Pagbayarin nang mahal ang berdugong AFP-PNP sa masaker sa pamilya Fausto sa Negros at iba pang paglabag sa karapatang pantao ng estado at militar!
Nagpupuyos ang damdamin ng mamamayan ng Timog Katagalugan sa karumal-dumal na pagmasaker ng tropa ng 94th IBPA sa pamilyang Fausto ng Brgy. Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong gabi ng Hunyo 14. Nakikiisa ang buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa mga kaanak ng biktima at kanilang mga kababayan sa paghahanap ng hustisya sa malagim na pagpatay sa mag-anak.
Ayon sa ulat ng mga grupong nagtatanggol sa karapatang tao, ang mag-asawang Roly at Emilda at kanilang mga anak na sina Ravin at Ben na mga menor-de-edad ay pawang mga sibilyan. Kabilang sila sa mga maralitang magsasakang dumaranas ng ibayong kahirapan dulot ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kanilang lugar. Kasapi sila ng samahang magsasaka sa kanilang lugar na nagsusulong ng lehitimong hinaing laban sa kapangyarihan ng mga lokal na panginoong maylupang may monopolyo sa malalawak na tubuhan sa probinsya.
Hindi ito ang unang beses na isinailalim sila sa brutal na pag-atake ng estado na kinakatawan ng berdugong 94th IB. Naiulat nang mula pa noong nakaraang taon ay tinarget na sila ng walang-pakundangang red-tagging, panghaharas, interogasyon at tortyur. Si Roly ay ilang ulit na tinortyur at pinwersa para lamang paamining kasapi ng NPA. Ilang beses ring napaulat ang iligal na panghahalughog ng mga militar sa kanilang bahay at pagnanakaw ng mga ito ng P5000 mula sa gamit ng mga biktima.
Tahasang paglabag sa nilalaman ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at pandaigdigang makataong batas ang krimeng ito ng berdugong 94th IBPA. Malinaw sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions ang “pagbabawal sa pagsasagawa ng kahit anong hakbang na magdudulot ng pisikal na pagdurusa o pagpuksa ng pinangangalagaang mga tao…hindi lamang ito aplikable sa pagpatay, tortyur, pananakit, mutilation…kundi maging sa iba pang pamamaraan ng brutalidad, gawa man ng ahenteng sibilyan o militar.”
Nakasaad naman sa Declaration on the Protection of Women and Children in Emergency and Armed Conflict ng United Nations General Assembly noong Disyembre 14, 1974 na isang krimen sa digma ang “lahat ng porma ng panunupil at malupit at hindi makataong pagtrato sa kababaihan at mga bata, kabilang ang pagkukulong, tortyur, pamamaril, maramihang pag-aresto, kolektibong pamamarusa, paninira sa tirahan at pwersahang pagbabakwit, na isinagawa ng mga pwersang belligerent sa kasagsagan ng operasyong militar nito (Bilang 5).”
Ang pamilyang Fausto ang ika-97 hanggang ika-100 biktima ng pamamaslang sa ilalim ng ilehitimo at mamamatay-taong rehimeng Marcos Jr. Mula nagdaang mga buwan, parang ilog na pinaaagos ng mga berdugong mga yunit ng AFP-PNP ang dugo ng mga sibilyan—kalakha’y magsasakang Negrense bilang bahagi ng gera kontra-insurhensya ng rehimen. Nito lamang Mayo 21-27, naitala ang pagpaslang sa walong magsasaka sa loob lamang ng isang linggo. Lahat ng ito para palabasing nasusustini ang momentum ng hibang na planong durugin ang kilusang rebolusyonaryo sa isla.
Bago pa ipatupad ang JCP-Kapanatagan, inihanay na ng AFP-PNP at rehimeng US-Duterte ang Negros bilang isa sa mga target ng pag-atake ng estado, kabilang ang Samar, Bikol at ilang rehiyon sa Mindanao. Ilang beses nang inilunsad sa isla ang mga masaker na pawang tumatarget sa mga sibilyan tulad ng Sagay massacre na pumaslang sa siyam na magsasaka noong Oktubre 2018 at ang sinkronisadong pagpaslang sa 14 na magsasaka sa inilunsad na Oplan Sauron ng PNP.
Nagpapatuloy at lalong tumitindi ang impyunidad habang dumarami ang paglabag sa karapatan ng mamamayan. Sa halip na mag-imbestiga sa ginawang krimen ng kanyang mga tauhan, garapalan pang nagyabang si Brig. Gen. Orlando Edralin ng 303rd Infantry Brigade ng AFP na nakikita nilang madudurog nila ang mga yunit ng NPA sa isla sa pulong ng Regional Peace and Order Council-Western Visayas noong Hunyo 15. Ito ba ang mukha ng gagawin nilang pagwasak sa rebolusyonaryong kilusan sa Negros—sa pamamagitan ng pagtarget sa mga sibilyan, aktibista at mga rebolusyonaryong wala nang kapasidad na lumaban?
Salaminan ng labis na pagkabulok ng pasistang institusyon ng AFP-PNP ang asal-barbaro at sagad-sa-buto nilang kahayupan. Hindi lamang sa Negros kundi sa buong bansa, iwinawasiwas nila ang labis na karahasan dahil lisensyado sila ng mga kriminal nilang amo na pumatay at gamitin ang buong rekurso ng estado para supilin ang pakikibaka ng bayan. Naghahasik sila ng labis na teror para bulag na pasunurin ang masa sa kanilang mga pakana ng dambuhalang pagnanakaw sa pondo ng bayan, pagbuyangyang sa likas na yaman para sa ibayong dayuhang pandarambong at pagsamantalahan ang mamamayan, laluna ang uring anakpawis.
Dapat magtanggol at ibayong maghimagsik ang taumbayan para labanan at pagbayarin ang talim ng pasistang pananalasa ng rehimen. Dapat nilang kabigin ang suporta ng lahat ng mamamayan sa Pilipinas, ganundin sa buong daigdig sa kanilang lehitimong pakikibaka at isulong ang malakas na kilusang antipasista. Dapat nilang igiit ang papapalayas sa mga kampo at yunit ng militar sa kanilang komunidad na puro perwisyo ang hatid. Higit sa lahat, dapat higit na patibayin ang kanilang loob at hanay, higit na pahigpitin ang pagkakaisa para singilin at pagbayarin nang mahal sa kanilang mga krimen ang lahat ng berdugong yunit ng AFP-PNP-CAFGU.
Sa kahuli-hulihang pagsusuri, ang walang habas na paggamit ng dahas ng naghaharing estado laban sa mamamayan ay palatandaan ng kanilang desperasyong ipreserba ang paghahari, ng kanilang tuloy-tuloy na paghina at kawalan ng kapasidad na maghari sa dating paraan at ang patuloy na pagsulong at paglakas ng rebolusyonaryong pwersa’t paglaban ng sambayanang Pilipino.
Taliwas sa nais ng AFP at rehimen, lalong humihigpit ang pagtangan ng PKP sa pamumuno sa rebolusyong Pilipino sa gitna ng matinding brutalidad at terorismo. Lalo nitong pinag-aalab ang apoy sa dibdib ng mamamayang inaapi, sampu ng bawat rebolusyonaryo para ibayong maghimagsik at magpalakas. Sa takdang panahon, aabutin ng mahabang kamay ng rebolusyonaryong hustisya ang mga pusakal na kriminal at papatawan sila ng kaukulang parusa ng demokratikong gubyernong itatatag ng aping mamamayang Pilipino.###