Palakasin ang balikatan ng mamamayan laban sa imperyalismong US! Isulong ang digmang bayan!
Kinukundena ng National Democratic Front-Cagayan Valley (NDF-CV) ang rehimeng Marcos sa sagadsaring pagpapakatuta nito sa imperyalistang US, sa patuloy na pagbebenta ng soberanya ng bansa, sa muling pag-akomoda sa Balikatan war exercises sa pangunguna ng US ngayong taon.
Habang ang masa ng Cagayan Valley at sambayanang Pilipino ay lalong naghihirap sa tumitinding krisis dulot ng pinalakas na agresyon ng US sa Iran, ang mga ehersisyong pandigma na ito ay habambuhay na sumusunog ng langis, naglulustay ng pondo at rekurso ng bayan at naglalagay sa bansa sa matinding panganib na mahulog sa alimpuyo ng imperyalistang gera.
Kalahok sa ehersisyong Balikatan ngayong taon mula Abril 20 hanggang Mayo 8 ang mahigit 17,000 sundalo mula sa United States, Australia, Japan, Canada, France at New Zealand. Mas malaki pa sa mga nakaraang ehersisyo, sa malakihang ehersisyong militar ngayon ay muling magsasagawa ng mga live-fire drills kagaya ng pagpapailanlang ng mga missile at pagpapalubog ng mga barko, gayundin ang todo-gerang ehersisyo sa kalupaan at karagatan.
Ito ay nagaganap sa gitna ng pagpapalakas ng agresyong militar ng US sa Iran at Middle East at ang epekto nitong krisis sa pagsirit ng presyo ng langis at presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo sa Pilipinas at sa buong mundo.
Dahil sa kalapitan nito sa Taiwan at istratehikong heyograpiya na pinakamainam na base ng digmaan sa China, itinakda ng US ang tatlong EDCA site sa Cagayan Valley na nasa Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; Cagayan North International Airport in Lal-lo Cagayan at sa Camp Melchor de la Cruz sa Gamu, Isabela. May naval base, pantalan at helipad din sa isla ng Mavulis sa Batanes, ang pinakadulong isla ng Pilipinas sa hilaga. Noong 2025, ang pangwasak ng barkong NMESIS (Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System) missile systems ay ipinuwesto ng US Marines sa isla ng Batan, na 150-160 kilometro lamang ang distansya sa Taiwan. Sa mga ito, itinakda ng US at AFP ang rehiyon ng Cagayan Valley na susing lokasyon para sa mga pagsasanay militar sa dagat at mga live fire exercises sa Balikatan.
Habang ang Balikatan ay nakabalangkas bilang “mahalagang ehersisyo,” sa katunayan ay kumakatawan at nagpapalalim lamang sa pagpapakatuta ng rehimeng Marcos sa imperyalismong US. Nilegalisa at pinagtibay ng mga kasunduang militar gaya ng Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreemet at EDCA, ibinibilang ng rehimeng US-Marcos itong di makatarungan at mapang-udyok sa gerang Balikatan exercises bilang simbolo ng kanilang “matibay na kooperasyon” para diumano sa “seguridad sa Asia-Pacific region.” Walang “Balikatan” o “kooperasyon para sa seguridad” sa pagpaparaya sa mga dayuhang kapangyarihan na walang pakundangang yurakan ang ating soberanya sa pagpapagamit sa ating teritoryo bilang base ng kanilang gerang agresyon at paglalagay sa mamamayan sa matinding panganib. Ito ay pawang pagyukod lamang ni Marcos Jr bilang tuta ng kaniyang among si Trump at ng pang-uudyok ng imperyalistang gera nito.
Habang nakatuon ang rehimeng US-Marcos sa paghahanda sa gera sa Asia-Pacific, ang mamamayang Pilipino ay humaharap sa matinding krisis bilang epekto ng gerang agresyon ng US sa Iran. Ang sumasahol na krisis ay indikasyon ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas na kinatatangian ng kawalan ng lupa, atrasadong agrikultura at pyudal na pagsasamantala, kawalan ng pambansang industriya at lubos na pagsandig sa importasyon at dayuhang pamumuhunan, na tuloy-tuloy na naghuhulog sa mamamayang Pilipino sa hukay ng kahirapan, kawalang-trabaho at kabuhayan.
Sa Cagayan Valley, ang halos tripleng pagtaas ng presyo ng langis ay nagdulot ng malakihang pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin, na lalong nagpagbagsak sa kabuhayan ng magsasaka, mangingisda, drayber, manininda, manggagawa sa serbisyo, manggagawang-bukid at lahat ng maralitang sektor.
Hindi na makayanan ng magsasakang bumili ng krudo na kinakailangan nila sa produksyon at transportasyon ng kanilang ani, at marami na ang tumigil sa pagtatanim. Pinasahol pa ito ng malalang tagtuyot na sumasalanta sa malawak na kabukiran sa mga prubinsya ng Cagayan, Isabela at Quirino na signipikanteng nagbawas ng ani. Bumagsak din ang kita ng mga drayber at maliit na manininda sa 200-300 pesos sa isang araw, at maraming mangingisda ang hindi na makapalaot.
At sa mga ganitong panahon, ang suporta ng reaksyunaryong gubyerno sa mga pinakaapektadong sektor ay sadyang salat at di maramdaman, kung kaya’t sa esensya ay wala.
Ang pagtutuloy ng aksaya sa langis at magastos na Balikatan ay isa na namang mas malakas na sampal sa mukha ng mamamayang Pilipino na nasasaid ng kita, nababaon sa mas malaking utang, nawawalan ng kabuhayan at nagugutom. Maliban dito, isinasadlak ng Balikatan ang ang rehiyon at buong bansa sa panganib sa pagtatransporma nito sa mga isla ng Pilipinas bilang lunsaran ng digma para sa imperyalistang dominasyon ng US sa Asia-Pacific.
Ang paggigiit ng AFP na ang mga ehersisyong militar ay prayoridad at ang kinakailangang langis para sa mga ito ay nabili bago pa ang illegal na pag-atake sa Iran, ay hungkag at lumilihis sa katwiran. Habang ang mamamayang Pilipino ay nagdurusa, mas pinahahalagahan ng rehimeng Marcos ang pagpapakatuta at kasiyahan ng amo nitong imperyalistang US. Imbes na mag-akomoda ng ehersisyong pandigma sa bansa, ang masang Pilipino ay mas nararapat na magtamasa ng tunay na atensyon sa kanilang kapakanan, hindi ang pagpapahamak sa kanila sa imperyalistang gera ng US.
Ang Balikatan ay naghahatid ng kongkretong panganib sa mismong pintuan ng mamamayang Cagayan Valley. Noong 2025, ang malakihang todo-gerang ehersisyo at live fire drills ay nagdulot ng matinding troma sa taumbaryo, laluna sa mga bata. Sa mga komunidad ng Aparri at Batanes, buong paniwala ng mga residente ay may mangyayaring digmaan.
Masyadong naapektuhan ang kabuhayan ng mamamayan sa mga komunidad ng Claveria, Aparri, Gattaran, Sto. Niño, Baggao, Lasam, Calayan Island, Sta. Ana at Batanes. Nagkasira-sira ang mga palay, na sana’y aanihin na at nilipad ang mga nakabilad na palay ng mga jetfighter na nagmamaniobra ng napakababa. Hindi maasikaso ng magsasaka ang kanilang sakahan at pastuhan. Napagbawalan ang mga mangingisda na pumalaot at noong nagpatuloy na ang pangingisda ay winasak ang kanilang mga lambat ng mga konkretong pampabigat sa mga boyang ipinakat bilang target sa mga live fire.
Ang pagpapalakas sa pwersang militar ng US sa pinakahilagang bahagi ng Pilipinas at ang pagpupwesto ng NMESIS missile launcher malapit sa kanila ay nagpapataas sa tensyon at probokasyon sa China, at higit pa dito, ang matinding pangamba ng mamamayan ng Cagayan at sambayanang Pilipino. Sa kabila ng panawagan sa bansa maging sa internasyunal na komunidad na tanggalin ang naturang missile system at kanilang base militar sa Pilipinas, hindi ito pinapansin ng US at rehimeng Marcos, dahil ang mga ito ay sadyang ipinuwesto para palakasin ang kapabilidad militar ng US upang kulungin ang China at ipataw ang dominasyon nito sa Asia-Pacific.
Ang pagpapalakas militar ng US, kabilang na ang plano sa pagtatayo ng pabrika ng armas at refueling hub sa Pilipinas, ay seryosong panganib sa seguridad at soberanya ng bansa at pawang produkto ng pakikipagsabwatan ng korap na rehimeng Marcos sa imperyalistang US at naglalagay sa Pilipinas sa kontrol nito.
Lahat ng mga ito ay nagpapatunay na ang sistemang panlipunan ng Pilipinas ay mahigpit na saklot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo, na napakabulok sa kaibuturan at kailangang durugin at palitan sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon ng bayan.
Kung kayat sa kabila ng tuloy-tuloy na pag-atake at red-tagging, milyon-milyong Pilipino ang nakikilahok at sumusuporta sa pambansa demokratikong rebolusyon, upang palayain ang bansa sa kontrol ng imperyalismong US at kanilang lokal na utusang malalaking panginoong maylupa, burges kumprador at burukrata kapitalista.
Lalo na sa Cagayan Valley, malinaw ang hamon na ito, na igiit ang pagpapaalis sa mga tropang Amerikano, sa kanilang EDCA sites at mga sandata at wakasan ang Balikatan at lahat ng kanilang ehersisyong pandigma sa rehiyon at buong bansa.
Habang ang rehimeng Marcos, ang AFP at imperyalistang US ay nagbabalikatan sa kanilang marahas na panunupil sa mamamayang naninindigan para sa kanilang kalayaan, higit lalo nating palawakin, pahigpitin at palakasin ang ating pagbabalikatan laban sa presensyang militar ng US sa Pilipinas.
Kailangan nating magpursigi sa pagtatayo, pagpapalakas at pagpapalawak ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa ng magsasaka, manggagawa, mangingisda, maralitang lunsod, katutubong mamamayan, kabataan at estudyante, kababaihan at iba pang aping sektor na magsisigurado sa pagtataguyod ng demokratikong kilusang masa laban sa imperyalismong US. Ang mga taong simbahan, abogado, empleyado ng gubyerno at iba pang panggitnang pwersa ay nararapat na mahigpit na makipagkapitbisig sa mga maralitang sektor upang maitayo ang malakas na alyansa na bubuwag sa mga EDCA site at titigil sa Balikatan at iba pang ehersisyong pandigma ng US sa Cagayan Valley at buong Pilipinas.
Habang nagtatayo tayo ng Anti-imperyalistang Balikatan upang depensahan ang soberanya ng Pilipinas laban sa imperyalistang gera ng US sa lahat ng panig ng mundo, pangunahin nating kinikilala na ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa bansa ay ang pinakamabisang paraan sa paglaban sa imperyalistang gera ng US. Habang ginagamit nila ang Balikatan upang ipangalandakan ang kanilang modernong sandata, ipinapakita ng kasaysayan ang katotohanan ng pagdidiin ni Mao Zedong, na ang mamamayan, hindi ang mga bagay ang mapagpasya sa digmaan.
Sa diwang ito, hinihikayat ng NDF-CV ang mamamayan ng Cagayan na tahakin ang yapak ng ating magiting na tradisyon ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Nananawagan tayo pangunahin sa mga kabataan na tugunan ang kagyat na pangangailangan na labanan ang imperyalistang paghahari sa pamamagitan ng pagsapi sa New People’s Army. Sa pangunguna ng armadong pakikibaka, isulong natin ang lahat ng pamamaraan ng pakikibaka sa ilalim ng pambansa demokratikong rebolusyon upang durugin ang imperyalismong US at palayain ang mamamayang Pilipino.