Pahayag

Pahayag ng NDF-Batangas sa Ilegal na Detensyon ng 2nd ID kay Chantal Anicoche

Mariing kinukondena ng National Democratic Front (NDF)-Batangas ang patuloy na ilegal na detensyon kay Chantal Anicoche sa kamay ng 2nd Infantry Division, sa utos ni Maj. Gen. Ramon Zagala.

Si Chantal ay isang mananaliksik, bagong gradweyt ng sikolohiya sa University of Maryland, at respetadong lider ng Filipino American Student Association (FASA) na nagpasyang lumubog sa batayang masa at katutubong Mangyan ng Mindoro upang malaman ang kalagayan nito sa gitna ng militarisasyon, matinding panunupil at terorismo ng estado.

Ang isla ng Mindoro ay ilang taon nang nasa gitna ng Focused and Sustained Military Operations (FSMO), bilang bahagi ng plano ng estado na durugin ang armadong pakikibaka ng mamamayang Mindoreño. Walang duda na ang sunod-sunod na panunupil at atake ng pasistang AFP ay upang tangkaing isakatuparan ang delusyong “insurgency-free Philippines” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Pero kahit ang pinagsama-samang elite forces mula sa apat na batalyon na sundalo, binigo ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan na aktibong nakapag-maniobra upang ipreserba ang puwersa nito. Kaya naman, noong ika-1 ng Enero, gamit ang kumbinadong puwersa ng 203rd Infantry Brigade, 76th Infantry Battalion, at 1st Infantry Battalion, nagpaulan ng bala at bomba ang mersenaryong AFP sa Sitio Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro.

Tatlong kabataang Mangyan-Iraya ang nasawi dahil sa pambobomba habang isang kabataang aktibista, si Jerlyn Doydora, isa ding mananaliksik, ay namatay dahil sa komplikasyon nito sa kalusugan dulot ng matinding pambobomba sa lugar. Si Chantal naman ay nahiwalay sa kaniyang mga kasamahan sa gitna ng pambobomba at naitalang nawawala ng limang araw bago inulat sa isang lokal na istasyon na nasa kamay na ito ng berdugong 2nd ID. Nagpalabas ang militar ng “scripted” video ng operasyon na nagpapakita umano kung paano nila natagpuan si Chantal. Kitang-kita sa itsura ni Chantal na iba ang kalagayan nito sa video para sa isang indibidwal na nawawala nang limang araw. Napakagaling din ng AFP kung gayon at unang ‘pagkatagpo’ pa lang kay Chantal ay kinausap na ito sa Ingles kahit na hindi pa nila alam ang kaniyang identidad. Ang buong naratibo ng AFP ay hindi lang kaduda-duda kundi mahirap paniwalaan dahil sa mga butas-butas at lantarang kasinungalingan lamang. Pwersahan nitong pinapirma si Chantal sa isang dokumentong nagsasaad ng kaniyang pagtanggap na manatili sa kamay ng 2nd ID.
Hanggang ngayon, hindi pa nakakatanggap ng tulong medikal at legal si Chantal habang pinapailalim sa interogasyon ng mga pasista.

Katulad ng maraming kabataang naghangad na pag-aralan ang lipunan at baguhin ang bulok na sistema, simula ng First Quarter Storm hanggang ⁷sa patuloy na militanteng pakikibaka nito sa kasalukuyan, ang desisyon ni Chantal na tumungo kung nasaan ang batayang masa ay natural na landas ng kabataan sa malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Kapag malalim na pinag-aralan ng kabataan ang lipunang Pilipino, mapupunta lamang siya sa konklusyong ang Imperyalismong US, Burukrata Kapitalismo, at Pyudalismo ang kanser ng Pilipinas. Higit lalo at lumaki si Chantal sa loob ng imperyong nagpapanatili nito sa bayan ng kaniyang magulang. Ang kaniyang paghahangad na pag-aralan ang kalagayan at makipamuhay sa mga katutubo ay kapugay-pugay.

At katulad ng maraming kabataang nangahas na makibaka para sa isang makatarungang lipunan, ang isinukli ng estado sa mga tulad ni Chantal ay karahasan at terorismo. Apat na attack helicopter ang ginamit sa straffing at hindi bababa sa 12 na bomba ang pinaulan ng apat na batalyon sa kabundukan ng Mindoro. Sa pilit at kahina-hinalang pahayag ng 203rd IB, natagpuan daw nito si Chantal 500 na metro ang layo mula sa kanilang operasyon. Kung gayon, bakit limang araw pa ang lumipas bago nila inilitaw si Chantal? Bakit walang pinapayagang doktor at abogadong makabisita sa kaniya?

Ang patuloy na paghawak ng militar kay Chantal ay hindi lamang paglabag sa kaniyang batayang karapatang pantao, ito ay bahagi ng sistematikong panunupil sa mamamayang nakikibaka na matagal nang gawi ng estado at militar. Sa sobrang atrasado at pagkabulok ng gubyerno ng Pilipinas, parang hindi ito nakausad mula sa panahon ng Cold War US. Ang redtagging at Terror Law, halimbawa, ay hangong-hango sa mga represibong patakarang McCarthyismo ng US noong dekada ’50. Isa rin ang Pilipinas sa papaunting mga bansang kriminalisado pa rin ang pagsapi sa Partido Komunista kung saan sa maraming bahagi ng mundo ay protektado ito ng batas.

Lahat ng taktika ng estado sa ilalim ng ‘kontra-insurhensya’ ay nasa patnubay ng imperyalismong US at ng National Security Agency nito. Manipestasyon ito ng pagkaatrasado ng estado at ng pagtanggi nitong lutasin ang ugat ng armadong pakikibaka. Sa kanilang pinakahuling pambobomba, lalo lamang inilalantad ng reaksyunaryong gubyernong Marcos Jr. ang sarili nito bilang pasistang papet ng imperyalismong US. Salungat sa kanilang mga delusyon, paparami at paparami lamang ang kabataang tumutungo sa kanayunan upang magsilbi sa masang-api. At dahil walang intensyon ang mga naghaharing-uri na baguhin ang bulok na sistemang nagsisilbi lamang sa mga panginoong maylupa, malalaking burgesya komprador, burukrata kapitalista, at imperyalismong US, maaasahan nilang lolobo ang bilang ng Pulang hukbo.

Palayain si Chantal Anicoche!

Itigil ang red-tagging sa mga aktibista at tagapagtaguyod ng karapatang pantao!

Panagutin si Marcos Jr. at alipores nitong si Brigadier Gen. Melencio Ragudo at ang 203rd Infantry Brigade Philippine Army sa pasistang militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao sa Occidental Mindoro!

Pahayag ng NDF-Batangas sa Ilegal na Detensyon ng 2nd ID kay Chantal Anicoche