"Pagtugon sa sakuna," ipinantatabing ng US at Japan sa panghihimasok militar
Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng Marcos at mga armadong pwersa nito, at mga pwersang militar ng US at Japan, dahil sa pagsasagawa ng mga ito ng tinaguriang Doshin-Bayanihan 2024 na mga pagsasanay militar sa Ebuen Air Base sa Lapu-Lapu City sa Cebu, na nagsimula noong Oktubre 2, at magtatapos sa Oktubre 7.
Ang mga pagsasanay militar na ito ay bahagi ng patuloy na tumitinding panghihimasok militar sa bansa ng imperyalistang US at mga kaalyado nito. Tahasang nilalapastangan ng mga ito ang pambansang soberanya ng Pilipinas at lalo pang hinihila ang bansa sa gitna ng sumisidhing hidwaan ng mga imperyalista.
Layunin ng US at Japan na gamitin ang bansa bilang base para sa kanilang operasyon ng imperyalistang pagpapamalas ng kapangyarihan, na nakaturol sa partikular kontra sa kanilang imperyalistang karibal na China. Sa pang-uudyok ng US, patuloy na pinatataas ng Japan ang kanilang gastusin sa depensa upang palakasin ang kanilang mga pwersang militar at dagdagan ang kanilang mga operasyon sa West Philippine Sea. Ang panghihimasok militar ng Japan sa Pilipinas ay tiyak na lalala pa oras na pagtibayin ng Senado ng Pilipinas ang Reciprocal Access Agreement kasama ang Japan.
Binabatikos ng Partido ang paggamit ng “makataong pagtulong at pagtugon sa sakuna” bilang pagdadahilan para sa mga pagsasanay militar na ito, na naglilingkod lamang sa pinakalayuning palawakin at palakasin ang presensya ng mga pwersang militar ng US at Japan sa Pilipinas.
Ginagamit ng US ang tinatawag na mga makataong pagtulong at pagtugon sa sakuna bilang panabing sa pagpapataw ng kanilang presensyang militar sa Pilipinas at para gawing normal ang pananatili ng mga ito sa bansa. Noong Agosto, daan-daang tropang militar ng US at South Korea ang nanatili sa Legazpi City nang ilang linggo, diumano’y upang magsagawa ng mga serbisyo pangkomunidad.
Sa mga isla ng Batanes, na malapit sa Taiwan, nagtayo ang mga sundalong Amerikano ng isang bodega na diumano’y para imbakan ng mga “humanitarian supplies.” Ito ay isinagawa kasabay ng pagpapalalim sa sibilyang pantalan sa Batanes. Bibigyang daan nito ang regular na pagdaong ng malalaking barkong pandigma ng US sa naturang mga pulo, na naglalayong higit pang painitin ang armadong tensyon sa China.
Naninindigan ang Partido na hindi dapat militarisado ang pagbibigay ng makataong tulong, at hindi dapat gamiting dahilan para sa dayuhang panghihimasok militar. Maraming lokal at internasyunal na makataong ahensyang sibilyan, sa gubyerno man o hindi, ang sa halip ay dapat palakasin upang magbigay ng kinakailangang tugon at tulong sa mga lugar na sinalanta.