Pagpupugay kay Ka Luis Jalandoni, tapat na rebolusyonaryo at tagapagtaguyod ng tunay at makatarungang kapayapaan!
Pinakamataas na pagpupugay at pagdakila ang iginagawad ng NDFP-ST kay Luis “Ka Louie” Jalandoni, internasyunal na kinatawan ng NDFP at isa sa matatagal nang negosyador ng NDFP sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa reaksyunaryong GRP. Pumanaw siya noong Hunyo 7 dahil sa isang karamdaman sa edad na 90 sa Utrecht, The Netherlands, sa piling ng kanyang pamilya at ng mga kasama. Nakikiramay ang NDFP-ST sa mga naulilang mahal sa buhay ni Ka Louie at sa sambayanang Pilipino na nawalan ng isang tapat na tagapaglingkod at tagapagtaguyod ng tunay na kapayapaan, kalayaan at demokrasya.
Nagniningning ang pamanang iniwan ni Ka Louie mula sa kanyang deka-dekadang pakikibaka at masikhay na paggampan ng gawaing nagkakaisang prente sa loob at labas ng bansa. Pinanday sa pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa at paglaban sa diktadurang Marcos, matatag niyang itinaguyod hanggang sa huli ang bagong tipong pambansa demokratikong rebolusyon bilang tanging landas upang makamit ang pangmatagalan at makatarungang kapayapaan. Mahusay niyang kinatawan ang rebolusyonaryonaryong kilusan at ang pambansa demokratikong adhikain ng sambayanang Pilipino sa mesa ng negosasyong pangkapayapaan sa GRP at sa internasyunal na entablado. Ginampanan niya ang papel ng pagiging pangunahing sugo ng rebolusyonaryong kilusan sa ibayong dagat at sa kanyang pamumuno, kumalap ng internasyunal na suporta para sa rebolusyong Pilipino mula sa iba’t ibang organisasyon at mamamayan ng daigdig. Kabahagi siya ng pagbubuo ng malawak na prenteng anti-imperyalista at para sa pambansang pagpapalaya ng mga bayang api.
Hindi maubos-ubos ang magagandang kwento ng mga kasama tungkol kay Ka Louie. Ipinakikita sa mga ito ang kanyang proletaryong kababaang loob, mataas na dedikasyon sa rebolusyon at marubdob na pagmamahal para sa masang api’t pinagsasamantalahan. Tinalikdan niya ang marangyang pinagmulan na pamilyang PML sa Negros at ipinamahagi ang lupang ipinamana sa kanya pati ang mansyon ng kanilang pamilya sa mga magsasaka. Iniwan din niya ang pagiging paring Katoliko upang buung-buong ibigay ang sarili sa rebolusyon at partido. Sa kanyang mga nakakadaupang palad, tumatak ang kanyang malumanay na pananalita, simpleng kaligayahan gaya ng gulay na alugbati at ang matatag na pagkakalapat ng kanyang paa sa lupa. Kapag kapiling ang mga mandirigma ng NPA, magiliw siyang nakikipagkwentuhan sa lenggwaheng alam nila. Noong minsang makadalaw sa mga sakada’t magsasaka sa kanyang probinsya, tinawag niya sa pangalan ang mga dating kakilala at nakipagkumustahan na tila ba saglit lamang siyang nawala roon.
Tiyak na sa matagal na panahong pagkadistyero dahil sa banta sa kanyang buhay, labis na nanabik si Ka Louie na makauwi sa Pilipinas at araw-araw makasama sa buhay-at-kamatayang pakikibaka ang kanyang mga kababayan. Gayunman, sinapul niya ang halaga ng kanyang gawain sa ibayong dagat na kanyang sinimulang tupdin kasama ang kanyang kabiyak na si Coni Ledesma noon pang 1976. Hindi matatawaran ang kanilang pagsisikap upang palaparin ang suporta para sa rebolusyong Pilipino at ipakilala ang NDFP sa daigdig. Napakahalaga ng naging papel nila sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa GRP at pagbubuo ng mga proto-diplomatikong ugnayan sa iba’t ibang entidad sa labas ng Pilipinas. Makasaysayan ang mga napagtagumpayang kasunduan na nagpapatunay sa lakas na inaabot ng Pulang kapangyarihang pampulitika sa Pilipinas. Sa ganito, nabigyang boses ang makatarungang paghahangad ng masang Pilipino para sa tunay na panlipunang pagbabago at nakapagbigay rin ng inspirasyon sa iba pang mamamayan ng daigdig na mangahas makibaka para sa tunay na pagpapalaya.
Tatatak sa kasaysayan ng rebolusyong Pilipino ang ‘di natibag na paninindigan ni Ka Louie para sa kawastuhan at tagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon sa harap ng mga maniobra ng mga nagpalit-palitang rehimen ng GRP. Matalas niyang laging iginuguhit ang pangangailangan ng paglutas sa armadong tunggalian sa tuwing iniuumang ng GRP ang patibong ng kapitulasyon na pakana ng imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uri sa peace talks. Sa gitna ng paninibasib ng pasistang kaaway at pagkakalat ng GRP ng kasinungalingang malapit na nilang maubos ang NPA, silbing inspirasyon ang katatagan ni Ka Louie at ng buong NDFP sa paglaban sa nais ipataw ng rehimeng US-Marcos II na pagsuko ng sandata at paglalansag sa NPA.
Kung ang mga tulad ni Ka Louie na buong buhay na nakibaka para magwagi ang rebolusyon ay hindi nasiphayo at nagduda sa katiyakan ng tagumpay, higit lalong dapat na manalig sa tagumpay at magsikhay sa pakikibaka ang mga kasalukuyang pwersa ng rebolusyon. Ang kalagayang nagtulak sa pagkamulat ni Ka Louie — ang malalang problema sa lupa, pambubusabos sa mga manggagawa, walang habas na pasismo at pang-aalipin ng US sa Pilipinas — ay nananatili at katunaya’y higit pang sumasahol sa ilalim ni Marcos Jr. Kailangang mahigpit na panghawakan, na ang nagpapatuloy na malakolonyal at malapyudal na sistema ay mawawakasan lamang at mapapalitan ng bago’t makatarungang lipunan sa pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon. Ito ang dakilang pamana sa mamamayan ng mga martir ng rebolusyon.
Ang buhay ni Ka Louie ay siksik, liglig at umaapaw sa kadakilaan at kabutihan dahil inialay niya ito sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Dapat pagyamanin ng kasalukuyang henerasyon ng mga rebolusyonaryo ang kanyang ambag sa puspusang pagwawasto at walang pag-iimbot na paglilingkod sa masa–hanggang sa huling sandali ng ating buhay, hanggang sa makamit natin ang tagumpay.
Dakilain ang buhay at pakikibaka ni Ka Louie!