Pagtaas ng presyo ng langis, pahirap sa masang Pilipino

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mabuti pa ang presyo ng langis, big time kung magtaas. Pero ang kabuhayan ng karaniwang Pilipino kahit small time na pag-usad, wala. Sa halip, ibinunga ng tuluy-tuloy na pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo ang lalo pang pagkakalubog ng mamamayan sa kumunoy ng kahirapan.

Ang masahol pa, pinagsasabong ng gubyerno ang taumbayan. Hinahatak ang usapan sa isyu ng kapakanan ng komyuter laban sa drayber, ng mamimili laban sa manininda, sa pagtataas ng presyo ng pamasahe at mga bilihin. Samantala, ang ugat naman talaga ng problema ay ang taas ng presyo ng langis at ang dapat ipatupad ay mga patakarang tuwirang magpapababa rito mismo.

Ang walang awat na pagsikad ng presyo ay dulot ng mahigpit na kontrol ng mga kartel sa langis, pampinansyang institusyon at imperyalistang US sa industriya ng langis. Sa bansa, pinahihigpit pa ang kontrol ng mga kartel ng lubusang deregulasyon ng lokal na industriya ng langis. Malayang minamanipula ng malalaking kumpanya sa langis ang presyo, suplay at distribusyon habang inutil lamang na hinahayaan ng papet na gubyerno.

Nakikiisa ang NDF-Bikol sa sambayanang Pilipino sa paniningil sa kawalan ng hakbang ng papet na rehimen, paniningil sa imperyalistang US at mga kasapakat nitong kartel sa langis at dambuhalang transnasyunal na kumpanyang humuhuthot ng labis na tubo mula sa pagpapakasakit ng taumbayan. Sa paglubha ng kagipitang dulot ng pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo, naitutulak ang kilusang masa na palakasin ang anti-imperyalistang paglaban at itutok ang organisadong lakas sa kasalukuyang pangunahing tagapagpatupad ng neoliberalismo sa bansa – ang rehimeng Marcos II.

Pagtaas ng presyo ng langis, pahirap sa masang Pilipino