Pahayag

Paggunita sa ika-1 buwan ng kabayanihan ni Rey "Ka Japet" Delos Santos

,

“Hindi ko man masilayan ang araw ng ating tagumpay, buong buhay iaalay sa alab ng digmang bayan”
—mula sa awiting Alab ng Digmang Bayan

Ginugunita ng Komite ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa Probinsya ng Batangas at ng Eduardo Dagli Command-NPA Batangas ang kabayanihan ni Kasamang Rey Delos Santos, kilala sa pangalan sa pakikibaka bilang Ka Japet. Tulad ng mensahe ng awiting Alab ng Digmang Bayan, makailang beses niyang naipamalas ang tapang at giting sa gitna ng maraming labanan—depensiba man o opensiba—hanggang sa siya ay napaslang noong Disyembre 4, 2024 sa isang engkwentro sa pagitan ng yunit ng NPA at ng pasistang 59th IBPA.

Si Rey Delos Santos o Ka Japet ay tubong Lopez, Quezon. Bunso siya sa tatlong magkakapatid at galing sa uring magsasaka. Ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng kaniyang pamilya ay ang pagniniyog. Maagang nawala ang kanilang mga magulang kaya naman sa kaniyang nga kapatid siya sumandig sa kaniyang paglaki. Dahil din dito, lumaking tahimik, lumbayin, at mayroong pagkasuplado si Ka Japet. Kwento niya, hindi niya raw kasi alam kung paano makisalamuha sa mga katulad niyang kabataan noon. Noong nawala daw ang kaniyang mga magulang, mga matatanda ang araw-araw niyang kasama.

Ang kanilang baryo ay bahagi ng lugar kung saan nagsasagawa ng gawaing masa ang isang yunit ng NPA-Quezon. Sa proseso, ang kanyang kuya na si Ricky “Ka Ronel” Delos Santos ay nagpasyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Naging panimulang daan ito sa kanyang pagkamulat sa armadong pakikibaka. Sa pagsampa sa NPA ng kanyang kapatid, pinag-initan ng militar ang kanilang pamilya kaya napilitan silang umalis sa Quezon. Si Ka Ronel ay namartir kalaunan sa isang depensibang labanan sa Sitio Mawan, Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro noong Hunyo 13, 2019. Maraming lugar na nilipatan si Ka Japet. May ilang panahon siyang nanirahan sa Talisay, Batangas at nagtrabaho bilang boatman para sa mga turista sa lawa ng Taal. Pumasok din siya bilang construction worker. Nagtungo din sila sa Pandi, Bulacan. Doon ay naging kasapi ng organisasyon ng mga maralitang lungsod si Ka Japet at naging bahagi ng Occupy Pandi, isang kampanyang okupasyon ng mga tiwangwang na pampublikong pabahay noong 2017.

Noong 2018 ay nasa isang larangang gerilya sa Batangas si Ka Ronel at ninais ni Ka Japet na makabisita sa kaniyang kuya. Mula sa pagbisitang iyon, nakita niya ang kahalagahan ng paghuhukbo at nagpasyang pahabain pa ang kaniyang pagtigil sa mga kasama, hindi na lamang bilang dalaw, kundi bilang isang integri.

Sa panahon ng kaniyang pagtigil sa sona kasama ang kaniyang kapatid, dito pa lamang siya nakatanggap ng mga pormal na pag-aaral. Nakalahok siya sa mga gawaing masa at mayroong aptitud o likas na abilidad para sa mga gawaing militar. Dahil sa kanyang naging karanasan bilang integri sa Hukbo, nagpasya na rin siyang buong panahong kumilos bilang NPA sa probinsya ng Batangas. Sa loob na ng Hukbo narekluta bilang kasapi ng Partido si Ka Japet.

Masigasig at mataas ang inisyatiba sa gawaing teknikal man o gawaing pampulitika sa hanay ng masa. Tahimik, mabait, masipag, at masiyahin si Ka Japet. Magiliw sa masa at sa mga batang kanyang nakakahalubilo, dahilan upang mahalin siya ng mga ito. Sa patuloy na pag-iintegra sa mga kasama, natuklasan natin na sa kabila ng kaniyang pagiging tahimik at lumbayin, mayroon din pala siyang tinatagong pagkakwela at pagkakulit! Madalas na siyang magkwento sa mga kasama hinggil sa kaniyang mga naging karanasan at naging bukas na siya sa paglalahad ng kaniyang mga ideya para sa mga gawain ng yunit.

Sa loob ng Hukbo, lalong nalinang ang likas na kapasidad niya sa gawaing militar. Noong una ay pana-panahon lamang napapasama sa atrisyun team para bumira sa kaaway si Ka Japet. Nang magtagal, mahigpit na siyang nakakatuwang ng mga kasama sa pagtuklas ng mga ruta at daan, pagkabisa sa kalupaan, at pagtaya ng galaw at kilos ng kaaway. Malakas at mataas ang kanyang inisyatiba sa mga pisikal na gawain tulad ng hakot-suplay na malayuan ang distansya.

Taong 2019, nasubok ang buhay at katatagan ni Ka Japet nang magkaroon siya ng seryosong pinsala sa mukha sa isang taktikal na opensiba. Dahilan ito upang mahirapan siyang magsalita nang diretso. Matagal siyang nagrekober sa sugat na ito subalit hindi siya napanglawan ng ahitasyon sa pagkilos. Sa katunayan, kahit hindi pa hilom na hilom ang kaniyang sugat, nais na niyang pumasok ulit sa sona para makasama sa selebrasyon ng Anibersaryo ng Partido. Lahat ng iyon ay matapang niyang hinarap at muling nakabalik sa loob ng Hukbo.

Sa kanyang pananatili sa loob ng NPA, may mga panahong dumadating siya sa sangangdaan—kung mananatili sa armadong pakikibaka o huminto na. Pinakanaging dahilan nito ay ang kahirapan niya sa pagsasalita, malubhang epekto ng pagkakabaril ng kanyang mukha. Noong humihilom pa lamang ang sugat, kailangan niya pang isulat ang kaniyang mga nais sabihin. Kapag hindi niya naisusulat, hindi siya maintindihan ng mga kasama na pinagmumulan ng kanyang pagkalumbay at pagkademoralisa. Pakiramdam niya ay wala siyang halaga sa rebolusyon at nagiging pabigat lamang sa mg kasama. Subalit, sa proseso ng pagtuwang ng mga kasama sa kaniya at sarili niyang pagpupursigi sa kabila ng kaniyang mga kahirapan, pinili pa rin niyang manatili sa landas ng pagrerebolusyon dahil alam niyang ito ang wastong gawin. Kaya naman unti-unti siyang nakabawi at nakabuwelo sa gawain.

Taong 2020, mapangahas na ginampanan ni Ka Japet ang iniatas sa kanya na gawaing ekspansyon. Hindi niya inalintana ang higpit ng militaristang lockdown na ipinatutupad ng Rehimeng Duterte dahil sa Covid 19. Nanatili ang pagiging masigla niya at lapat sa masa. Kahit hirap sa pagsasalita, hindi ito naging hadlang sa pagpo-propaganda at pagtulong sa gawaing produksyon sa masa sa palayan at gulayan na kanilang binabasehan.

Pagdating ng 2021, kabilang siya sa advance team na inatasang mag-alam ng sitwasyon sa Silangang Batangas para sa paghahanda ng pagpasok ng Main Body. Dahil sa pagtupad nila ng mabigat na tungkuling ito, muling nakapagpunyagi ang Hukbo sa gawaing pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon.

May kakayanan siya sa gawaing pangkultura. Nagsusulat siya ng mga tula at maiikling kwento. Sa ilalim ng nom de plume na Leo Amarillo, inilathala ang ilan niyang mga tula sa mga rebolusyunaryong publikasyon na Lagablab ng Batangan, Kalatas at Dagitab. Nakatagpo din ng rebolusyunaryong pag-ibig sa loob ng kilusan ang kasama. Karelasyon niya si Precious Alyssa “Ka Komi” Anacta, isa sa martir sa labanan sa Malalay, Balayan noong 2023. Bagama’t nagsimula sa lihim na relasyon at hindi dumaan sa tamang proseso na ipinapatupad ng Partido, naging mapagkumbaba din sila at inamin ang kanilang kahinaan. Dumaan sa mahigpit na pagpupuna at sa gabay ng kanilang kolektiba, sumailalim sa tamang proseso hanggang sa maipormal ang kanilang relasyon. Sa loob ng kilusang mapagpalaya, lalo pang napaunlad ang kanilang relasyon na may pagtanaw sa pagpapakasal at pagtatayo ng rebolusyonaryong pamilya. Ang pagkawala ng kanyang minamahal na karelasyon ay malaking dagok sa kanyang rebolusyunaryong buhay ngunit nanatili ang kanyang katatagan.

Halaw sa kanyang liham sa kanyang karelasyon, “Buong buhay kong tataglayin ang iyong proletaryong diwa para sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na masang inaapi at pinagsasamantalahan hanggang sa tagumpay ng ating rebolusyon.” Nilampasan niya ang lahat ng malalaking hamon sa pagrerebolusyon. Lagi’t lagi niyang pinipili ang pagsisilbi sa sambayanan at pagtatanggol sa kanila bilang kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Kailanman ay hindi niya tinalikuran ang sinumpaang tungkulin nating mga Komunista hanggang sa diligin ng kanyang dugo ang kabundukan sa Barangay Balibago, Lobo, Batangas noong Disyembre 4, 2024.

Sa kaniyang pagkamartir, naganap na ang imortalidad ng kanyang buhay na kailanman ay hindi kayang gapiin ng kaaway. Lagi nating maaalala ang kanyang ginintuang panahon at ubos-kayang pagtupad sa isang dakilang gawain upang palayain ang mamamayan sa tanikala ng pagkaalipin. Mananatili siya sa ating mga puso at hindi mawawala kailanman. Nakatitiyak tayo na maaalala ng masa si Ka Japet bilang kasamang masipag, matatag, masiyahin at malikhain!

Dapat ay magsilbi siyang inspirasyon sa lahat ng kabataan. Hindi man tubong-Batangas si Ka Japet, ang kaniyang pagbubuwis ng buhay para sa masang Batangueñio ay ang magmamarka ng kaniyang pagkabayani sa probinsya.

Dakilain si Rey “Ka Japet’” Delos Santos!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mamamayang Batangueñio, lumahok sa digmang bayan!

Paggunita sa ika-1 buwan ng kabayanihan ni Rey "Ka Japet" Delos Santos