Nag-ooperasyong kombat, hindi relief, ang AFP sa Albay
Habang daan-daanlibo ang sinasalanta ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa Bicol at iba pang bahagi ng bansa, isang yunit ng 49th IB ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naglunsad ng operasyong kombat kahapon ng umaga sa Barangay Matanglad sa bayan ng Pio Duran, Albay. Ang operasyong ito ay humantong sa isang engkwentro sa isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa pagitan ng alas-5 at ala-6 ng umaga, na nagresulta sa pagkasugat ng isang sundalo.
Sinubukan ng mga pasistang sundalo na samantalahin ang masamang panahon para tabingan ang kanilang tangkang reyd sa pusisyon ng yunit ng BHB, pero isinuplong sila ng taumbayan sa erya, dahilan na nag-alerto ang mga mandirigma ng BHB sa lugar. Ang mabilis na tugon ng BHB sa operasyong kombat ng AFP ay nagpahintulot sa kanila na epektibo at aktibong ipagtanggol ang kanilang sarili, at mabilis na kumalas mula sa engkwentro.
Binabaluktot ng AFP ang mga balita para magpapogi sa midya sa pagsabing nagdadala sila ng relief goods sa lugar, gayong sa katotohanan ay armado sila, walang ibang dala kundi mga sandata at handang makipagsagupaan.
Kinumpirma ng mga taumbaryo na walang kahit anong operasyong relief sa kanilang barangay, na nagpasinungaling sa pahayag ng AFP. Inulit ito ng mga lokal na upisyal ng barangay na nagsabing ang kanilang lugar ay hindi naapektuhan ng pagbaha. Kinumpirma rin ng meyor ng bayan na naglunsad ng operasyong kombat ang AFP batay sa isang “tip.”