Pahayag

Padagundungin ang paglaban sa sistemang korap at bulok! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

,

Mainit na pagbati at marubdob na pakikiisa ang pinaabot ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) sa mga manggagawang Pilipino, mga kabataan at estudyante, kababaihan, mga maralita, at iba pang demokratikong sektor ng ating bayan, na humugos sa mga lansangan sa buong bansa nitong nagdaang mga linggo.

Ipinakita nito ang kolektibong galit at paniningil sa sistemang batbat ng korapsyon sa burakrasya, mga kasapakat nitong mga korporasyon at mga ahente ng panggagantso ng mga nakaluklok sa gobyerno laban sa sambayanan na naghihirap lalo na sa harap ng mga bagyo at kalamidad.

Ang mga manggagawa, maralitang Pilipino at pamilya ng mga migranteng manggagawa na nakatira sa mga komunidad ang unang lumulubog sa baha. Sa tuwing bumabagyo, nalalagay sa panganib ang buhay ng mga manggagawa na obligadong pumasok sa mga pagawaan dahil kung hindi ay walang sasahurin at ipapakain sa pamilya. Wala namang nakukuhang hazard pay at calamity fund, at kadalasan pa ay napapatawan ng sanctions kapag late o absent. Kakarampot lamang ang binibigay na ayuda sa mga nasira ang tirahan at kabuhayan dahil sa sunod-sunod na pagbaha.

Sa kanayunan, kulang na kulang din ang suporta sa agrikultura lalo na sa panahon ng kalamidad. Sa bawat bagyo at sakunang dumadaan, milyon-milyong halaga ng pananim ang nawawasak. Ngunit lagi na lang walang nakukuhang kompensasyon ang mga magsasaka at manggagawang bukid. Wala ring insurance o proteksyon sa pagkasira ng mga pananim. Ang napakaliit na pondo para sana sa irigasyon, post harvest facilities, at iba pa ay kinukurakot din.

Umalingasaw ang sistematikong pagnanakaw sa kabang-bayan sa pamamagitan ng gawa-gawa at depektibong mga proyektong imprastraktura at iba pang programa ng gobyerno. Ang pinamalas na kolektibong pagkilos lalo na nitong Setyembre 21, ika-53 anibersaryo ng diktadurang Marcos Sr., ay nagpapaalala sa kriminal na pandarambong sa kasaysayan ng bansa sa kamay ng malagim na Martial Law at anumang pakitang-gilas ni Marcos Jr. ay hindi-hindi magbubura sa kamalayan ng mamamayang Pilipino. Halos tatlong taon pa lamang sa poder ay nabawi na muli ng mga Marcos ang P350 bilyong nakaw na yaman mula ng ibasura ng Sandiganbayan ang kaso ng katiwalian. Nakabinbin din ang ilampung bilyon na estate taxes na pagkakautang ng mga Marcos sa kaban ng bayan matapos maluklok sa poder.

Sinisigaw ng mamamayan ang pagpapanagot sa mga tiwaling mga mambabatas sa Kongreso at Senado, sa DPWH at sa kanilang mga kakutsabang mga korporasyon. Kasabay nito dapat na panagutin mismo ang rehimeng US-Marcos, na siyang mastermind ng taunang badyet at nag-apruba sa hindi bababa sa P420B na `insertions’ ng Senado at Kongreso sa mga proyektong imprastraktura nitong 2025, nagpalobo sa mga confidential funds, intelligence funds at unprogrammed funds, at mga programa ng gobyerno na daluyan at gatasang-baka ng mga burukrata-kapitalista, kabilang na ang bilyon-bilyong badyet ng red-tagger at mapanupil na NTF-ELCAC, Maharlika Sovereign Wealth at ibpa.

Dapat magbantay ang taumbayan laban sa anumang pakana pa na itago ang mga nakaw na yaman, at makatakas sa pananagutan ang mga magnanakaw na kapitalista, mga opisyal at burukrata-kapitalista sa gobyerno.

Ang burukratang-kapitalismo o sistemang pagpapatakbo sa gobyerno parang negosyo at gatasan ng mga burukrata-kapitalista para magpayaman ng kanilang mga pamilya at uri, ay lalong nagiging kasuklam-suklam sa harap ng paghihirap ng nakakaraming Pilipinong pinagkakaitan ng serbisyong-panlipunan habang pinipiga sa samut-saring buwis at dinadambong ang likas na yaman ng bansa.

Kasapakat ang mga malalaking burgesyang komprador at panginoong-maylupa, sunud-sunuran ang mga burukrata-kapitalista sa gobyerno sa mga dikta ng mga imperyalista lalo na ang imperyalistang US bilang pangunahing padrino nito. Pinapanatili nila ang malapyudal at makolonyal na sistemang panlipunan na nagpapanatili sa atrasadong agrikultural na sistema sa kanayunan, kawalan ng pambansang industriyalisasyon sa bansa, at kawalan ng pambansang kalayaan sa kapinsalaan ng sambayanan.

Sa pag-igting ng krisis, lalong gumagamit ng dahas at panlilinlang ang mga burukrata-kapitalista at mga naghaharing-uri laban sa sambayanan. Ginagamit nila ang kanilang nakaw na yaman at kapangyarihan para kontrolin ang halalan, linlangin ang mamamayan at gumagamit ng pulitika ng padrino kadalasan gamit ang mga programa ng gobyerno para magkaroon ng utang-loob ang taong-bayan sa kanilang `binigay’ na serbisyo na ibinabandila nila gamit ang kanilang pangalan, ng kanilang pamilya at dinastiya. Nagiging desperado at tumitindi ang ribalan ng mga burukrata-kapitalista sa kapwa nya burukrata-kapitalista at malalaking komprador dahil sa lumiliit na hati sa nakukulimbat na yaman sa kaban ng bayan kaya palagiang kakambal na sistema ng burukrata-kapitalismo ang korupsyon, awayan sa pulitika, dinastiya at pag-uunahan sa pag-amot ng pabor, basbas at proteksyon sa imperyalistang US.

Sa ganitong bulok na kalakaran, nakalubog ang kinabukasan ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya at susunod na salinlahi. Sa sobrang bulok sa kaibuturan, hindi mababago ang sistema sa ating bayan sa pamamagitan lamang ng reaksyunaryong eleksyon at paligsahan ng mga korap na burukrata-kapitalista at pangingialam ng malalaking kapitalista at imperyalistang US. Tanging sa ating pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan at pagpapabagsak sa paghahari ng mga salot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo makakamit natin ang paglaya.

Habang nanawagan ng pagpapanagot sa mga mandarambong at magnanakaw sa bayan at pagpapanagot sa rehimeng US-Marcos, lalong makatarungan ang ating mithiin para ibagsak ang nabubulok na sistema ng malapyudal at malakolonyal na lipunang Pilipino. Hamon sa ating manggagawa at mamamayan na mag-organisa, palawakin at palakasin ang ating rebolusyonaryong hanay, itayo ang mga Pulang Brigada ng Manggagawa sa ating mga pagawaan at komunidad, at mag-ambag sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan. Hahawanin sa kanayunan ang pagtatayo ng mga binhi ng demokratikong gobyernong bayang tunay na magsisilbi sa mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan.

Walang masusulingan ang sambayanan kundi ang lumaban at manawagan para sa tunay na pagbabago ng sistema sa lipunang Pilipino! Nasa taumbayan ang tunay na lakas at kapangyarihan para baguhin ang lipunan sa pamamagitan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba.

Padagundungin ang paglaban sa sistemang korap at bulok! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!