Niyurakan ng Balikatan exercises ang soberanya at seguridad ng Pilipinas

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa pakikipagsabwatan sa rehimeng Marcos at armadong mga pwersa nito, nagpamalas ng labis na paghamak ang gubyerno at militar ng US sa soberanya at seguridad ng Pilipinas nang ginamit nito ang bansa para labis-labis na magpakitang gilas ng lakas-pamutok para ipagsilbi sa kahibangan nitong mang-udyok ng gera sa imperyalistang karibal nitong China.

Ang malakihang Balikatan war exercises na isinagawa sa kalupaan at teritoryong pantubig ng Pilipinas ay nagsilbi lamang sa ibayong pagpapainit sa tunggaliang militar sa Asia, partikular sa South China Sea.

Kinukundena ng Partido at sambayanang Pilipino ang rehimeng Marcos sa pagpapahintulot nito sa US at mga alyado nito na gamitin ang teritoryong pandagat ng bansa para sa mga maniobrang panggera. Ang pagsasagawa ng tinatawag nitong mga “freedom of navigation operations” o “operasyon para sa malayang paglalayag” buhat sa katubigan ng Pilipinas ay higit na nagtutulak sa bansa sa alimpuyo ng lumalaking tunggalian, at nagpapalaki sa panganib na makaladkad sa isang inter-imperyalistang gera.

Dapat batikusin natin ang armadong mga pwersa ng US at Pilipinas sa paggamit sa mga baybayin ng bayan ng Rizal sa Palawan para magpasabog ng ilang rocket mula sa mga HIMARS missile launcher ng US patungo sa katubigan ng South China Sea, diumano’y pagsasanay sa pagkontra sa nanghihimasok na pwersa, na may malinaw na pagpapahiwatig laban sa China.

Tinutuligsa rin ng Partido ang militar ng US at Pilipinas sa pagpapakat ng kanilang mga howitzer at iba pang armas sa sand dunes ng Laoag para gawing “firing range” ang hilagang baybayin ng Pilipinas kung saan isang “gawang China” na barko ng isang “kunwaring kalaban” ang ginamit bilang target ng panganganyon at mga aerial bomb. Ang live-fire exercises, na umano’y “rurok” ng Balikatan war games, ay malinaw na nagsilbi para kantihin at udyukin ang China, pataasin ang tensyon, at hadlangan ang mga diplomatiko at mapayapang pagsisikap na resolbahin ang mga sigalot.

Kinukundena ng Partido ang militar ng US sa mababang pagpapalipad ng kanilang mga jet fighter, na hindi lamang lumabag sa soberanya ng teritoryong panghimpapawid ng bansa, kundi nagdulot rin ng takot at troma sa mga residente ng hilagang mga bayan at prubinsya ng Pilipinas.

Kinukundena ng Partido ang Balikatan war games sa panggugulo sa kabuhayan ng libu-libong mamamayan, laluna ang mga mangingisda sa mga baybayin ng Palawan at kanlurang mga prubinsya ng Luzon, na napalayas sa kanilang lugar pangisdaan nang nagpataw ang AFP ng patakarang “no sail” na nagbawal sa pangingisda, dahilan na ilang linggo silang walang kita. Ang Balikatan war games ay nagpamalas rin ng ganap na pagbalewala sa kalikasan sa pagpapaputok nito ng mga rocket, pagpapasabog ng mga bomba at pagtatambak ng nakalalasong basura ng mga barkong pandigma ng US sa katubigan ng Pilipinas.

Inilunsad ang Balikatan war exercises kasabay ng isang kampanyang saywar ng US at ng AFP para pakintabin at pagandahin ang imahe ng brutal na makinarya sa digma ng US. Ginagamit ng US ang estratehiya ng golpe de gulat para manipulahin ang kaisipan ng mamamayang Pilipino. Hinuhugisan ng mga naratibo ng US ang lokal na mga balita, na gumagamit ng wika at mga terminong gawa ng gubyerno ng US at inuulit-ulit ng mga upisyal miliar at pandepensa ng gubyernong Marcos. Hindi iilang Pilipinong mamamahayag, akademiko at tagapaglikha ng opinyon–mulat man o hindi, mabuti man o hindi ang intensyon–ay nagpapakalat sa mga Pilipino ng sinulsulan-ng-US na Sinophobia. Sa maraming plataporma, inilalarawan ang imperyalistang US bilang “big brother” at “tagapagtanggol.” Tinatabunan ang katotohanan na sa buong mundo, kinukundena ang US sa tuwirang pananagutan nito sa henosidyo ng Israel laban sa mamamayang Palestino, o sa pagpapatagal ng gera sa Ukraine sa pagbubuhos nito ng mga armas sa kanyang tau-tauhan.

Ang Balikatan exercises ngayong taon ng militar ng US, pinakamalaki sa ngayon, ay nagpapakita ng bumibilis na tyempo ng panghihimasok militar ng US sa Asia, ayon sa estratehiyang heyopulitikal nitong tinaguriang “first island chain” para pigilan ang pagpapalawak ng kapangyarihan ng China sa ekonomya at militar. Nasa pinakabagong yugto tayo ngayon ng “pihit sa Asia” ng US na idineklara nito noong 2011, para pangalagaan at palawakin ang pang-ekonomyang interes nito. Simula noon, pinaigting ng US ang presensyang militar nito sa Japan hanggang Australia, gayundin sa mga bansa sa Pacific. Alinsunod sa estratehiya nito, pinalakas ng US ang presensyang militar sa Pilipinas sa pagdaragdag ng mga base militar, tinatawag na EDCA sites, sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Sa tabing ng walang-tigil na “ehersisyong” militar, patuloy na pinananatili ng militar ng US ang pangmatagalang presensya sa Pilipinas, na nagpapalakas sa kontrol ng militar sa bansa.

Lalong nagiging antagonistiko at agresibo ang China sa pagkontra sa tumitinding presensyang militar, pang-uupat at pang-uudyok ng gera ng US. Sa ngayon, naiiwasan pa nitong tumawid sa pulang linya ng armadong pakikipagsalpukan sa US man o sa militar ng Pilipnas, sa paggamit ng tinatawag nitong “gray tactics,” ngunit nakaaagrabyado sa mamamayang Pilipino sa pagbabawal nitong makapasok ang mga mamamalakayang Pilipino sa kanilang tradisyunal at komun na pangisdaan sa Scarborrough Shoal. Binobomba rin nito ng tubig ang Philippine Coast Guard at mga sibilyang sasakyang pandagat sa pagdadahilang nilalabag ng mga “supply mission” ng Pilipinas ang kanilang “gentleman’s agreement” (usapang lalaki) sa rehimeng Duterte at Marcos.

Dapat mahigpit na tuligsain ang umiigting na presensyang militar at tumitinding interbensyon ng US sa South China Sea, sa pakikipagsabwatan sa AFP, dahil humahadlang ito sa diplomatiko, di antagonistiko at mapayapang mga paraan ng paglutas sa mga sigalot sa South China Sea. Para maitulak ang solusyong hindi militaristiko sa mga tunggaliang ito, dapat din nating tutulan ang tuluy-tuloy at malaking presensyang militar at mga sasakyang pandagat ng mga paramilitar ng China sa South China Sea, laluna iyong nasa loob ng exclusive economic zone at extended continental shelf ng Pilipinas.

Ang pakikihanay at pagsusunud-sunuran ng rehimeng Marcos sa hayok sa gerang imperyalistang US ay higit na yumuyurak sa soberanya ng Pilipinas at nagsasapanganib sa seguridad ng bansa. Pinatutunayan ng tutang si Marcos na ang isang nagsasariling patakarang panlabas ay hindi maisasakatuparan sa ilalim ng kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na sistema, at ng makauring paghahari ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa.

Sa harap ng umiigting na paghahanda para sa gera at pang-uudyok ng US, at lumalaking panganib na makaladkad ang Pilipinas sa isang inter-imperyalistang gera, nananawagan ang Partido sa sambayanang Pilipino na magkaisa at tumindig, at makibaka para sa tunay na pambansang kalayaan. Sa pamamagitan lamang ng pagpapalaya sa Pilipinas mula sa kuko ng imperyalismong US magkakaroon ng kapangyarihan ang mamamayang Pilipino na pandayin ang sarili nitong kasaysayan at likhain ang isang lipunang maunlad at makatarungan.

Niyurakan ng Balikatan exercises ang soberanya at seguridad ng Pilipinas