Nakikiisa ang PKP sa sigaw ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod sa Araw ni Bonifacio

Ang artikulong ito ay may salin sa

Ipinaaabot ng buong Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pakikiisa sa lahat ng mga manggagawa at kanilang unyon at iba’t ibang tipo ng asosasyon, gayundin sa mga karaniwang kawani sa publiko at pribadong sektor, at lahat ng maliliit na propesyunal, at sinusuportahan ang kanilang lumalakas na panawagan para sa dagdag na sahod, kasabay ng paggunita bukas ng mamamayang Pilipino sa ika-159 na araw ng kapanganakan ni Andres Bonifacio.

Subsob sa kahirapan at pagdurusa ang mga manggagawang Pilipino. Nagdurusa sila sa patakaran ng mura at supil na paggawa na ipinapataw ng dayuhang malalaking kapitalista at ipinatutupad sa pamamagitan ng mga ahente sa eknonomya, pulitika at armadong ahente sa gubyerno ng Pilipinas.

Ang natatanggap na sahod ng mga manggagawang Pilipino ay lubhang malayo sa nakabubuhay na halagang kailangan para mapanatili ang kanilang paggawa. Ang kanilang karapatang magbuo ng mga unyon ay sinusupil ng pulis at militar para tanggalin ang kanilang kakayahang ipagtanggol ang kanilang mga sarili at ipaglaban ang kanilang interes at kagalingan. Kung walang unyon, labis na mapang-api ang kalagayan ang mga manggagawa.

Ang kahingian ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod ay syento-porsyentong makatarungan. Kagyat ang pangangailangang mag-organisa at makibaka sa pamamagitan ng mga welga at iba pang porma ng protesta. Kinakatawan ng rehimeng US-Marcos ang dayuhang monopolyong interes at lokal na malalaking kapitalistang kasosyo nito at hindi tutugunan ang karaingan ng mga manggagawa kung hindi ito matutulak ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagpapamalas ng malawakang pagkakaisa at paglaban.

Tinitingala ng masang anakpawis si Bonifacio bilang isa sa kanilang mga bayani. Tulad nila, nagdusa siya sa kahirapan at pang-aapi at naghangad para sa pambansa at panlipunang kalayaan. Nagbibigay inspirasyon sa kanila ang walang-imbot na dedikasyon ni Bonifacio sa masang api at kanyang tapang na ipaglaban ang kalayaan mula sa dayuhang kolonyalistang mananakop.

Tulad ni Bonifacio at ng Katipunan, dapat maging militante at taglay ang bakal na determinasyon ang mga manggagawang Pilipino sa kanilang buhay at kamatayang pakikibaka para isulong ang kanilang mga interes. Gagamitin ng mga imperyalista at lokal na naghaharing mga uri ang lahat ng pamamaraan para supilin at pigilan ang mga manggagawa na magbangon.

Sa harap ng sumisidhing mga porma ng pagsasamantala at umiigting na panunupil, nananawagan kami sa lahat ng manggagawa na sumapi sa Partido Komunista ng Pilipinas at ilaan ang kanilang buhay sa adhikain ng manggagawa at mamamayang Pilipino. Ang paglaya ng mga manggagawa at ng mamamayang Pilipino mula sa matagalang kahirapan at pagdurusa ay makakamtan lamang sa pagrerebolusyon.

Nakikiisa ang PKP sa sigaw ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod sa Araw ni Bonifacio