Pahayag

Pagpupugay kay Jose Maria “Ka Joma” Sison—makata, guro, rebolusyonaryo, internasyunalista at dakilang komunista!

Nakaraang Disyembre 16, minarkahan natin ang ikatlong anibersaryo ng pagkamartir ni Kasamang Jose Maria Sison. Ang National Democratic Front-Cavite at buong rebolusyonaryong kilusan sa Cavite ay nakiisa sa pagdakila at pagpupugay sa buhay at pakikibaka ni Jose Maria “Ka Joma” Sison. Patuloy na ipinagtitibay at kinikilala ng rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan ang deklarasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas na si Ka Joma ang pinakadakilang bayani ng sambayanang Pilipino makaraan ang isang siglo.

Hindi matatawaran ang gabundok na kontribusyon ni kasamang Joma sa pambansa-demokratikong rebolusyon ng mamamayang Pilipino. Si Kasamang Joma na kilala sa nom-de-guerre niyang “Amado Guerrero”, ay gumampan ng krusyal na papel upang magpanibagong-lakas at pamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan ng mamamayang Pilipino. Si Ka Joma ay nangunang kritiko ng lumang PKP-1930’s na lumubog sa kumunoy ng rebisyunismo. Taong 1965, ibinalangkas niya ang mahahalagang dokumento ng paglalagom na matalas na nagsusuri sa mga pagkakamali sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ng lumang Partido.

Resulta nito ang pagsisimula ng Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto (UDKP) noong 1967 na masugid na itinaguyod ni Ka Joma. Inilatag nito ang pundasyon upang muling mabuo ang lakas ng rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa. Muling naitatag ang Partido Komunista ng Pilipinas sa ilalim ng pamamatnubay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo noong Disyembre 26, 1968 kung saan gumampan si Ka Joma bilang tagapangulong tagapagtatag nito. Sinundan ito ng pangunguna niya sa pagtatatag ng Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, 1969 at kalauna’y itinatag niya ang National Democratic Front of the Philippines noong Abril 24, 1973.

Bilang isang teyoretisyan, mahusay at bihasang inilapat ni Ka Joma ang Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kalagayan ng lipunang Pilipino upang maibalangkas ang mga estratehiya at taktika sa paglulungsad ng demokratikong rebolusyong bayan. Bagamat nadestiyero si Ka Joma sa Utrecht, Netherlands noong 1988, hindi siya tumigil sa pagbibigay ng napapanahong teyoretikal na gabay. Ang mga nabalangkas ni Ka Joma na mga libro’t artikulo ang nagsisilbing pangkalahatang sanggunian ng pambansa-demokratikong kilusan hanggang sa kasalukuyang panahon.

Sa ibayong dagat, ipinagpatuloy ni Ka Joma ang kanyang rebolusyonaryong adhikain at nanguna sa malalaking pakikibakang anti-imperyalista. Nagbigay si Ka Joma ng mga lektura ng kanyang mga akda sa maraming anti-imperyalista, kilusang mapagpalaya, at mga rebolusyonaryong Partido at grupo sa iba’t ibang bansa. Kasabay nito, gumampan rin si Ka Joma bilang Chief Political Consultant ng NDFP at naging susi ang papel sa mga usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno ng republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines.

Ang mga ginintuang ambag ni Kasamang Joma sa pagtataas sa antas ng teorya at praktika ng rebolusyong Pilipino ay patuloy na nagbibigay tanglaw sa libo-libong rebolusyonaryong Pilipino. Marami sa kanila ay mga kabataang kadre na pumulot sa mga naiwanang tungkulin ni Ka Joma. Patuloy na nagsisilbing inspirasyon si Ka Joma sa laksa-laksang mamamayang nakikibaka sa ngalan ng pambansang demokrasya.

Tunay nga ang mga huling salita ni Ka Joma na “ang demokratikong rebolusyon ng mamamayang Pilipino ay hindi malulupig” dahil sa mga natitirang linggo ng Disyembre 2025, papasok ang ikalimampu’t pitong anibersaryo ng ating pinakamamahal na Partido kasabay ng pagkamit ng mga malalaking tagumpay. Sasalubungin natin ang pasko at bagong taon bitbit ang rebolusyonaryong diwa ni Kasamang Joma at higit pang pinatatag na determinasyon upang dalhin sa mas matataas na antas ang ating digmang bayan. Muli, pagpupugay kay Jose Maria “Ka Joma” Sison—makata, rebolusyonaryo, internasyunalita, at isang prominentang pigura ng isang komunista!

Pagpupugay kay Jose Maria “Ka Joma” Sison—makata, guro, rebolusyonaryo, internasyunalista at dakilang komunista!