Pagpupugay, Ka Cleo del Mundo, bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command!
Lubos na binabati ng rebolusyonaryong proletaryo ang pagkakatalaga ni Kasamang Cleo del Mundo bilang bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog.
Malugod itong balita sa harap ng tumitinding kasinungalingan at buladas ng reaksyunaryong gobyerno ng Pilipinas na pinamumunuan ngayon ng imperyalismong US at ng pasista at mandarambong na pangkating Marcos Jr.
Sampal ito sa mukha ng mga pasistang pilit idinidikdik sa publiko na ubos na raw ang Bagong Hukbong Bayan, ang rebolusyonaryong armadong hukbo ng sambayanang Pilipino.
Kilala ng mga proletaryo si Ka Cleo bilang tinig ng rebolusyonaryong pwersa sa Quezon, mula sa reaksyunaryong rehimeng Aquino II hanggang sa kasalukuyan. Hinahangaan namin ang kanilang kagitingan sa pagharap sa pasistang kaaway sa nagdaang mga dekada, at siyang nanindigan sa harap ng hungkag na deklarasyong “insurgency-free” na probinsya ng Quezon: hindi lumisan ang NPA sa Quezon!
Tiyak kaming magsisilbing inspirasyon at gabay ang mga pahayag ni Ka Cleo, na isang masamyong simoy ng hanging nag-iiba sa masangsang na panlilinlang ni Marcos Jr., ng AFP-PNP, NTF-ELCAC, ng buong reaksyunaryong estado at ng imperyalismong US.
Sa martsa ng pagwawasto at pagsulong, isa si Ka Cleo sa mga hindi-napapatid na mga tinig ng rebolusyon at digmang bayan sa rehiyon. Dahil dito, walang-sawang sumusuporta ang mga proletaryo ng Timog Katagalugan sa ating pinakamamahal na Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ka, Ka Cleo! Mabuhay ang Melito Glor Command! Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan, tunay na hukbo ng sambayanan!