Pagpupugay kina Ka Aljun at Ka Nonoy!
Mataas na pagpupugay ang iginagawad ng Celso Minguez Command-BHB Sorsogon sa dalawang Pulang mandirigma na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang buhay para sa sambayanan.
Nitong Setyembre 27, nagbuwis ng buhay sa isang depensibang labanan sa Barangay. Recto, Bulan Sorsogon sina Gary “Ka Aljun“ Caase at Rodolfo “Ka Nonoy” Tamaya Jr.. Pansamantalang nakahimpil at nakikikain noon ang mga kasama sa bahay ni Salvador Gracilla nang walang habas na paputukan ng mga tropa ng 31st IBPA. Upang protektahan ang mga sibilyan hanggang makalabas sana sa loob ng bahay, gumanti ng putok ang ilang mandirigma. Umabot sa ilang minuto ang palitan ng putok bago tuluyang nakalayo sa lugar ang mga kasama.
Ang pag-aalay ng buhay para sa sambayanan hanggang sa huling sandali nito ay pinatunayan nina Ka Aljun at Ka Nonoy.
Si Ka Aljun.
Matapos na mawalan ng kakayanang makamaniobra pa si Ka Aljun mula sa mga tama ng bala na kanyang natamo, inilaan nya ang huling sandali ng kanyang buhay para sa limang taong batang babae upang mailigtas sa walang habas na pagpapaputok ng mga militar sa loob ng bahay. Kagyat nyang itinakip ang kanyang katawan sa bata upang hindi ito tamaan ng bala. Si Ka Aljun ay tubong Brgy. Sawang, Aroroy Masbate, mula sa uring maralitang magsasaka at lumaki mula sa pangangalaga ng kanyang ama.
Taong 2014 ay napaloob sya sa grupo ng mga kabataan na kumikilos sa baryong kanyang kinalakhan. Pagtuntong ng edad 18, kaagad siyang nagpahayag ng kagustuhang magpultaym sa loob ng Bagong Hukbong Bayan dahil batid nya ang tunay na kalagayan ng lipunan. Nagpasya itong magpultaym bilang kasapi ng BHB. Sa edad na 22, gumagampan na siya ng mabigat na responsibilidad sa loob ng kanilang yunit bilang pangalawang lider ng platun. Hindi kailanman malilimutan si Ka Aljun bilang isang kasamang mahilig makipagtalakayan sa kanyang kapwa mandirigma at walang pag-aatubili na sumusunod sa mga atas sa kanya, magaan man ito o may kabigatan.
Si Ka Nonoy.
Buong pagsisikap mang inimaniobra ng mga kasama si Ka Nonoy, kagyat din siyang binawian ng buhay mula sa tama ng bala sa kanyang katawan. Si Rodolfo “Ka Nonoy” Tamaya sa tunay na buhay ay isang huwarang kapatid para sa kanyang mga kapamilya’t kaibigan. Tahimik pero masipag sa gawaing bahay at produksyon. Si Ka Nonoy, 23 taong gulang, taga-Brgy. Malibas, Palanas, Masbate ay nagmula sa uring maralitang magsasaka. Sa murang edad, unawa na ni Ka Nonoy ang kahalagahan ng digma.
Gagap nina Ka Aljun at Ka Nonoy ang diwang internasyunalismo at walang pag-iimbot na pag-aalay ng kanilang sarili para sa bayan. Ang pagsilbihan ang malawak na mamamayang inaapi’t pinagsasamantalahan ay diwang dala-dala ng dalawang kasama hanggang sa huling hibla ng kanilang hininga.
Sa kanilang pagkawala, hindi nabawasan ang bilang ng mga mandirigma ng BHB. Pagkat sa bawat mandirigmang nagbubuwis ng buhay, libu-libong Ka Aljun at Ka Nonoy ang sumusunod na pumupulot ng kanilang armas upang ipagpatuloy ang kanilang iniwang laban at tungkulin para sa rebolusyon.
Kabataan sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!