Pahayag

Militarisasyon, pahirap sa mamamayan ng General Nakar

Mariing kinukundena ng Apolonio Mendoza Command-NPA North Quezon ang mahigit dalawang buwan nang focused military operations ng 2nd IDPA sa General Nakar, Quezon. Ang militarisasyong pinagtutuwangan ng 80th IBPA, 1st IBPA at SAF-PNP ay walang idinulot kundi pagpapahirap sa hanay ng mamamayan mula pa noong Setyembre.

Gutom at takot ang idinulot ng operasyong militar sa mga residente ng Barangay Lumutan at Barangay Pagsangahan sa General Nakar.

Ang isinasagawang economic blockade sa dalawang barangay ay salarin sa dinaranas nilang gutom. Sa Lumutan, kung saan panahon ng kawitang palakol at walang makain ang mga tao bago ang anihan, inaabot ng ilang pamilya na prutas na lucban na lamang ang kinakain dahil limitado ang nabibiling bigas sa tindahan. Kinokontrol din ang binibili at ipinapasok na bigas at iba pang konsumo sa Pagsangahan. Sa Sityo Yukyok, halos wala nang laman ang mga tindahan ng masa ngunit nililimitahan pa sa tig-5 kilo ng bigas ang mabibili ng bawat pamilya. Lubhang kulang ito para sa malalaking pamilya sa lugar lalupa’t batak sa maghapong trabaho ang mga ito. Pati ang pagtatanim ay hinahadlangan ng AFP-PNP. Dahil dito, sa halip na madagdagan ang kanilang nakakain ay lalo pa silang napagkakaitan ng panlaman sa sikmura.

Dahil naman sa takot, hirap na ring kumilos ang mga residente sa tuwing may balita ng presensya ng militar o pulis. Notoryus ang mga yunit ng 80th IBPA, 1st IBPA at SAF-PNP sa mga paglabag sa karapatang-tao kung kaya’t iniiwasan ng masa na dumaan sa mga iniikutan ng mga ito sa takot na may gawing karahasan sa kanila ang militar.

Ang matagal at tumitinding presensya ng AFP-PNP sa mga nasabing lugar ay bahagi ng pagtitiyak ng mga ito ng seguridad ng anti-mamamayang proyektong Kaliwa Dam. Idinadahilan ng mga yunit ng reaksyunaryong hukbo tulad ng 80th IBPA na sila ay naglulunsad ng retooled community support program operations sa mga lugar na ito para umano’y tumulong sa mga residente ngunit batid ng masa ang walang patid na operasyong kombat sa lugar. Hindi na rin bago ang masa sa harasment, intimidasyon at sapilitang pagpapasuko na tunay na laman ng RCSPO at may layuning supilin ang marubdob na paglaban ng mga magsasaka at katutubong Dumagat at Remontado sa proyektong Kaliwa Dam.

Dapat na mariing kundenahin ng mga residente ng General Nakar ang militarisasyon ng kanilang mga sityo, sentrong baryo, taniman, uwayan, at kailugan. Dapat na ilantad ang masahol na pagpapahirap na idinudulot ng presensya ng 80th IBPA, 1st IBPA at SAF-PNP sa kanilang lugar at ibinubunsod nitong gutom at takot sa kanilang pamayanan. Samantala, laging handa ang AMC-NQ na itaguyod ang interes ng mamamayan sa gitna ng anumang panganib at pagsupil ng reaksyunaryong estado.###

Militarisasyon, pahirap sa mamamayan ng General Nakar