Pahayag

Pagpupugay sa San Mateo 7, mga kasamang nag-alay ng buhay sa pagsisilbi sa masang Masbatenyo

Eksaktong isang buwan na ang nakalipas ngunit malinaw pa rin sa alaala ng mga kasama at masa ang mga halakhak, biro, payo, katatagan at katapangan ng pitong kasamang sina Ka Edwin, Ka Alex, Ka Ruel, Ka Rex, Ka Dennis, Ka Marian at Ka Loyd. Sila ay nasawi matapos makubkob ng mga pasistang pwersa ng 2nd Infantry Battalion Philippine Army (2nd IBPA) sa Barangay San Mateo, Uson noong Hulyo 27, 2025. Ibinuwis ng naturang mga kasama ang kanilang buhay sa paglilingkod at pagsisilbi sa mga inaapi at pinagsasamantalahang masang Masbatenyo at sa bayan.

Si Louilen “Opaw” Bedrijo, 40, na mas kilala sa mga kasama at masa bilang Ka Edwin ay mula sa barangay Guinhan-Ayan, Placer. Palabiro at mahilig sa larong game of checkers o dama sa bisaya. Sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong 2017. Tulad ng karamihan, mas mahilig sa gawaing militar si Ka Edwin subalit ngunit nagsikap rin siyang gampanan ang komprehensibong tungkulin ng Hukbo. May ilang takdang panahon siyang naitalaga bilang giyang pampulitika ng kanilang yunit ngunit madalas itong gumagampan bilang pangalang iskwad lider ng kanilang platun at hanggang sa naitalaga siya bilang platun lider (PL) ng kanilang yunit.

Napabilang rin si Ka Edwin sa mga kasamang nag-tour of duty (TOD) sa mainland Bikol at iilang buwan rin siyang naipakat sa isla ng Ticao.

Ipinanganak noong Pebrero 27, 1992 sa Sityo Bateres, Santa Cruz, Palanas si Rey “Bongbong” Almanzor Moreno o Ka Alex, 33. Bunsod ng kahirapan sa buhay, hindi siya nakapagtapos sa elementarya. Lumipat sila ng tirahan sa Sityo Banakod, barangay Malibas, Palanas at sa edad na 15 ay naging partaym na ito sa BHB. Makalipas ang ilang taon, naglaylo ito at nakapangasawa. Ganun pa man, aktibo pa rin itong naging kasapi ng organisasyon sa lokalidad sa kanilang barangay. Taong 2023 ng magpasya itong muling sumapi bilang pultaym sa BHB. Dahil sa pagiging masigasig sa gawain at kahusayan sa gawaing militar, itinalaga siya bilang pangawalang iskwad lider (PIL) sa kanilang platun.

Tubong barangay Monggahay, Uson ang tahimik na kasamang si Ka Denis o Albert “Antoy” Villar Legaspi, 42, may asawa at mga anak at nakatira sa barangay Libertad, Cawayan. Dati na siyang pultaym sa BHB at naglaylo ng ilang taon. Namuhay ito bilang ordinaryong magsasaka ngunit dahil sa walang tigil na panggigipit at pambabanta ng militar napilitan itong sumuko at napabilang sa mga surenderi sa kanilang lugar. Subalit pinipilit siya ng militar na makipagtulungan sa kanila laban sa rebolusyonaryong kilusan kaya nagpasya itong muling sumapi sa BHB. Tumatak pa sa mga kasama ang sinabi nito na “kahit anong gawin ng mga kaaway hindi ko pweding pagtaksilan ang mga kasama. Walang rason upang gawin ko iyon.”

Sa kabila naman ng kanyang edad na 52-anyos, walang pag-aatubiling sumapi sa BHB mula sa Sityo Burabod, Buenasuerte, Palanas si Ka Marian o Marlon Verdida sa totoong buhay. Para sa kanya, “walang edad na pinipili ang pagsisilbi at paglilingkod sa bayan lalo na sa tulad nating mga mahihirap”. Samantala si Dodong Arcipe o Ka Ruel, 22, mula naman Sityo Quary, Buenasuerte, Palanas ay naging kasapi sa pulang Hukbo noong Nobyembre 2024.

Kapwa naman mula sa Sityo Danao, Balantay, Dimasalang sina Ka Rex at Ka Loyd. Taong 2021, unang naging kasapi ng pulang Hukbo si Nono Abegan o Ka Rex. Makalipas ang isang taon, nagpasya itong magpahinga at nagpaloob na lang sa organisasyon ng mga magsasaka sa kanilang lugar. Nito lang buwan ng Abril 2025, muli itong nagpasya na sumapi sa BHB. Habang si Johnrod Apao o Ka Loyd, 22 ay bagong rekrut na mandirigma ng BHB nito lang Hulyo 2025.

Ang kanilang mga ambag, karanasan at alaala ay magiging karagdagang lakas, aral at inspirasyon ng mga pulang Hukbo upang panagutin ang mga berdugong militar sa kanilang krimen laban sa rebolusyonaryong kilusan at masang Masbatenyo.#

Pagpupugay sa San Mateo 7, mga kasamang nag-alay ng buhay sa pagsisilbi sa masang Masbatenyo