Pahayag

Pagpupugay sa Palawan 5, mga dakilang martir ng rebolusyong Pilipino

Mataas na pagpupugay ang iginagawad ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas- sa Timog Katagalugan at ng Melito Glor Command–New People’s Army Southern Tagalog kina Kasamang Bonifacio “Ka Nato/Boywan/Eboy/Abuan” Magramo, Andrea “Ka Naya” Rosal, Noli “Ka Selnon” Siasico, Rona Jane “Ka Lemon” Manalo at Jay-ar “Ka RG” Sento—mga bayani at martir ng rebolusyong Pilipino. Namartir sila sa pataksil na pag-atake ng pasistang Force Reconnaissance Group ng 4th MBLT at 3rd MBLT sa ilalim ng 3rd Marine Brigade noong alas sais ng umaga ng Setyembre 3 sa Brgy. Mainit, Brooke’s Point, Palawan. Dakila at simbigat ng Kabundukan ng Matalingahan ang kanilang kamatayan. Ginugol at inialay nila ang tanging buhay sa matapat na paglilingkod at pagtataguyod sa interes ng masang api’t pinagsasamantalahan.

Taos-pusong nakikiramay ang rebolusyonaryong kilusan sa pamilya ng mga martir – sa mga anak at mapagmahal na asawa ni Ka Nato, sa kapatid ni Ka Naya at sa mga kaanak nina Ka Selnon, Ka Lemon at Ka RG na walang pag-iimbot na ibinigay ang kanilang mga mahal sa buhay sa rebolusyonaryong kilusan upang baguhin ang kasalukuyang bulok na sistema ng lipunang Pilipino.

rjei
celnon
boywan
naya

Ibayong pagkamuhi, galit at paghamak ang nararamdaman ng masang Palaweño at rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan sa rehimeng Duterte at mersenaryong AFP-PNP sa ginawang pagpaslang sa Palawan 5. Ang mga namartir na kasama ang naging kakampi at kasangga ng mamamayang Palaweño sa kanilang laban sa pagtatanggol sa lupaing ninuno, sa paglaban sa pangangamkam at mapanirang operasyon ng mga dambuhalang kumpanyang multinasyunal sa pagmimina at plantasyon ng oil palm, sa pagsusulong ng karapatan sa pangingisda sa West Philippine Sea at iba pa. Niyakap sila ng mamamayang Palaweño at itinanghal bilang tunay nilang mga bayani sa kabila ng paninira, demonisasyon at pagbabansag na “terorista” ng PTF-ELCAC, AFP-PNP at gubyernong Duterte.

Si Ka Nato ay kilala ng mga kasama bilang masipag at matiyagang lider ng Partido at NPA sa Palawan. Sa kabila ng edad na 66, kakikitaan pa rin siya ng kasigasigan at kasiglahan sa pagkilos sa mga kabundukan at malawak na kanayunan ng sonang gerilya. Mahusay niyang ginabayan ang mga batang kadre at Pulang mandirigma sa pagharap sa mga walang humpay at sustinidong atake ng focused military operations (FMO) ng JTF-Peacock sa isla.

Bilang lider ng rebolusyonaryong kilusan, inihanda niya ang mga yunit ng hukbong bayan sa paglaban sa pasistang tropa ng Western Command (WESCOM) at idinirehe ang gawaing pampulitika ng mga yunit ng NPA sa isla. Siya ang nasa likod ng matatagumpay na taktikal na opensiba ng NPA sa Palawan na nagparusa sa dayuhang mga kumpanya ng mina at naghaharing paksyon sa isla ng Palawan at mapang-abusong AFP-PNP.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, higit na tumibay ang pagkakaisa ng mamamayang Palaweño at NPA at ibayong niyakap ng mamamayang Palaweño ang armadong pakikibaka sa isla. Dumami ang mga ganap na samahang masa sa isla at naitatag ang SUPOK, ang rebolusyonaryong organisasyon ng mga katutubo sa Palawan, na nagsilbing balon ng mga bagong kasapi ng ng Partido at NPA.

Naging tagapagsalita siya ng NPA Palawan bilang si Salvador Luminoso. Ang kanyang boses ang nagpaunawa sa mamamayang Palaweño ng kawastuhan ng armadong pakikibaka sa isla dahilan upang suportahan nila ang NPA. Nilantad niya ang kabuktutan at karahasan ng mga teroristang tropa sa ilalim ng WESCOM. Pinasubalian niya ang mga kasinungalingang ikinakalat ng AFP-PNP sa isla sa pamamagitan ng mga programang pagpapasuko at Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng rehimen.

Si Ka Selnon naman ay isang Pulang Kumander ng NPA, umangat at nagsimula bilang isang ordinaryong mandirigma sa isla ng Mindoro. Mula siya sa isang pamilyang magsasaka sa Ilvita, Sablayan, Mindoro Occidental na namulat at nakibaka para sa karapatan sa lupa. Pinanday siya ng mga nagdaang oplan sa Mindoro simula pa 1985 hanggang kasalukuyan. Ito ang naghubog sa kanya upang maging isang matapang at mahusay na kumander. Kasama at gumampan siya ng mahalagang papel sa pagbigo sa mga pananalakay ng mersernaryong tropa sa mga larangang gerilya ng Mindoro sa balangkas ng Oplan O’Map noong 1986-87; Oplan Saliksik I at II noong 1987-89; PNP Experiment mula 1990-92; Oplan Makabayan noong 1998; Oplan Habol-Tamarraw mula 2001-05 at Oplan Bayanihan mula 2006-2010.

Kinakitaan siya ng determinasyon at katapangang harapin ang mga atake ng kaaway. Di nagtagal, inilipat siya sa Palawan upang pamunuan ang Pulang hukbo rito. Sa kanyang pamumuno, lumasap ng mariing bigwas ang AFP-PNP sa tuwing inilulunsad nito ang madudugong FMO sa Timog ng Palawan.

Nagmula sa rebolusyonaryong pamilya si Ka Naya. Siya ang anak ng mga martir na sina Gregorio “Ka Roger” Rosal at Rosario “Ka Soly” Lodronio Rosal. Tinahak niya ang landas ng armadong pakikibaka matapos mamulat sa pasismo ng estado at maunawaan ang kawastuhan ng rebolusyong isinusulong ng kanyang mga magulang. Matapang niyang hinarap ang kaaway noong dakpin siya at ipiit simula Mayo 2014—Setyembre 2015. Sa kanyang paglaya, tinanggap niya ang kanyang disposisyon sa isla ng Palawan.

Si Ka Naya ang tumatayong Pampulitikang Instruktor ng yunit ng NPA sa Palawan. Sa kanyang pamumuno, tiniyak niyang mataas ang pampulitikang kamulatan at kapasyahang lumaban ng mga Pulang mandirigma sa yunit. Mapagkalinga at maalalahanin si Ka Naya at lagi niyang tinitiyak na mahusay na nasasapul ng mga bagong kadre at rekrut ng NPA ang rebolusyonaryong diwa at adhikain at ang kawastuhan ng prinsipyo ng rebolusyon.

Isang kabataang estudyante naman si Ka Lemon na namulat sa pakikibaka ng mga kabataan para sa edukasyon sa UP Los Baños. Kilala siya bilang lider-organisador at ahitador sa loob at labas ng pamantasan. Pinangunahan niya ang pagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan sa mga lansangan.

Tunay na palaban at militanteng lider ng kababaihan si Ka Lemon. Inabot ng kanyang kamulatan ang paglahok sa armadong pakikibaka para ipaglaban ang karapatan ng mga kabataan, kababaihan at ng masang anakpawis. Bilang giyang pampulitika ng platun at sinasanay na pampulitikang instruktor, siya ang tanglaw ng mga Pulang mandirigma ng kanilang yunit sa pagsusulong ng digmang bayan para baguhin ang kasalukuyang tagibang at naghihirap na kalagayan ng lipunan.

Samantala, maaalala si Ka RG bilang matapang na Pulang mandirigma na lumaban para ipagtanggol ang mamamayang Palaweño hanggang sa huling patak ng kanyang dugo. Nabuwal siyang naglilingkod nang buong puso sa mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan.

Ikinababahala ng mga lokal na naghaharing uri sa Palawan ang paglakas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng mamamayan sa isla. Inakala ng pangkatin ni Gov. Jose Chavez Alvarez na ang pagkakapaslang sa Palawan 5 ay ang katapusan na ng rebolusyonaryong adhikain ng mga Palaweño. Desperado si Alvarez na durugin at lipulin ang rebolusyonaryong kilusan at NPA sa Palawan dahil malaking tinik sa lalamunan ng mga pasista at gahaman ang paglakas ng armadong kilusan para malaya nilang pagharian at dambungin ang likas na yaman ng isla.

Ipinatutupad ng sabwatang Alvarez-WESCOM-JTF-Peacock at NTF-ELCAC ng rehimeng US-Duterte ang madugong kontra-rebolusyonaryong gera laban sa mamamayan. Pinatindi nito ang mga FMO ng AFP-PNP na nagresulta sa dumaraming kaso ng paglabag sa karapatang tao ng mamamayang Palaweño. Naglabas pa ng kasulatan si Alvarez na nagpabagsik sa mga operasyong militar sa isla sa gitna ng krisis ng COVID-19.

Itinatambol ng sabwatang Alvarez-AFP-PNP at PTF-ELCAC ang kampanya nito sa E-CLIP at mga pekeng pagpapasurender sa layuning linlangin ang mamamayang Palaweño at palabasing humihina na ang rebolusyonaryong kilusan sa Palawan.

Habang mabagsik na sinasalakay ng mga pasista ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa ngalan ng anti-komunismo at diumano’y “anti-terorismo” ibayo lamang lumilinaw sa mamamayan kung sino ang tunay na terorista at kontra-mamamayan.

Taliwas sa nais palabasin ng gubyernong Alvarez at ng AFP-PNP, hindi magagawang ipagkanulo ng mamamayang Palaweño ang NPA sa Palawan dahil ito ang tunay na nagsusulong ng kanilang interes laban sa pandarambong ng imperyalismong US at China, at pagsasamantala’t panunupil ng lokal na mga panginoong maylupa at ganid na mga burukrata. Kahit namartir ang Palawan 5, hindi mapipigilan ni Alvarez o ng AFP-PNP ang patuloy na paglalim ng ugat ng rebolusyon sa mamamayang Palaweño. Ang tumitinding pasismo, ibayong kahirapan at kapabayaan ng estado ang mismong nagtutulak sa mamamayan na magrebolusyon. Bibiguin nila ang anumang imbing atake ng terorismo ng estado ng JTF-Peacock.

Hindi matitinag ang rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ng rehiyon sa harap ng tumitinding atake ng Rehimeng US-Duterte at AFP-PNP. Buo ang diwa ng Partido Komunista ng Pilipinas at mga yunit ng NPA at mamamayan sa rehiyon na labanan ang pasistang diktadurang rehimen. Inspirasyon ng nakikibakang mamamayan ang dakilang buhay nina Ka Nato, Ka Selnon, Ka Naya, Ka Lemon at Ka RG para ipagpatuloy at paigtingin ang pagsusulong ng armadong rebolusyon sa Palawan at buong rehiyon.

Ibabaling ng mamamayan at ng Partido’t mga yunit ng NPA sa rehiyon ang kanilang pagdadalamhati sa rebolusyonaryong paghihimagsik upang patuloy na bigwasan ang mga teroristang AFP-PNP at kamtin ang rebolusyonaryong hustisya para sa mga kasamang namartir at mamamayang biktima ng pamamaslang at pandarahas ng estado. Patuloy na pamumunuan ng Partido at isusulong ng mga yunit sa ilalim ng MGC ang armadong pakikibaka para patamaan at bigwasan ng libo-libong sugat ang ulo at katawan ng AFP-PNP at ibagsak ang rehimeng US-Duterte.

Mabuhay ang dakilang alaala nina Ka Nato, Ka Naya, Ka Selnon, Ka Lemon at Ka RG!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan!

Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!

Ibagsak ang teroristang rehimeng US-Duterte!

Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Pagpupugay sa Palawan 5, mga dakilang martir ng rebolusyong Pilipino