Pahayag

Pahayag ng 8ID na ginawang human shield ang sibilyan sa Babaclayon, kasinungalingan!

Isang malaking kasinungalingan ang pahayag ng 8th Infantry Division na ginawang human shield ng dalawang Pulang mandirigima ang mga sibilyan sa labanan sa Barangay Babaclayon, San Jose de Buan, Samar noong Disyembre 3. Naglulubid na lamang ang mga pasista ng kasinungalingan para pagtakpan ang kahihiyan sa pagkatalo kung saan isang kasama lamang ay may pistola pero nakapatay ng dalawang sundalo na kasapi ng tinagurian pa naman nilang Special Mission Platoon (SMP) ng 81MICO.

Ang totoo, ni hindi man lamang nagkoordina ang SMP sa yunit ng 46th IB na nasa loob ng baryo. Nagulat na lamang sa narinig na mga putok ang mga elemento ng batalyon na noo’y nakatuloy sa dalawang bahay ‘di kalayuan sa pinangyarihan ng engkwentro.

Galing pa sa bayan ng San Jose de Buan ang nasabing grupo ng SMP. Sakay ng mga motorsiklo, pasado alas-12 ng madaling araw, bumaba sila mismo sa bahay kung san naroon ang BHB. Pinalibutan nila ang bahay at sinigawan ang BHB na sumuko.

Sumigaw ang maybahay na “Huwag po at may mga bata.” Sagot ng mga sundalo, “Sige labas!” Sinenyasan ng isa sa mga kasama ang mag-anak na lumabas ng bahay. Sigurado ang dalawang kasama na ligtas na ang mag-anak bago sila tumalon sa likod na bintana habang pinapuputukan ang mga sundalo.

Malinaw na hindi makakatama ng sibilyan ang kasama dahil walang bahay sa harap ng kanilang tinalunan at nakatalikod sila sa nilabasan ng pamilya. Nakailang minuto na ring hawak ng mga sundalo ang mag-anak bago pa nagkaputukan.

Anim na bala lamang ang naiputok ng kasamang lumaban dahil siya lang naman ang may dalang baril. Ang kanyang pagpapaputok ay para lamang magdepensa at makawala sa kubkub ng kaaway. Malayo na ang dalawang kasama ay patuloy pa ang pagpapaputok ng mga sundalo. Bagama’t nalulungkot ang mga kasama na may nadamay na bata, sinisiguro nila na hindi sa kanila nanggaling ang balang nakatama sa bata.

Ang dalawang Pulang mandirigma ay pumunta sa bahay ng isang pamilyang taga-Babaclayon para mag-imbestiga sa kalagayan ng maybahay dahil nabatid ng mga kasama na pinagpanggapang NPA ng mga sundalo ang nasabing maybahay.

Nagbunyi ang mamamayan ng San Jose de Buan at mga kalapit na bayan ng Motiong, Jiabong, Paranas at San Jorge nang mabalitaan ang pagkapatay sa dalawang myembro ng SMP-81MICO. Kilala mismo ng masa ang mga taong iyon na siyang paulit-ulit na nanghaharas at pabalik-balik sa kanilang mga barangay pasukuin at i-Red tag sila. Hindi man pinangalanan sa midya ang napatay batid nilang ang isa ay sa San Jose de Buan tumutuloy at naninirahan ang asawa.

Pahayag ng 8ID na ginawang human shield ang sibilyan sa Babaclayon, kasinungalingan!