Pahayag

Pag-alala sa ikatlong anibersaryo ng Piat 3

Biyernes Santo noon, ika-15 ng Abril 2022. Sa halip na taimtim na makapagnilay-nilay ang mga mananampalataya ay ginulantang ang taumbaryo ng tatlong bangkay na nakahandusay sa masukal na tubuhan sa Maguilling, Piat, Cagayan. Nakataas kamao ang tatlo, nilapastangan at halos hindi na makilala, malinaw na indikasyon na pinahirapan muna bago tuluyang paslangin.

Lulan ng isang van, binagbagtas noon nila Ka Peping (Saturnino Agonoy, 76), Ka Val (Augusto Gayagas, 56), at Ka Pye (Mark Canta, 25) ang kahabaan ng Santo Niño at Piat nang bigla silang hinarang ng isang platun na mga tropa ng 17th Infantry Battalion, gabi ng Abril 14. Pinababa sila ng sasakyan at sa halip na dakpin at kilalanin pa rin ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng internasyunal na makataong batas, sila ay tinortyur bago karumal-dumal na pinatay, at itinapon ang kanilang bangkay sa kasukalan.

Nakatakda sana noong magpatsek-ap at magpagamot si Ka Peping at Ka Val, kasama ang medik na si Ka Pye. Marami na silang iniindang sakit dala ng kanilang edad. Hindi sila armado at walang kakayahang lumaban.

Upang pagtakpan ang krimen, pinalabas ng 17th IB na namatay sa engkwentro ang tatlo. Sinundan ito ng pambobomba mula sa himpapawid sa mga baryo ng riverside Santo Niño na pwersahang nagpalikas sa 2,000 katao.

Ilan lamang sila Ka Peping, Ka Val at Ka Pye sa maraming biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa mga aktibista at rebolusyonaryo sa ilalim ng tiranikong paghahari ni Rodrigo Duterte, at patuloy pang dumarami ang bilang sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr.

Ang pinag-alayan ng buhay ng Piat 3 higit pa sa kanilang mga sarili — ang dakilang adhikain na palayain ang sambayang Pilipino mula sa tanikala ng imperyalismong US, pyudalismo, at burukrata kapitalismo — ang siyang nagsisilbing inspirasyon at hamon sa laksa-laksang mamamayan ng Cagayan na patuloy na makibaka para sa tunay na kalayaan, demokrasya at hustisyang panlipunan. Marapat lamang na pamarisan ang kanilang rebolusyonaryong kabayanihan, tapang at di pagkamakasarili, hanggang sa huling hininga.

Alalahanin ang halos limang dekadang pakikipaglaban ni Ka Peping para interes ng uring magsasaka, mula sa putok ng minimum na layunin ng rebolusyong agraryo na humantong sa malawak at militanteng hayag na kilusang magsasaka noong 1979 sa Cagayan at nagtuloy hanggang sa unang hati ng dekada 1980, at isinikad muli ng higit na malawak noong gitna ng unang dekada ng milenyo. Laging naroon si Ka Peping sa kasaysayan ng kilusang magsasaka sa Cagayan.

Si Val na isang Malaueg ay walang tigil na isinulong ang interes ng mga pambansang minorya laban sa mga malalaking kumpanya ng logging na pumapanot sa bundok ng Kanlurang Cagayan at sumisira sa malinis na ilog ng Zinundungan Valley. Tumipon rin siya sa mga minoryang Ifugao at Kankanaey ng Mountain Province, at Itneg ng Abra.

Si Ka Pye ay kabataan-estudyante ng Nueva Vizcaya, isang masiglang organisador ng kanyang sektor. Sa loob ng hukbo, malaki ang ginampanan niya sa pagbibigay ng pang-ideolohiya at pampulitikang edukasyon sa masa, at masigasig na nanguna sa kampanyang pasampa sa kabataan laluna noong lockdown.

Ang dugo at prinsipyo nila ay nagpayaman sa dakilang kasaysayan ng pambansa-demokratikong rebolusyon na hindi kailanman malilimot, manapa’y uulit-uliting ibahagi upang mananatiling buhay na nagpapatibay at nagpapaalab sa damdaming makibaka hanggang sa tagumpay!###

Pag-alala sa ikatlong anibersaryo ng Piat 3