan sa gobyerno. Ito ang sistemang nagwawasak sa buhay at kabuyahan ng magsasaka at nagdudulot ng labis na pagsasakripisyo’t kahirapan ng kanyang pamilya.

Sistematikong pinapatay ng rehimeng US-Marcos II ang lokal na produksyon

Tila kamaikalan lang, nag-anunsyo ang DA na itataas nito ang farmgate price ng sibuyas sa ₱50 kada kilo. Dahil dito, maraming magsasaka ang nagtanim ng sibuyas bilang second crop matapos ang anihan ng palay. Ngunit nang magsimula ang anihan ng Marso sa maraming bayan ng Occidental Mindoro, mabilis na bumagsak ang bentahan ng sibuyas sa ₱30 kada kilo. Tinutulan ito ng mga magsasaka at iginiit nila sa DA na agapan ang pagsadsad ng sibuyas. May panimulang tagumpay ang mga magsasaka nang maitaas ang presyo ng sibuyas hanggang ₱45 kada kilo – na sa totoo’y kulang pa rin sa kinakailangang ₱50 kada kilo. Hindi magtagagal, muling sasadsad ang farmgate price ng sibuyas habang paparami na ang umaani nito. Gumalaw pababa ang presyo ng ₱5 /kilo bawat linggo hanggang sa sumadsad sa pinakamababa na ₱7 kada kilo sa huling linggo ng Abril.

Labis ang kainutilan ng DA sa pagtugon sa hinaing ng magsasaka. Sa halip na gantimpala sa mataas na produksyon, ibinubunton pa ang sisi sa magsasaka sa maramihang pagtatanim nito na siya diumanong dahilan ng pagbara sa pamilihan.

Noong 2025, nangailangan ang bansa ng 279 libong metriko tonelada (MT) ng sibuyas, habang ang produktibong kapasidad ay nasa 264 libong MT lamang o kakulangan ng 15 libong MT. Kaya dapat pa ngang maengganyo ang magsasakang magtanim nito para makatindig sa sariling suplay ang bansa. Sa halip, nag-import pa ng 94 libong MT ang bansa noong 2025 at ngayong 2026 ay nagpatuloy ang importasyon kahit sa kasagsagan ng anihan.

Ang importasyon at ismagling ng agrikultural na produkto kabilang ang sibuyas ay krimen ng pananabotaheng pang-ekonomiya ng rehimen at mga kasapakat nito laban sa mga Mindoreno, sa buong mamamayan at bansa. Ibinunyag ni Zaldy Co na direktang sangkot si First Lady Liza Araneta-Marcos (asawa ni Ferdinand Marcos Jr), sa sindikato na nag-iismagol ng mga agrikultural na produkto kabilang ang sibuyas. May pananagutan sa pamiminsala sa kabuhayan ng magsasaka ang sabwatan ng gobyerno at mga sindikatong kartel sa manipulasyon ng suplay at presyo ng nasabing mga produktong agrikultural. Ito ang lantarang mukha ng sabwatang burukrata kapitalismo (o mataas na opisyal ng gobyerno) at ng monopolyo ng MBK-PML na nagsasanib sa iilang pamilya ng dinastiyang pulitikal- ekonomiko.

Ang DA ay mistulang isang ahensyang napipilipit ang braso habang nagsisilbing tagapag-areglo ng isang problemang talamak at lampas sa kanyang kakayahang lutasin dahil sa kontrol ng iilang makapangyarihan. Kaya panakip butas ang mga polisiyang inihahapag nito tulad ng huwag magbenta ang mga magsasaka sa mga hindi awtorisado at kinikilalang mamimili ng ahensya. Kung dalhin man sa awtorisadong mamimili may suportang presyo ba? May proteksyon ba ang magsisibuyas sa pagbibenta o sapat na pasilidad sa pagpreserba ng kalakal? Pinakamasama pa ang payo nitong huwag nang magtanim ng sibuyas ang magsasaka. Dapat na nagbibigay ang ahensyang ito ng serbisyo at proyeksyon sa kabuhayan ng magsasaka. Subalit kinapon ang DA kaya pawang palusot at panabing lang ito ng mga ganid na monopolyong kartel at traders na mga BK-MBK-PML din na binibigyang mukha ngayon ng naghaharing rehimeng Marcos Jr.

Barya-barya lamang ang ayudang ipinanlilimos ng rehimen ni Marcos Jr. sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) na ₱2, 325 cash assistance para sa 4.17 milyong magsasaka. Walang-wala ito sa 200 hanggang 300 libong piso kada ektarya na karaniwang ginagastos ng magsasaka ng sibuyas o ₱30,000 gastos sa kada lata ng sibuyas. DA mismo ang aamin na maliit ang halagang ito sa gitna ng tumataas na gastos sa produksyon. Huwag nang banggitin pa na lubhang maliit na bilang ito para abutin ang mas marami pang magsasaka ng sibuyas na di isinasama ng DA sa listahan ng dapat makatanggap ng ayuda dahil sa kapos at tagibang na RSBSA (Registry System for Basic Sectors in Agriculture) pabor sa mga may sariling lupa lamang.

Wala ring programa sa reporma sa lupa ang rehimeng ito. Sa halip na lutasin ang usapin ng kawalan ng lupa upang tumaas ang kapasidad ng bansa sa produksyong agrikultural mas ibinuyangyang pa ng rehimen sa dayuhang kapital ang lupa at likas na yaman ng bansa.

Ito ang malinaw na larawan ng pangwawasak ng produktibong pwersa ng bansa ( ang magsasaka) sa sistemang kinukubabawan ng mga burukrata kapitalista-malaking burgesya komprador -PML (o BK-MBK-PML) at imperyalistang dominasyon na ang tanging interes ay mandambong at kontrolin ang ekonomiya, pulitika, kultura at panatilihin ang naghaharing sistema sa bansa.

Liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon – ang mapanalasang mukha ng neoliberalismo – na sumasalanta sa magsasaka

Sa ilalim ng Agreement on Agriculture (AoA) na niratipika ng General Agreement on Tarrifs and Trade sa Uruguay Round of Negotiations (GATT-UR) sa udyok ng mga imperyalistang bansa, sistematikong sinasalanta at winawasak ang lokal na produksyon ng mga atrasadong bayan gaya ng Pilipinas upang maging palaasa at nasa kontrol ng monopolyo- kapitalistang bansa. Layunin nitong pigilan ang pag-usbong ng pambansang industriya at pagkaitan ng kapasidad na magsarili ng bansa. Sa paglumpo sa lokal na ekonomya, pinananatili tayong nakaasa sa importasyon at buo-buong nakokontrol ng mga dayuhan ang lokal na pamilihan kasabwat ang mga lokal na BK-MBK-PML.

Bukod sa importasyon ng produktong agrikuktural, nakaasa rin ang bansa sa imported na mga traktora at iba pang makinang pangsaka, mga abono’t kemikal at maski krudo na kinakailangan para patakbuhin ang patubig at mga makina na nasa kamay din ng mga MBK-PML. Kung mamahagi man ang DA ng mga kagamitang ito, limitado lang din ang sinasaklaw gaya ng kanilang kakarampot na pinapamahaging ayuda.

Dagdag pasanin ang mga neoliberal na batas at patakaran gaya ng Oil Deregulation Law na nagtanggal sa kontrol sa presyo ng langis, ang 12% value added tax at excise tax na nagpapamahal lalo sa langis at mga kagamitan sa produksyon.

Malinaw na sistematikong pinapatay ng neoliberalisasyon ang buhay at kabuhayan ng mga magsasaka.

Wakasan ang Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo at isulong ang pambansa -demokratikong programa!

Sa paglala ng krisis ng imperyalismo kasabwat ang mga BK-MBK-PML, lalong napapatunayan na ang tanging paraan upang wakasan ang kahirapan ay ang demokratikong rebolusyong bayan. Ngayong nagdurusa ang buong sambayanan sa kagutuman at kahirapan, higit na kinakailangan ang malawak na pagkakaisa ng masang api sa pangunguna ng mga magsasaka at manggagawa.

Sama-sama nating igiit ang pagpapataas ng farmgate price ng produktong bukid, pagbasura sa patakaran ng pag-asa sa importasyon ng agrikultural na produkto kasabay ng panawagan at pagkilos para lansagin ang monopolyong kontrol at kartel sa agrikultura. Dapat ding igiit ng mga magsasaka ang ayuda at subsidyo sa produksyon. Marapat ipaglaban ang pagbasura sa Oil Deregulation Law at ang pag-suspinde sa VAT at excise tax upang pababain ang gastos sa produksyon.

Habang inilalaban ang pundamental na karapatan ng mamamayan sa reaksyunaryong estado, hindi dapat buong umasa ang sambayanan na maibibigay ito. Dapat itong ipaglaban pangunahin na sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa pangunguna ng Bagong Hukbong Bayan upang agawin ang kapangyarihang pampulitika mula sa mga naghaharing uri at wasakin ang malakolonyal at malapyudal na sistema. Mula rito, itatatag natin ang gubyernong bayan na tutugon sa lahat ng demokratikong kahilingan ng masang api. Sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, ganap na maipapatupad ang programa sa ekonomya—ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga wala o kulang ang lupa, pag-transporma sa atrasadong pagsasaka at pagtatatag ng pambansang industriya—na magpapalaya sa bansa mula sa kinalulugmukan nitong krisis at kahirapan.

Mamamayang Mindoreño, magkaisa at ipaglaban ang makatarungang presyo ng sibuyas at iba pang produktong agrikultural!

Wasakin ang monopolyong kartel sa agrikultura at wakasan ang anti-magsasakang patakaran ng importasyon! Itaguyod ang lokal na produksyon!

Ibasura ang anti-mahirap na Oil Deregulation Law, VAT at excise tax!

Singilin ang rehimeng US-Marcos II sa pagwasak sa kabuhayan ng mga magsasaka!

Ipaglaban ang tunay na repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon at panlipunang pagpapalaya!

Isulong demokratikong rebolusyong bayan!

Panagutin ang rehimeng Marcos Jr sa pagwasak sa kabuhayan ng magsisibuyas ng Mindoro!