Pahayag

Pagpupugay ng KM-EV kay Ka Joma, idol ng kabataang Pilipino!

Sa ikatlong taong anibersaryo ng kanyang pagpanaw, ipinapaabot ng kabataan at mga mag-aaral sa Eastern Visayas ang pinakamataas na Pulang saludo para kay Ka Jose Maria Sison! Sinasaluduhan namin siya sa kanyang pagiging tunay na rebolusyonaryo, dakilang komunistang guro, at tagapagsilbi ng masa.

Sa murang edad, itinakwil ni Ka Joma ang kanyang uring pinanggalingan bilang myembro ng pamilya ng panginoong maylupa, at piniling magpanibang-hubog sa piling ng masa. Mula noon ay inialay ang buhay para palayain ang aping mamamayan sa Pilipinas at sa buong mundo.

Matapos ang ilang taon ng pag-organisa at pagpapakilos sa kapwa mga mag-aaral, itinayo niya ang Kabataang Makabayan (KM) noong 1964 para pagkaisahin ang mga progresibo at makabayang mag-aaral, kabataang manggagawa at propesyunal na nakikibaka sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo, at sa mga isyung pandaigdig tulad ng gyerang agresyon ng US sa Vietnam noong dekada 1960.

Gamit ang Marxismo-Leninismo-Maoismo, inilantad at nilabanan nina Ka Joma ang mga rebisyunistang taksil ng lumang Partido. Noong Disyembre 26, 1968, ang kabataang naani mula sa KM ang siyang nagtayo ng isang bagong Partido, na magpapatuloy ng rebolusyonaryong pakikibaka ni Andres Bonifacio para sa pambansang kalayaan at demokrasya ngunit ngayon ay ginagabayan ng MLM at may sosyalistang perspektiba. Naging tagapangulong tagapagtatag siya at ilang buwan ang makalipas, itinayo ng bagong Partido ang Bagong Hukbong Bayan para isulong ang matagalang digmang bayan.

Sa mga sumusunod na dekada naging target siya ng walang tigil na panghaharas, panggigipit, paninirang-puri at brutalidad ng bawat naghaharing papet na rehimen. Ngunit hindi natinag ang kanyang paninindigan at paniniwala sa kawastuhan ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Hanggang ngayon ang pambansa-demokratikong rebolusyon na isinulong ni Ka Joma ang nananatiling pinakakonsolidadong pwersang pampulitika na matalim na humahamon sa paghahari ng imperyalismong US, malalaking kumprador burgesya, panginoong maylupa, at burukrata kapitalista. Ang Partido, BHB, at mga alyadong organisasyon ng NDF kabilang ang KM ang siyang naglalayong pabagsakin ang kasalukuyang sistemang kinokontrol nila para sa sariling kapakinabangan at kapinsalaan ng malawak na mamamayan.

Mula nang idineklara ni Marcos Jr na “wala nang grupong gerilya” sa kanyang nakaraang SONA, araw-araw na napasinungalingan ito ng patuloy na pamamayani ng Partido, BHB at mga balangay ng NDF sa buong kapuluan. Nabigo ang todo-gyera ng mga nakaraang papet na rehimen at mabibigo rin ang todo-gyera ni Marcos, dahil ang karahasan at pagpapahirap ng estado ang siyang nag-aanak ng kundisyon para muling makapagpalakas ang armadong rebolusyonaryong kilusan.

Ang rebolusyonaryong kabataan sa Eastern Visayas ay nabibigyang-inspirasyon ng dakilang halimbawa at mga turo ni Ka Joma. Sa gitna ng pagtindi ng krisis ng naghaharing sistema, tinatanganan ngayon ng kabataan ang pambihirang responsibilidad na umambag sa paglulubos ng kilusang pagwawasto, upang palakasin ang rebolusyonaryong pakikibaka at dalhin ito sa mas mataas na antas hanggang sa ganap na tagumpay. Lalong napagtitibay ang aming loob ng buhay ng mga martir na kasama tulad ni Ka Joma. At tulad din niya, lubos ang tiwala namin sa masa at rebolusyon, gaano man kahaba ang landas na kailangang tahakin para rito.

Mabuhay si Kasamang Jose Maria Sison! Mabuhay ang lahat ng martir ng rebolusyon!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan! Mabuhay ang sambayanang lumalaban!
Kabataan, tularan si Ka Joma! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at baguhin ang lipunan!

Pagpupugay ng KM-EV kay Ka Joma, idol ng kabataang Pilipino!