Panagutin ang Philippine Coast Guard! Nakikiramay ang NDFP-Rizal sa mga biktima ng trahedya sa Binangonan; Marcos Jr.

Pinaaabot ng NDFP-Rizal ang pakikiramay nito sa mga biktima at mga pamilya ng mga nasawi sa paglubog ng MBCA Princess Aya malapit sa Binangonan, Rizal kahapon, Hulyo 27. Sa pinakahuling bilang, umabot na sa 27 katao ang natagpuang patay habang nawawala pa rin ang iba. Nakikiramay rin ang NDFP-Rizal sa lahat ng naging biktima ng Bagyong Egay na nagdulot ng matitinding pagbaha at lumalaking pinsala sa mga Rizaleño.

Kinukundena rin ng NDFP-Rizal ang Philippine Coast Guard sa kanilang kawalang-bahala sa pagtitiyak ng kaligtasan ng mga pasahero. Sa halip, pinayagan nila ang biyahe sa gitna ng matindi at hindi pa istableng panahon. Pabaya rin nilang pinasakay ang malaking bilang ng pasahero lampas sa 42-katao lamang na kakayanan nito, na dahilan ng pag-overload ng bangka. Panghuli, hindi nila tiniyak na may life vests ang lahat ng pasahero para iwasan ang pagkalunod sa panahon ng malalang mga emergency.

Nakagagalit na hindi isinama ang mga biktima ng nalunod sa Binangonan sa tala ng mga nasawi sa Bagyong Egay gayong malinaw na naganap ang aksidente sa panahong nananalasa ang bagyo. Dapat panagutin ang Philippine Coast Guard at ang reaksyunaryong gubyerno sa kapabayaan sa kanilang tungkuling tiyaking ligtas ang mga pasahero sa lahat ng panahon. Hangad ng mga pamilya ng mga biktima at ng lahat ng Rizaleño ang hustisya at karapatan lamang nilang makuha ito. Marapat ding singilin si Marcos Jr., ang iresponsableng punong ehekutibo ng reaksyunaryong gubyerno dahil habang lubos na naghihirap ang mga Rizaleño at ang mamamayang Pilipino mula sa mga epekto ng Bagyong Egay ay muli siyang naglalamyerda sa ibang bansa, partikular sa Malaysia.

Nananawagan kami sa lahat ng mga progresibo, sosyo-sibikong grupo, taong simbahan, at makakalikasan, na magbigay ng nararapat na tulong sa mga Rizaleñong biktima ng mapait na mga trahedya ng nagdaang bagyo.###

Nakikiramay ang NDFP-Rizal sa mga biktima ng trahedya sa Binangonan; Marcos Jr.