Pahayag

Pahayag ng pagpupugay kay Roberto "Ka William” Cabales

,

Ang rebolusyonaryong pwersa at mas malawak na masa ng Panay, ay malalim na nagdadalamhati at lubos ang pagpapasya na kamtin ang rebolusyonaryo hustisya sa patraydor na pagpaslang kina Kasamang William (Roberto Cabales) at Kasamang Badong (Mateo Suarez). Sa inisyal na impormasyon, ang mga kriminal, sa kahit ano pang batas, ay ang komposit na pwersa ng 301st Bgde sa ilalim ni Nhel Richard Patricio at PNP-Iloilo sa ilalim ni Bayani Razalan.

Ayon sa mga kapitbahay noong gabi ng Oktubre 5, narinig ang 3 putok mula sa bahay ni Mr. Suarez sa Barangay Coto, bayan ng Lambunao, Iloilo. Nakitang may dinala mula sa loob at isinakay sa “ambulansya”. Kinumpirma ng Barangay Captain ng Coto na dinala sa ospital ang dalawang tao ngunit DOA na. Nang kinaumagahan, lumabas na ang opisyal na pahayag mula sa PNP Lambunao Chief Jose Winston Biadog. “Napilitan na barilin” ng komposit na pwersa ng PNP at AFP, dahil “nanlaban” diumano ang dalawa nang aarestuhin sila sa bisa ng warrant of arrest na pinalabas ni Judge Amular ng RTC 6 Branch 21. Maliban sa mga kaso, may nakapatong palang presyo na 3.1milyon pesos sa ulo ni Roberto Cabales.

Kahit na ordinaryong mamamayan ay makikita kaagad ang bulok na linya ng “nanlaban” upang pagtakpan ang pamamaslang sa dalawang kasama. Tatlong putok lang ang narinig sa harap ng napakalaking komposit mula sa 61st IB, 82nd IB, PNP Intel Group, Lambunao Police at karatig na syudad ng Passi Police. Sa ganitong senaryo nais paniwalain at paulit-ulit na linlangin ng mga mersenaryong ahente ng estado ang mamamayan na nanlaban ang mga kasama gayung klaro na walang kakayahang manlaban ang dalawa.

Sa ngayon pa lang, may klarong kaso na maaring ihatol sa mga elemento na direktang nagsagawa ng operasyon at ang kasangkot na chain-of-command. Ito ay ang pamamaslang at war crime sa ilalim ng International Humanitarian Law. Kung matatandaan, ang 301st Brigade ay salarin din sa pagpaslang sa mga “hors de combat” noong Agosto 2024 na ikinasawi ng 11 na kasama.

Lalong pinatunayan ng mga ganitong operasyon ng AFP at PNP na sila ay sinanay bilang mga mersenaryo at hindi maging propesyunal na hukbo. Ang kanilang intensyonal na pagbalewala ng mga protocol sa labanan at karapatang pantao ay oryentasyon at pamamaraan na hindi nalalayo sa mga kriminal na bayarang goons.

Ang kanilang isip at gawa ay nahulma sa bulag na pagpapatupad ng panunupil at pagsisinungaling na dinamitan na maging hukbo ng isang sistemang nalulukob ng napakalalim na korapsyon at kawalang pag-asa na sa ngayon ay pinamumunuan ng Marcos,Jr.

Sa kabilang banda, lalong pinatunayan na napakalayo ng kalidad at prinsipyo na pinanghahawakan ng NPA at rebolusyonaryong pwersa. Sa harap ng mas matindi at mapanglabag-sa-karapatang pantao na mga operasyon ng AFP/PNP, ang NPA at rebolsuyonaryong pwersa sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas ay nanatiling pursigido sa pakikibaka na tiyak na babago sa sistemang bulok at walang-pag-asa.

Roberto Cabales, Ka William sa rebolusyonaryong pwersa ng Panay.

Isa sa mga itinatangi na lider ang Kasamang William ng PKP at NPA. Si Kasamang William, ay nakapag-aral na maging doktor. Ang kanyang pagsasanay sa kanluranin, silangan at tradisyunal na medisina ay kanyang pinagsanib upang mapaunlad ang paggamot sa masang kalakhan ay pinagkaitan ng nararapat na serbisyong medikal. Ang kanyang hangarin na maging manggagamot ay naging udyok upang sumali sa kilusang maghihilom ng lipunang lugmok sa sakit ng katiwalain at kahirapan.

Si Kasamang Badong naman ay dating kasapi ng NPA, at dahil sa kalagayang pisikal ay minabuting lumabas sa hukbo. Gayunpaman, nanatiling tapat at mataas ang kanyang hangaring makatulong sa kilusan.

Dapat lang na ang mga kaibigan at kapamilya nina Kasamang William at Kasamang Badong ay gumawa ng lahat na paraan upang mahatulan ang mga salarin sa pagpapaslang sa kanilang dalawa. Ang rebolusyonaryong kilusan ay may istilong dadaan sa demokratikong paghahatol upang ipatupad ang nararapat na hustisya sa mga biktima ng mga ganitong krimen. Subalit ang tunay na hustisya hindi lubos na makakamit sa ilalim ng sistemang nililindol ng katiwalian at binabagyo ng kilusan ng mamamayang galit.

Ang rebolusyonaryong kilusan na tatayo ng isang lipunan na tunay na pinaghaharian ng mga mulat at aping mamamayan, at hindi ng mga kriminal at tiwaling mga opisyal, ang magtatanghal ng totoong hustisya hindi lang para sa Kasamang Willian at Kasamang Badong kundi para sa lahat ng rebolusyonaryong martir at mamamayan na nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan.

Ating tanganan ang mga dakilang gawain upang isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka at magpunyagi sa landas na tinahak ng ating magigiting na mga martir—hanggang sa ang tagumpay ay makamit.

Mabuhay ka at mapulang saludo sa iyo, Ka William!
Mabuhay ang lahat ng rebolusyonaryong martir ng sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Pahayag ng pagpupugay kay Roberto "Ka William” Cabales