Pagpupugay sa 57 taong dakilang pamumuno ng PKP! Labis na hinog ang kondisyon para magrebolusyon!
Buong galak na ipinagdiriwang at pinagpupugayan ng NDFP-Palawan, kaisa ng lahat ng rebolusyonaryong kilusan sa probinsya at buong bansa, ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas! Hindi nagmamaliw ang kawastuhan at kadakilaan ng proletaryong pamumuno ng PKP sa isinusulong na demokratikong rebolusyong bayan upang kamtin ang pambansang kalayaan at tunay na demokrasya para sa sambayanang Pilipino.
Sa araw na ito, alalahanin natin at saluduhan ang lahat ng bayani at martir ng rebolusyong Pilipino. Ialay natin ang pinakamataas na pagkilala at pagpupugay kay Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng PKP, na nagsilbing tanglaw sa wastong paglalapat ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas at praktikal na karanasan ng rebolusyon sa bansa. Inaalala din natin ang kadakilaan ng mga martir sa kasalukuyang taon, sina Kasamang Luis Jalandoni, pinuno at punong negosyador ng National Democratic Front of the Philippines, kay Myrna “Ka Maria Malaya” Solarte, pinuno ng Partido sa Mindanao, kay Ka Jordan “Ka SY/RF” Mopon, kadreng panrehiyon at isa sa mga kumander ng BHB sa Timog Katagalugan at sa mga Pulang mandirigmang sina Jomari “Ka Jonel” Palomar, Ka Kardo, Ising “Ka Mutya” Domingo at Sandy “Ka Tau” Broncano.
Pinararangalan din natin sina Bonifacio “Ka Nato” Magramo at Charity “Ka Rise” Diño na mga naging kalihim ng Komiteng Probinsya ng Palawan, kagawad ng Komiteng Rehiyon ng Timog Katagalugan (KRTK) at ng Komiteng Tagapagpaganap (KTKR-TK); kay Josephine “Ka Sandy” Mendoza na kilala sa probinsya bilang Ka Billy, at instrumental sa pagpupundar ng sonang gerilya sa probinsya noong 1994. Ganundin kina Noli “Ka Selnon” Siasico, Ma. Andrea “Ka Naya” Rosal, Rona Jane “Ka Lemon” Manalo, Jay-ar “Ka RG” Sento, Nelyn “Ka Aldin” Dabdab Emon at Remel “Ka Azumi” Padilla Rodriguez, Justine Ella “Ka Pia” Vargas, Christopher “Ka Omar” Buton, Bienvenido “Ka Brendo” Vallever at iba pang mga naunang martir sa Palawan.
Ipinagdiriwang natin sa okasyong ito ang mga panimulang tagumpay sa pagsusulong kilusang pagwawasto sa rehiyon at bansa na ngayon ay pumapasok na sa ikatlong taon. Ang mga nakamit natin ay mga paunang hakbang sa muling pagpapasigla at pagpapalakas ng buong rebolusyonaryong kilusan upang sagpangin ang mga obhetibong sitwasyon at lumulubhang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino at padaluyungin ang kilusang masa tungo sa pagpapabagsak sa rehimeng US-Marcos.
Ang mga sumasahol na kronikong krisis sa bansa epekto ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomya ay tagos hanggang sa probinsya. Pinatutunayan ng mga tampok na kaganapan sa probinsya sa buong taong ito ang mga pagdurusang dinaranas ng mamamayang Palaweño sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Higit na hilahod sa kahirapan at kagutuman ang mamamayan dahil sa patuloy na sumisirit paitaas na presyo ng bilihin sa Palawan kumpara sa ibang mga probinsya habang nakapako sa napakababang halagang P430 ang sahod ng mga manggagawa rito. Ipinagyayabang ng rehimen ang inaprubahang dagdag sahod na P50 sa bungad ng taong 2026 pero kakarampot at malayung-malayo sa P1,243 nakabubuhay na sahod sa MIMAROPA.
Pangunahin namang kinakaharap na usapin ng mga magsasaka ang pangangamkam ng lupa at dislokasyon sa kanilang kabuhayan upang ikonsentra ito at mapasakamay ng mga panginoong maylupa-malaking burgesya kumprador. Umalingawngaw sa taong ito ang panawagan ng mga residenteng magsasaka at katutubong Palaw’an at Molbog sa Sityo Mariahangin, Barangay Bugsuk, Balabac kung saan ilang ulit na tinangka ng San Miguel Corporation (SMC) na palayasin sila sa kanilang lupang ninuno. Hinarap ng nagkakaisang tindig at lakas ng mga magsasaka ang mga pandarahas at paglabag sa karapatang pantao ng SMC kabilang ang iligal na pag-aresto at detensyon, panggigipit, intimidasyon, surbeylans at iba pa. Pinakahuli, nitong Disyembre, naglabas ng temporary restraining order ang Brooke’s Point Regional Trial Court na nagbabawal sa mga residente na pigilan ang pagpasok ng mga pribadong nag-aangkin sa Isla, malinaw na pagyurak ito sa karapatan ng mga residente.
Pagkawasak ng kabuhayan at panirikan din ang idinulot ng mga dumaang bagyo, malalakas na pag-ulan at kalamidad sa mamamayang Palaweño. Tampok na humambalos sa probinsya ang Bagyong Tino noong Nobyembre na nagdulot ng malawakang pagkawasak at pagkamatay ng mga residente. Ang malulubhang epekto ng mga natural na kalamidad tulad ng malawakang pagbaha ay masisisi sa mahabang panahon na pagmasaker sa mga puno, pagkakalbo ng kagubatan, pagbutas sa malalaking tipak ng kabundukan at pagkawasak ng kalikasan dulot ng mga proyekto at negosyo ng mga dayuhang imperyalistang bansa at lokal na naghaharing uring malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista. Sila ang dapat singilin sa mahabang panahong operasyon ng malawakang pagtotroso, pagtatayo ng mga plantasyon, at pagpapalit-gamit ng lupa mula agrikultural tungong eko-turismo at resort, at mapangwasak na mina na sila ang tanging nakikinabang.
Habang ipinagbubunyi ng mamamayan ang pagpapasa ng Sangguniang Panlalawigan ng 50-taong moratoryum sa mina ngayong taon na itinulak ng malawakang panawagan para dito ng mamamayan, pilit itong tinutunggali ng mga pribadong kumpanya sa mina tampok ang Philippine Nickel Industry Association. Malalang anyo ng paglabag sa moratoryum ang pag-eendorso ng munisipalidad ng Narra sa aplikasyon ng permit para sa eksplorasyon ng mina ng Redmont Consolidated Mines Corporation sa 377 ektarya sa Barangay Calategas.
Higit na nakagagalit na kinasangkapan ng rehimeng US-Marcos II at lokal na mga burukrata kapitalista sa probinsya ang malubhang pagbaha upang pagmulan ng pondong kanilang kukurakutin. Kasabay ng mainit at malawakang isyu ng korapsyon sa buong bansa, nalantad din ang maanomalyang flood control projects sa probinsya na tagibang na nakakonsentra lamang ang kalakhan sa Puerto Princesa. Tampok na halimbawa ang P120-milyong San Pedro flood control project na nagsimula noong 2021 at dapat na matapos noong 2022, pero halos 35% pa lamang na kumpleto noong 2023 sa kabila ng P98 milyong pondong nailabas na para rito.
Walang aasahang paglutas sa mga ganitong problema ng mamamayang Palaweño hangga’t nananatili ang mga burukrata kapitalismo na nakaugat sa sistema ng GRP. Sinalamin ng mga kasalukuyang nakaupo matapos ang midterms election ang malaon at malalim nang nakaugat na dinastiya ng mga burukrata kapitalista sa probinsya, kabilang ang pamilyang Alvarez, Socrates, Bayron, Abueg, Ola at Mitra. Silang mga makapangyarihang pamilya sa probinsya ang pangunahing nagtataguyod ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na salot sa mamamayang Palaweño.
Kasabwat ang mga lokal na pulitikong ito sa pagpapalaganap ng pasismo at militarisasyon sa probinsya pangunahin ng imperyalismong US. Pangitang-pangita sa Palawan ang pagiging malakolonya ng bansa sa US at pagyurak nito sa pambansang soberanya sa patuloy na pagbuyangyang ng probinsya bilang lunsaran ng mga pagsasanay militar ng US at alyadong mga imperyalistang bansa. Tampok dito ang pinakamalaking Balikatan Exercise sa kasaysayan, Exercise ALON (Amphibious Land Operation), Kamandag Exercise at marami pang joint exercises ng armadong tropa ng US at Pilipinas. Patuloy rin ang konstruksyon ng mga base at pasilidad militar ng US sa probinsya sa ilalim ng EDCA. Ang lahat ng ito ay nagsisilbi sa interes ng imperyalismong US na palakasin ang presensyang militar nito sa West Philippine Sea at patindihin ang tensyon sa rehiyong Indo-Pacific para sa niluluto nitong gera laban sa pangunahing karibal nitong imperyalismong China. Ang pang-uupat na ito ng US ay tinutugunan din ng China ng pinatitinding militarisasyon at agresyon sa WPS sa kapinsalaan ng mga mangingisdang Palaweño.
Ang pagbibigay ng pangunahing timbang sa pagharap sa eksternal na depensa laban sa China ay bahagi ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ng rehimeng US-Marcos II sa sulsol ng imperyalismong US. Nilalaman nito ang deklarasyong paubos na umano ang rebolusyonaryong kilusan sa bansa, at sa gayo’y dapat pigilan ang muling pagpapanumbalik at paglakas nito sa pamamagitan ng mga kampanyang “countering violent extremism”, pagkontra sa “terror-grooming”, pagkontra sa panunumbalik sa mga rekoberi erya, pagbubura ng linyang nag-iiba sa pagitan ng mga sibilyan at ng armado, malisyosong pag-uugnay ng ligal na demokratikong kilusan sa armadong rebolusyonaryong kilusan o CPP-NPA-NDFP. Nagdudulot ang mga ito ng kabi-kabilang paglabag sa karapatang pantao at pagdami ng mga biktima ng red-tagging o terror/terrorist-tagging. Humahantong ang mga ito sa mas malalalang kaso ng pagpaslang, sapilitang pagkawala, panghaharas, iligal na pang-aaresto, at iba pang anyo ng pang-aatake sa mga progresibo’t nakikibakang mamamayan gamit ang Anti-Terrorism Act, NTF-ELCAC at ang mismong AFP-PNP.
Ipinapakita ng hinog na kalagayang ito ang kawastuhan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas upang pabagsakin ang rehimeng US-Marcos II. Walang ibang makalulutas sa krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino kundi ang pagwawakas sa tatlong salot na imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa pamamagitan ng digmang bayan.
Ang kasunod na taon ay panibagong taon na puno ng rebolusyonaryong optimismo habang ubos-kaya at walang-humpay na isinusulong ang lahatang-panig na rebolusyon. Puspos ng diwa ng kilusang pagwawasto, marapat na isulong ng buong rebolusyonaryong kilusan sa probinsya ang kilusang pag-aaral sa unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at paglalapat nito sa kongkretong praktika ng ating pagrerebolusyon. Kailangang padaluyungin ang kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran. Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng paglubog sa masa at masikhay na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanila.
Nananawagan ang NDFP-Palawan sa lahat ng mga alyadong organisasyon nito sa probinsya at sa rebolusyonaryong kilusan na marubdob na isulong ang digmang bayan sa pamamagitan ng pagpapalakas sa Bagong Hukbong Bayan. Sumapi sa BHB ang mabubuting anak ng bayan at buong panahong maglingkod sa sambayanan. Mataba ang lupa sa Palawan at buong bansa para muling tanganan ng mamamayang Palaweño ang armadong pakikibaka sa probinsya. Muling ipunla ang binhi ng rebolusyon sa probinsya hanggang sa ito’y lumago at mamunga. Aktibong lumahok ang mamamayang Palaweño sa rebolusyon at tupdin ang istorikong misyon sa pagbabago ng lipunan at mundo. Sa ganitong paraan natin matitiyak ang pagkakamit ng tunay na kalayaan at demokrasya at maitatatag ang demokratikong gubyernong bayan at lipunang sosyalista na tunay na maglilingkod sa interes ng mamamayan.
Mabuhay ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mamamayang Palaweño, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Ibagsak ang rehimeng US-Marcos II!
Isulong ang rebolusyon hanggang sa tagumpay!