Pagbati ng KM-John Paul Calica sa Pambansa Demokratikong Nagkakaisang Prente ng Pilipinas (NDFP) sa Ika-53 na taon nito!
Ginugunita ng Kabataang Makabayan (KM)-Balangay John Paul Calica ang tuloy-tuloy na pagkakaisa ng mga tunay na patriyotikong puwersa sa bawat aping sektor sa pagsuporta sa matagalang digmang bayan upang sugpuin ang mga salot na nagpapalala ng krisis sa kasalukuyan sa langis, sa gerang agresyon ng Estados Unidos, dulot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.
Sa mga nagdaang araw, halo-halo ang mga emosyon ng sambayanan mula sa mga sunod-sunod na balita. Nitong ika-19 na Abril, ang pagkasawi ng 19 na tao sa isang masaker sa Toboso, Negros. Sa Quezon City naman, ang mga manggagawa ng Kowloon House West ay naipanalo ang panawagan para sa umento sa sahod, bagkus, ilang araw ang makalipas, tinanggal ang 80 na manggagawa mula sa puwesto. Linggo-linggo naglulunsad ng tigil-pasada ang mga tsuper sa kani-kanilang mga JODA upang tutulan at kundenahin ang sanhi ng pagsirit ng taas-presyo ng petrolyo, langis, at mga batayang produkto: ang gerang agresyon ng Estados Unidos sa Iran. Kasama rin ang desperasyon at gerang agresyon ng imperyalismong US sa paghihimasok nito sa bansa sa ilalim ng huwad na hitsura ng kaunlaran, ang Balikatan exercises, ang Visiting Forces Agreement (VFA), at ang proyektong Pax Silica. Kung huhubaran, lahat ng ito ay pagmamanupaktura ng kagamitang panggera. Isang patunay na berdugo at tuta ang inutil na rehimeng Marcos Jr.
Ano ang tugon ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa ating mga pinagsasamantalahan? Mas pinaigting na pasismo, mas pinalalang dahas, mas naging inutil ang gobyernong Marcos, walang pagtutol sa dikta ng imperyalistang amo. Mas inaayon sa neoliberal na patakaran ang edukasyon, hinuhubog ang kabataan na maging sunud-sunuran at binababad sa kulturang burges at mapangsamantala–may ibang kabataan na hinuhubog sa kulturang pasista at berdugo, at nirerecruit maging militar. Sa larangan ng social media, laganap ang pambabastos, mga cyberattack laban sa mga progresibo at rebolusyonaryong account at indibidwal at pagpapalaganap ng pagdudungis sa dakilang alaala ng mga namartir na mga Pulang mandirigma at mga sibilyan na nakipamuhay sa mga komunidad sa Negros.
Upang gawing manhid ang mga tao, pinapauso ng kaaway ang kulturang bangkarote at pasista, ilang mga iba’t ibang bagay tulad ng pagtatawag ng ‘corned beef’ sa mga patay, at ilang pambabastos tulad ng ‘paldo nanaman si kumander,’ at pagpapalaganap ng mga litrato ng mga bangkay ng mga mandirigma at sibilyan. Repleksyon ito sa kawalan ng respeto ng estado ng GRP at ng mga puwersa nito para sa karapatang pantao at para sa dignidad. Nagkukunwari pa sila na hindi nila ito kinukunsinti bagaman halata na ang ibang mga nagpapalaganap nito ay bahagi mismo ng AFP o puwersa ng estado. Walang pakialam ang GRP sa mga internasyunal na batas sa digma, at nagpapahayag ang hungkag na tuta ng mga Amerikano na si Gilberto Teodoro na wala silang interes na pumasok sa usapang pangkapayapaan muli ang GRP, alinsunod sa tulak ng imperyalistang amo. Hindi kailanman kinikilala ng gobyerno ang sinumang nagnanais ng malayang kinabukasan sa galamay ng naghaharing-uri at sila’y binabansagang rebelde. Bagkus, kung matalino ang reaksyunaryong burgesya sa taktika nito sa kontra-insurhensya, mas matalino ang masa sa pagharap at pagbigwas dito.
Pinatunayan nito batay sa mga kongkretong kondisyon, saligang kontradiksyon, at sa kasaysayan kasunod ng pagkatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng Bagong Hukbong Bayan, na mayrong pangangailangan na tumugon sa galit ng malawak na pinagsasamantalahan na sektor at uri. Kaya nabuo ang Pambansa Demokratikong Nagkakaisang Prente (NDFP), pinagbubuklod nito ang rebolusyonaryong kabataan at iba’t ibang mga rebolusyonaryong uri at sektor. Mula dito ay nagpapanday ng mga bagong proletaryong rebolusyonaryo at pulang mandirigma.
Kabilang ang napakaraming mga rebolusyonaryong kabataan sa mga nangahas na lumuwas sa tradisyunal na hitsura ng edukasyon, sa kaginhawaan ng petiburges na landas, upang makipamuhay sa batayang sektor at ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, at tutulan ang pangangamkam ng lupa sa mga katutubo, Bangsamoro at Kordilyera. Kasama dito ang saligang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka, labas pa sa kadahilanan na sila ang hukbong mapagpalaya at pangunahing pwersa sa rebolusyon. Ang militanteng unyonismo na nagpapaluhod sa mga kapitalista, ang mga piketlayn, ang mga barikada sa lupa, at sa pabrika ay nagpapakita na mayroong mas malawak at mapulang tagumpay pa ang matatamasa ng sama-samang pagkilos nang may rebolusyonaryong diwa, at gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM)! Katulad rin ng mga internasyunalista, na kasama nating nakikiisa sa laban ng Pilipino, dugong Pilipino man o hindi, ay binubuklod ng NDFP, dahil hindi nagtatapos ang kontradiksyon ng pinagsasamantalahan at nagsasamantala sa loob ng bansa, ito’y nakikita sa buong daigdig. Laging mayroong tunggalian ng uri.
Alam ng uring anakpawis ang kahalagahan ng pagsanib sa kanilang Partido upang pagtibayin, wastuhin at palakasin ang teorya at praktika ng proletaryado sa pagrerebolusyon, upang pabagsakin ang kadena ng pribadong pagmamayari na sanhi ng samu’t saring problema sa ekonomya at pulitika. Taos-pusong tinatanggap ng mga magsasaka ang pangangailangan at bigat ng armadong pakikibaka sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan. Kinikilala ng kabataan ang kasaysayan ng tunggalian sa uri, kung saan ang pinagsasamantalahan ay magwawagi sa pagsulong nito ng rebolusyon. Ang mga reaksyunaryo ay tiyak ang pagkatalo dahil ikinakamuhi sila ng kalakhan ng mamamayang tapat na nagsusuri ng katotohanan at kasaysayan. Ika nga, pinapatay nila ang mga rebolusyonaryo, ngunit ang rebolusyon ay magpapatuloy. Ang humuhubog sa mga kondisyon kung saan wasto ang maghimagsik ay ang mismong malubhang krisis na ginagantungan ng mga naghaharing-uri sa kanilang kapalpakan at pagkaganid, pangunahing representante nitong uri na ito ay ang pangkat ni Marcos Jr., na sagad-saring tuta ng Estados Unidos.
Inaanyayahan ng KM-John Paul Calica ang mga tunay na patriyotiko, ang mga anti-imperyalista, anti-kapitalista, at may kagustuhan sa tunay na malayang kinabukasan na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, palakasin ang Pambansa Demokratikong Nagkakaisang Prente, at mula sa kritikal na pag-iisip at sa pag-ipon ng praktika mula sa wastong teorya, ay payamanin ang rebolusyonaryong praktika at teorya ng MLM na tinataguyod sa pangunguna ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansa Demokratikong Nagkakaisang Prente!
Durugin ang kaaway! Isulong ang digmang bayan, hanggang sa tagumpay!