Mensahe ng RCTU sa Selebrasyon ng MAYO UNO 2024 Muling palakasin ang Rebolusyonaryong Kilusan ng mga Manggagawa! Isulong ang pakikibaka para sa umento sa sahod, karapatan sa pag-uunyon, katiyakan sa trabaho, at karapatang pantao! Wakasan ang paghahari ng imperyalismo, burukrata-kapitalismo, at pyudalismo!

,

Pinagpupugayan at inaalala natin ngayong araw ang lahat ng mga rebolusyonaryong organisador, lider, at manggagawa para sa kanilang inialay na dugo at pawis sa mahigit isang siglong pakikibaka laban sa kapitalismo at ang mapang-aliping sistemang sahuran. Itinatanghal natin ngayong araw ang maningning at militanteng pakikibaka ng uring manggagawa sa buong daigdig para sa ating mga demokratikong karapatan at para sa ganap na pagpapalaya hindi lang ng sarili, pero ng lahat nang uring-api!

Maikling Kasaysayan ng Pagdiriwang ng Mayo Uno

Sa araw na ito, higit isangdaang taon na ang nakalipas, unang ipinakita ng uring manggagawa ang lakas ng sama-samang pagkilos upang ipaglaban ang walong oras na arawang paggawa. Mahigit 350,000 manggagawa ang lumahok sa inilunsad na pangkalahatang welga sa iba’t ibang siyudad sa Estados Unidos. Sa kabila ng makatuwirang panawagan ng mga manggagawa, tinapatan ito ng pandarahas ng estado. May 3, 1886, pinaputukan ng kapulisan ang mga welgista sa McCormick Harvesting Machine Company sa Chicago na noon ay sentro ng industriya at kilusang paggawa sa Estados Unidos. Dalawa ang namatay habang marami ang sugatan sa insidenteng ito. Ang karahasang ito ay nag-udyok lamang ng mas malalaking protesta at paglaban sa hanay ng mga manggagawa at ng mamamayang sumusuporta sa pakikibaka ng uring api.

Sa kongreso ng Ikalawang Internasyunal noong 1889, itinakda ang Mayo Uno bilang Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa.

Lumaganap ang pagdiriwang ng Mayo Uno sa buong daigdig sa porma ng mga taunang protesta ng uring manggagawa dala ang ating mga panawagan para sa sahod, mga benepisyo, karapatan sa paggawa, karapatan sa pag-uunyon, at laban sa kabuuang makauring pang-aalipin ng sistemang kapital. Kasabay ng paglaganap ng pagdiriwang ng Mayo Uno ay ang paglaganap din ng mga babasahing Marxista na ibayong nagpatibay sa kilusang paggawa.

Sa Pilipinas, noong 1850s pa lang ay maitatayo na ang mga kapatiran ng mga manggagawa. Ang kauna-unahang pagkilos ng mga manggagawa ay matatala noong 1872 sa San Fernando, Pampanga, na pinangunahan ng Gremios de Impresores. Dala nila ang panawagan laban sa abuso ng kanilang superbisor na Kastila, mas maayos na kalagayan sa paggawa, at mas mataas na sahod. Kasabay ng lumalaganap na mga pag-aalsang pesante noong panahon ng Espanyol sa bansa, nagsimula na rin sa bubot na porma ang kilusang paggawa sa Pilipinas. Uunlad ang mga samahan ng manggagawa tungo sa pagiging mga unyon sa impluwensya ng mga kaganapan sa Europa at Amerika, paglaganap ng Marxismo at iba pang sosyalistang sulatin, at ang pagdadala ng mga ito sa Pilipinas sa pamamagitan ni Isabelo de los Reyes, isang ilustrado.

Maitatayo ang kauna-unahang unyon noong 1901, ang Union Impresores de Filipinas (UIF), sa pamumuno ng mga beterano ng rebolusyong 1896 at impluwensya ng mga ideyang Marxista na dinala ni de los Reyes. Sa sumunod na taon, naitayo ang Union Obrero Democratico (UOD), ang unang pederasyon ng mga unyon ng manggagawa.

Unang ginunita ang Mayo Uno sa Pilipinas noong 1903 sa pangunguna ng UOD. Nagmartsa mula Plaza Moriones sa Tondo patungong Malakanyang ang mga manggagawa upang igiit ang pambansang kalayaan sa ilalim ng panawagang, “Ibagsak ang Imperyalismong US!”

Sa kasalukuyan, hilahod ang milyun-milyong manggagawa sa ating bansa dahil sa patuloy na pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismo, burukrata-kapitalismo, at pyudalismo. Sa harap ng pananamantala ng monopolyong burgesya at pagbawi nito sa mga makasaysayang tagumpay ng uring manggagawa, hindi tayo kailanman susuko sa masikhay at matiyagang pagkilos para sa rebolusyonaryong adhikain ng ating uri at ng mamamayang Pilipino. Nagdudumilat sa ating harapan ang mga dahilan upang mahigpit na panghawakan ang katumpakan at tagumpay ng ating rebolusyonaryong pakikibaka.

Kalagayang ng mga manggagawa

Nasa yugto ng pagpapanibagong-lakas ang pandaigdigang proletaryong rebolusyon. Malawakang binawi ng monopolyong burgesya sa pamamagitan ng mga patakarang neoliberal ang mga tagumpay ng mga pakikibakang manggagawa. Labis na binarat ang sahod, binawi ang mga benepisyo at serbisyong panlipunan, pinahaba ang walong oras na paggawa sa tabing ng pleksibleng oras ng paggawa, binuwag at pinahina ang mga unyon, welga at mga karapatang unyon kasabay ng pagpapalaganap ng masahol na kontraktwalisasyon at kawalan ng katiyakan sa paggawa.

Nananalasa ang monopolyong kapital kapwa sa industriyalisadong bayan at mga atrasadong bayan katulad ng Pilipinas. Nais na patuloy na pabilisin ng mga kapitalista ang oras ng produksyon at dominahin ang merkado ng mga labis-labis na mga produkto, kahit pa wala nang kakayanan ang publikong ikonsumo ang mga ito sanhi na patuloy na pagbaba ng halaga ng sahod. Dahil sa tumitinding krisis ng labis na produksyon, sumasahol ang paghawak ng mga imperyalista at kapitalistang bayan sa mga kolonya at neokolonya nito, kagaya ng Pilipinas, upang maging imbakan ng mga labis na produkto at kapital. Binabansot ang ating sariling pambansang industriya, ibinebenta ang lakas paggawa ng mamamayang Pilipino sa napakamurang halaga, at inaalis ang mga demokratikong karapatan ng mga manggagawa.

Sa kabila ng pagsambit ng mabubulaklak na salita, hindi mapagtakpan ni Marcos Jr. ang pagpapakatuta sa imperyalismong US at dayuhang kapital, malalaking burukrata-kapitalista at panginoong maylupa. Sa likod ng kanyang sinasabing proteksyon ng manggagawa, wala naman itong ibinibigay na puwang para sa nakabubuhay na sahod, karapatang mag-organisa at mag-unyon, at katiyakan sa trabaho. Sa halip, pagbuyangyang sa lokal na ekonomiya ang ginawa ng rehimen upang pasasaan sa dayuhang kapital at lokal na naghaharing-uri ang Pilipinas. Ang katotohanan, karimarimarim ang kinabukasang naghihintay sa manggagawang Pilipino sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II.

Sa pagpopostura ni Marcos Jr. bilang maka-manggagawa, naglabas ito ng direktibang i-rebyu ang halaga ng regional minimum wage kaugnay ng epekto ng implasyon. Walang manggagawang maloloko si Marcos Jr sa kanyang mga buladas. Simula’t sapol ang panawagan ng mga manggagawa ay pagbuwag sa mga regional wage boards na simbolo ng lalong pambabarat ng sahod sa labas ng NCR sa kabila ng hindi nag-iibang presyo ng mga bilihin at mas masahol na kalagayan ng serbisyong sosyal sa kanayunan. Sa kasalukuyan, Php 610 ang minimum wage sa NCR, habang Php 361 ang minimum wage sa BARMM na naitala bilang pinakamababa. Lalo pang hinila pababa ang sahod sa pagpapatupad ng two-tiered wage system at ginawang kompetisyon ang pagtaas ng sahod batay sa produktibidad ng mga manggagawa.

Sa dalawang taon ni Marcos Jr sa pwesto, nasa abereyds ng ₱43-₱44 lang ang itinaas ng sahod sa buong bansa. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang totoong halaga o real value ng sahod ng manggagawa ay patuloy lang na bumababa. Ang kasalukuyang Php 610 na minimum wage sa NCR, halimbawa, ay may totoong halaga lang na Php 502 pesos. Sa mismong datos ng gobyerno, ang sahod ng manggagawa ay mas mababa pa sa poverty threshold ng bansa, o iyong pamantayan para masabing hikahos ang iyong pamumuhay.

Nananatiling tikom ang bibig ng rehimeng ito sa pagtataas nang sahod ng manggagawa tungo sa totoong nakabubuhay na sahod sa halagang ₱1200 at pagpapatupad ng pambansang minimum wage. Kung tutuusin, napakaliit ng halagang ₱1200 kumpara sa limpak-limpak na yamang nililikha ng mga manggagawang Pilipino.

Ipinapasa ng malalaking kapitalista sa manggagawa ang epekto ng implasyon, sa hangarin nitong palakihin pa ang supertubo. Patuloy ang paghuthot sa labis na halagang nililikha ng mga manggagawa sa pamamagitan ng puwersahang pagpapataas sa produktibidad ng bawat manggagawa, pagtatakda ng labis na mataas na kota sa produksyon, pagpapahaba ng oras ng trabaho gamit ang mga pleksibleng work arrangement, on-call basis, kontraktwalisasyon, at pag-aalis ng proteksyon at benepisyo sa paggawa.

Ang kasakiman ng mga kapitalista ang siya ring lumilikha ng sarili nitong krisis na ibayong nagpapalala sa kabulukan ng sistemang ito. Hindi na lang ito nasasapatan sa pambabarat ng sahod at todo-todong pagpiga sa lakas-paggawa ng mga manggagawa, nais pa nitong lubusang paliitin ang bilang ng mga manggagawang kailangan nyang bayaran sa pamamagitan ng pag-uunahan sa mga pinaka abanteng teknolohiya, lalo na iyong tinatawag na “Artificial Intelligence.” Gumagamit ito ng iba’t ibang iskema para malawakang magtanggalan sa pagawaan. Nariyan ang sapilitang pagpapaliban (forced leave), floating status, furlough, at sapilitang pagpaparetiro.

Anumang salamangka at estadistika ang gamitin, malawakan ang disempleyo at kawalan ng trabaho, barat ang sahod, at patuloy ang pag-atake sa karapatang mag-unyon ng mga manggagawa lalo na sa mukha ng kontraktwalisasyon at impormal na paggawa. Kung anong kupad ng rehimeng ito na ipag-utos ang pagtataas ng sahod ng manggagawa at paggalang sa karapatan ng mga manggagawa, siya namang bilis nito na alisan ng buwis ang mga malalaking negosyo, ipadambong ang mas maraming lupain sa mga malalaki at multinasyunal na mga korporasyon, at ibukas ang bansa sa pamumuhunan ng mga dayuhang kapitalista kapalit ang sariling pambansang industriyalisasyon at integridad ng manggagawang Pilipino.

Ang ilang dekadang liberalisasyon sa dayuhang pamumuhunan, ang pribatisasyon ng mga pangunahing serbisyong sosyal, ang deregulasyon at denasyunalisasyon ng mga pangunahing industriya ay walang magandang idinulot sa kalagayan ng manggagawang Pilipino. Kaya ang pagtutulak ng rehimeng Marcos Jr para sa charter change upang tuluyang ipamigay ang ekonomiya ng bansa sa imperyalistang US at iba pang dayuhang mamumuhunan, ay lalong magpapasidhi sa busabos nang kalagayan ng mga manggagawa at ng iba pang uring-api.

Sa harap ng makatuwirang pakikibaka para sa sahod, trabaho, at demokratikong karapatan ng uring manggagawa, tinatapatan ito ng estado ng mas masahol na pagsupil at pag-atake. Pinakikilos ng rehimeng US-Marcos Jr ang buong reaksyunaryong makinarya sa pangunguna ng armadong pwersa upang ipalaganap ang takot sa mamamayang nakikibaka. Sa pamamagitan ng Terror Law ng rehimen, ginagawang terorismo ang unyonismo at terorista ang mamamayang nakikibaka upang ilayo sa landas ng rebolusyonaryong pagbabago ang mga manggagawa at iba pang mammayan. Sa nakaraang walong taon, 72 ang naitalang kaso ng karumal-dumal na pag-atake, pagdukot, at pagpaslang sa mga organisador at lider-manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa harap ng lalong pagkabulok ng imperyalismo, tumitindi rin ang girian ng mga imperyalistang bayan para sa konsentrasyon ng kapital at hegemonya sa politika at militar lalo na sa mga kolonya at neokolonya. Ang umiigting na girian ng US at Tsina para sa dominasyon sa rehiyong Asya-Pasipiko, at sa partikular, sa Pilipinas, ay nagbabadya ng higit pang pagpapahirap at naglalagay sa mas alanganing pusisyon sa manggagawa at mamamayang Pilipino. Sa napipintong pagputok ng imperyalistang digmaan, dapat nating buklurin ang pagkakaisa ng buong uri at ng lahat ng mamamayang Pilipino para tutulan ang paggamit ng imperyalistang US sa ating katubigan, kalupaan, at demokratikong interes sa tunay na kalayaan at soberanya para sa kanyang makasariling interes. Wala sa interes natin ang digmaan ng mga imperyalistang bayan, ang interes natin ay ang paggapi sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo sa pamamagitan ng pagsusulong demokratikong rebolusyong bayan!

Sa kabila ng nagpapatuloy at papatinding pang-aapi at pagsasamantala, tanganan natin ang mga aral mula sa mahabang kasaysayan ng tagumpay at pakikibaka ng kilusang proletaryado sa bansa at sa buong daigdig. Simula noong 1880s, sa pagsisimula ng pagdiriwang ng Mayo Uno, malinaw na ang pinaka epektibong sandata ng kilusang manggagawa ay ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang pagsusulong ng armadong rebolusyon at pagwasak sa lahat ng mga makinarya ng burgesya, at ang tunay na partidong nagdadala at nagsusulong ng makauring interes ng proletaryado laban sa kapitalismo, ang Partido Komunista!

Ang ating mga tungkulin

Ang ganap na paglaya ng uring manggagawa ay magagawa kakabit ng pagpapalaya sa lahat pa ng uring pinagsasamantalahan ng monopolyong kapitalismo. Sa ganitong diwa, malaki at pangunahin ang ginagampanang papel ng uring proletaryado para isulong ang rebolusyon. Para magampanan ang makauring papel na ito, kailangang pagsikapan ng mga rebolusyonaryong pwersa, lahat ng kasapi ng RCTU, ang pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa manggagawa sa kanilang makauring interes.

Simula’t sapul, ang nagkakaisang interes ng mga manggagawa para sa pagpapataas ng sahod, pagpapababa ng presyo ng bilihin, maayos at ligtas na kalagayan sa paggawa, karapatang mag-unyon, katiyakan sa trabaho, at iba pang demokratikong kahilingan ang unang hakbang sa pagbubuklod ng kanilang lakas. Sa kasalukuyan, dapat nating patibayin ang kaisahan sa ating hanay na isulong ang pambansang minimum na sahod na kasinghalaga ng kasalukuyang nakabubuhay na sahod para sa isang pamilya; labanan ang lahat ng porma ng pananamantala, panggugulang, at pag-atake ng pinagsanib na pwersa ng estado at mga kapitalista.

Ang tungkulin natin bilang rebolusyonaryong bag-as ay magsisimula sa tungkulin nating palalimin ang pagsipat at pagsisiyasat sa kalagayan ng ating uri. Pangunahan natin ang pakikipag-usap at pakikipagtalakayan sa ating mga kasamahan sa trabaho, tahanan, at mga inuuwiang komunidad hanggang pinahihintulutan ito ng panahon at pagkakataon. Abutin natin ang pinakamalawak na bilang ng mga manggagawa, unyonisado man o hindi, o nakapaloob man sa mga dilawang unyon. Buuin natin ang karanasan sa loob ng ating mga pagawaan, buuin ang mga demanda, at walang pag-aatubiling pamunuan ang mga lokal na pakikibakang masa sa loob ng mga pagawaan. Ang paparami at papalawak na mga naikakasang lokal na mga pakikibaka ang tuntungan sa pagpapasiklab muli ng kilusang welga.

Sa pagpapasigla ng pakikibakang manggagawa, magiging matabang lupa ito upang organisahin at palakasin ang kilusang unyon. Dahil sa mahabang panahon ng pag-atake sa karapatang mag-unyon ng mga manggagawa, nangangailangang puspusang ipakilala at imulat ang masang manggagawa sa totoong esensya ng unyon. Isulong at pasiglahin muli natin ang hanay ng mga tunay, makabayan, at progresibong unyon!

Kasabay ng pagpapakahusay sa pamumuno at pagsusulong ng mga pang-ekonomiyang pakikibaka, dapat ihakbang kasabay ang pagmumulat sa masang manggagawa sa makauring ugat ng ating pakikibaka. Kailangang itaas ang pampulitikang kamulatan ng masang manggagawa, makilala ang kanyang totoong kalaban, pataasin ang kanyang militansya sa pukpukang pakikibaka para wakasan ang mapang-aliping sistemang sahuran, at upang mahusay na magampanan ang kanyang makauring pamumuno sa pagsusulong ng komunistang bukas. Ang katatagan ng makauring panindigan at pampulitikang kamulatan ng manggagawa ang magbibigay ng hindi mauubos na enerhiya para patuloy na isulong ang mga pakikibakang pang-ekonomiya.

Upang magawa ito, dapat nating puspusang itaguyod at ipakilala sa masang manggagawa ang buhay na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo upang mas magagap ang kanyang sariling danas at makita ang landas ng rebolusyonaryong pagbabago. Pangunahan ng mga rebolusyonaryong bag-as ng manggagawa ang paglulunsad ng mga talakayan sa mas maliliit na selula o grupo upang regular na maisagawa. Gawing paparami at papalawak ang inaabot ng mga talakayan habang pinapanatiling lihim ang mga sirkulo ng pag-aaral sa mata ng kapitalista at mga galamay nito. Gamitin kapwa ang mga orihinal na teksto at mga pang-masa at pinaiksing bersyon sa pagtatalakay.

Hakbang-hakbang nating itayo ang mga grupo, komiteng pang-organisa, o brigada ng manggagawa sa isang takdang pagawaan nang lingid sa kaalaman ng kapitalista. Layunin natin na maabot at sumaklaw sa mayorya ng manggagawa na solido nating kaisa at handang kumilos upang isulong ang listahan ng mga kahingiang nabuo kasama ang masa. Ang kampanyang ito ay inililingid natin sa kapitalista hanggang maitayo ang unyon o iba pang depinidong anyo ng ligal na organisasyon, o porma ng aksyon, kung saan maisusulong ang ating mga kahingian at ganap na nagkakaisa para ipaglaban ang mga ito.

Nakatala na sa kasaysayan, at maging sa mga bago nating karanasan, na walang mabuting naidudulot ang maagang pagkakalantad ng ating mga plano, kung hindi pagkatalo. Magpakahusay tayo sa lihim na pagtitipon ng lakas sa takdang pagawaan, at paghihintay upang mahinog ang mga paborableng kalagayan habang inaabot natin ang pinakamaraming bilang ng manggagawa at pagawaan.

Abutin ng ating pag-oorganisa ang mga manggagawa sa iba pang linya ng trabaho o pagawaan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga grupo at komiteng pang-organisa sa kanilang mga komunidad at pagtatayo ng iba’t ibang tipo ng organisasyong masa sa loob. Ang mga organisasyong masang maitatayo sa mga komunidad ay mayroong tungkuling pamunuan ang mga lokal na pakikibaka na aambag din sa kabuuang pagpapalakas ng kilusang manggagawa. Dito natin mapapahigpit ang ugnayan sa mas malawak na manggagawa na nakatira sa iba’t ibang komunidad. Mas maluwag ring mailulunsad ang mga pulong, talakayan at pag-aaral sa mga bahay-bahay at komunidad ng manggagawa.

Higit sa lahat, dapat nating ipakilala sa hanay ng pinakasulong na bahagi ng ating hanay ang kanyang Partido, ang Partido Komunista ng Pilipinas. Ang PKP ang nagsisilbing taliba ng uring proletaryado, ang siyang pinakatapat na nagsusulong ng totoong interes, at magpapalaya ng uring manggagawa mula sa tanikala ng kapitalistang pagsasamantala. Sa loob ng Partido at sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pagbabagong panlipunan, kinikilala ang makauring pamumuno ng manggagawa dahil sa namumukod-tanging mga katangian nito. Ang kolektibong kamalayan ng uring manggagawa, ang kawalan nya ng pag-aari, at ang kawalan nito ng makasariling interes na magkamal ng indibidwal na kontrol sa kagamitan sa produksyon ang naglalagay sa uring manggagawa sa unahan ng lahat pa ng uri. Ang pag-aasam ng uring manggagawa na lumaya mula sa mapagsamantalang sistemang kapital ay nagbubunsod ng pagpapalaya sa lahat pa ng aping-uri.

Upang maisulong ang pakikibaka para agawin ang kapangyarihang pampulitika, palakasin natin ang ating rebolusyonaryong pampulitikang partido sa pamumuno sa uring proletaryado, at lahat ng uring demokratiko at makabayan. Maitatayo lamang natin ang demokratikong kapangyarihang pampulitika ng manggagawa, magsasaka at sambayanan sa pagkakataong naibagsak na ang pagkubabaw ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo sa mamamayang Pilipino upang tuluyang mapawi ang pagsasamantala at pang-aapi. Buhay at tuloy-tuloy nating ipanawagan ang pagsampa ng paparaming bilang ng mga manggagawa sa Bagong Hukbong Bayan, hasain ang mas maraming bilang para maging kadre ng Partido, at sa gayon buong-buong matanganan nito ang kanyang pamumuno sa rebolusyon!

Sa pagsulong at pagtatagumpay ng pakikibaka ng uring manggagawa dito sa Pilipinas, isang malaki at makabuluhang ambag ito sa kabuuang pagpapahina ng imperyalismo sa buong daigdig. Bahagi ang pambansa demokratikong rebolusyon ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon na sa kasalukuyan ay nasa yugto ng pagpapanibagong lakas. Magtatagumpay ang rebolusyong Pilipino sa pakikipagtulungan sa pandaigdigang proletaryado at iba pang rebolusyon at progresibong pwersa sa ibang bayan.

Mabuhay ang rebolusyonaryong kilusan ng uring manggagawa!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan tungo sa tagumpay!

Muling palakasin ang Rebolusyonaryong Kilusan ng mga Manggagawa! Isulong ang pakikibaka para sa umento sa sahod, karapatan sa pag-uunyon, katiyakan sa trabaho, at karapatang pantao! Wakasan ang paghahari ng imperyalismo, burukrata-kapitalismo, at pyudalismo!