Pahayag

Palawakin at palalimin ang kilusang pagwawasto! Umugat nang mas malalim sa masa! Magpunyagi sa landas ng digmang bayan!

,

Sa okasyon ng ika-56 taong pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan, buong kasiyahang binibigyan ng pinakamataas na parangal at pagpupugay ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas – Timog Katagalugan ang Bagong Hukbong Bayan, mga pulang kumander at mandirigma kapwa sa mga yunit gerilya at yunit ng milisyang bayan sa kanilang nakamit na makasaysayang tagumpay at walang pagkatinag na katatagan at katapangang isulong ang armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan bilang pangunahing anyo ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino upang makalaya sa salot ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo sa nakaraang 56 na taon.

Sa dakilang araw na ito, taglay ang di-magagaping diwa at napakataas na rebolusyonaryong optimismo ng mga unang henerasyon ng pulang Hukbo nang ito ay itatag mula sa halos wala, muli nating ipanatang umugat ng mas malalim sa masa at kasama sila’y mapagpunyagi at buong determinasyon na isulong ang matagalang digmang bayan at dalhin ito sa bagong rurok ng pagsulong at paglakas gaano man ang mga sakripisyo at kahirapang dadanasin. Integral sa panatang ito na mahigpit na tupdin ang mga tungkulin upang palawakin, palalimin at dalhin sa tagumpay ang kasalukuyang kilusang pagwawasto sa larangan ng pagsusulong ng armadong pakikibaka, pagtatayo ng Bagong Hukbong Bayan, pagsusulong ng rebolusyong agraryo at pagtatayo ng baseng masa.

Pinakamataas na parangal at pagpupugay ang aming ibinibigay sa mga martir at bayani ng Bagong Hukbong Bayan at armadong pakikibaka sa buong bansa at sa rehiyong Timog Katagalugan sa nakaraang 56 na taon. Walang pagsidlan at pagkapuno ang ibinibigay naming natatanging pagpupugay sa dakilang Tagapangulong Tagapagtatag ng Partido na si Jose Maria Sison sa kanyang natatanging ambag at kapasyahang itayo mula sa halos wala ang Bagong Hukbong Bayan at simulan ang armadong pakikibaka noong Marso 29, 1969. Sa kanyang wastong pamumuno sa Partido at Bagong Hukbong Bayan, ito’y sumulong at lumakas nang walang kaparis sa kasaysayan ng rebolusyong Pilipino. Ang kanyang mga sulating ambag panteorya laluna ang kongkretong aplikasyon nito sa rebolusyong Pilipino sa pagsusulong ng bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan alinsunod sa estratehikong linyang kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan ay mga gabay na di-malilipasan ng bisa at preskong magagamit sa pagsusulong ng rebolusyon hanggang tagumpay. Natatanging parangal at pagpupugay din ang ibinibigay ng Partido sa rehiyong TK kay kasamang Maria Malaya, 71 taong gulang, kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral, pinuno ng Komisyon ng Partido sa Isla ng Mindanaw at kumandera ng BHB sa North-East Mindanao Region, sa kanyang husay, tapang, katatagan at walang pag-iimbot na pagbibigay ng natatanging buhay, talino’t lakas sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang sa kanyang pagkamartir sa isang labanan nito lamang Pebrero 12, 2025. Aming pinagpupugayan din at hinahanguan ng inspirasyon at lakas ang mga nakapiit na mga mandirigma at kumander ng NPA sa kulungan ng papet na estado na patuloy na nagpapakatatag at lumalaban.

Pinakamataas na pagkilala ang ibinibigay ng Partido sa masang magsasakang Pilipino na siyang pundasyon at bukal ng tinatamasang pinakamalawak at pinakamalalim na base at suportang pulitikal sa armadong pakikibakang isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan. Sa kanila, nagmula ang pinakamalaking bilang at pinakamahuhusay na mga mandirigma’t Pulang kumander ng BHB na walang takot at buong kapangahasang tinanganan ang buhay at kamatayang tungkuling isulong ang armadong pakikibaka laban sa kaaway na higit na mas nakalalamang sa armadong lakas nang kung ilang ulit. Pinakamataas na pagkilala din ang ibinibigay ng Partido sa uring manggagawa, malamanggagawa at kabataang intelektwal at sa rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran na nagbigay ng di masasaid na suportang pulitikal, kadre at tauhan sa Bagong Hukbong Bayan mula sa pagsisimula ng armadong pakikibaka hanggang sa kasalukuyan.

Sa harap ng walang kaparis na krisis ng imperyalismo, ng pumuputok na inter-imperyalistang gyera sa Europa’t gitnang silangan at pang-uupat ng gyera ng US laban sa Tsina sa Indo-Pacific, at ng walang kaparis na kronikong krisis sa ekonomya’t pulitika ng malakolonyal at malapyudal na lipunan sa ilalim ng sagad sa pagkapapet at burukrata-kapitalistang paghahari ng ikalawang Marcos, lalung kumikinang ang bisa ng pagsusulong ng armadong pakikibaka at estratehiya ng matagalang digmang bayan bilang natatanging landas para sa sambayanang Pilipino. Inspirasyon ito ng iba pang sambayanang api sa mga bansang kolonyal, malakolonyal, pyudal at malapyudal upang isulong ang kanilang pakikibaka para sa kanilang pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalistang hinaharap. Ang pagsulong ng matagalang digmang bayan at kilusang mapagpalaya sa ikatlong daigdig ay nagiging panulak sa pagbilis at paglakas ng pakikibaka ng manggagawa laban sa kapital at imperyalismo.

I. Kritikal na paglalahad sa ating kalagayan

Pagbigo sa kampanyang pangwawasak ng rehimeng US-Marcos II

Pinatunayan ng maningning na 56 na taong rebolusyonaryong kasaysayan ng Bagong Hukbong Bayan ang bertud ng pagsusulong ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan nang magkamit ito ng pagsulong at mga tagumpay na wala pang kaparis sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Ito ang pangunahing sandata ng sambayanan na nagpahina hanggang nagpabagsak sa 14 na taong diktadurang US-Marcos I. Armadong pakikibaka ang tangan ng uring magsasaka at mga katutubo upang itayo at palakasin ang pulang kapangyarihang pampulitika at magkamit ng tagumpay sa pakikibaka sa lupa kaakibat ng pagpapahina hanggang pagpapabagsak sa kapangyarihan ng uring panginoong maylupa sa kanayunan. Armadong pakikibaka rin ang pinakamabisang sandata ng sambayanan nang matagumpay na biguin ang ibat-ibang Oplan na inihambalos ng mga papet na rehimeng nagtangkang wasakin ang Partido, Hukbo at Pambansang Nagkakaisang Prente at pahupain ang pakikibaka ng sambayanan para sa kalayaan, lupa, sahod, karapatan at kapaligiran.

Sa nakaraang mga taon, nararapat nating ipagbunyi at hanguan ng aral ang dakilang tagumpay sa pagbigo sa rehimeng US-Marcos II na durugin ang Partido at BHB bago matapos ang taong 2024 at kanyang ipinagpatuloy hanggang ngayong 2025. Ginawa natin ang gitgitang pakikipaglaban sa lalong lumalaki at sumisinsing pakat ng mga panagupang batalyon ng kaaway na naglulunsad ng walang lubay na nakapokus na operasyon laban sa Partido, mga yunit ng BHB at rebolusyonaryong baseng masa sa mga larangang gerilya sa rehiyon.

Patuloy pang nadagdagan ang nakapakat na dami ng mga panagupang batalyon ng AFP-PNP-CAFGU sa rehiyong TK. Bukod sa dati ng 27 panagupang batalyong nakapakat sa rehiyong TK (kasama na ang sa isla ng Palawan), idinagdag pa ang isang bahagi ng 16th IBPA na ipinakat sa South Quezon-Bondoc Peninsula (SQBP) at ang 15th Scout Ranger Company (SRC) upang ayudahan naman ang pokus sa pagwasak sa diumanong “remnants” ng NPA sa isla ng Mindoro.

Sa laki ng ginagamit na mga pasistang pwersa, nakakamit ng kaaway ang ubod nang laki na superyoridad sa armadong lakas sa mga focused area kumpara sa lakas ng Bagong Hukbong Bayan. Sa ganito, patuloy na naisasagawa ng kaaway ang magkakapanabayang malulupit na tindi ng pag-atake sa lahat ng mga larangang gerilya sa rehiyong TK ng halos walang paglubay.

Pangunahing pokus sa pagwasak ang mga larangang gerilya sa isla ng Mindoro. Pinasinsin sa mga lugar na ito ang pakat ng mga panagupang batalyon na umaabot na ngayon sa 10.5 batalyon. Sa huling kwarto ng 2024, inilipat sa Mindoro ang 1st IBPA mula sa lalawigan ng Laguna at pagpasok naman ng 2025 ay idinagdag pa ang 15th SRC. Bukod dito, ginawang tatlo ang nakalaang attack helicopter, kung saan dalawa (2) ang Blackhawk at (1) ang cobra attack helicopter, bukod pa ang dagdag na laang mga surveillance planes at drones na pirmidong nakatalaga sa Mindoro upang asistehan ang atake ng mga pwersang katihan.

Tuluy-tuloy na isinasakatuparan ang estratehiya ng “whole of nation approach”, “win hold win” at “sustained operations”. Patuloy na ginagamit ang metodolohiya ng clear, hold, consolidate-develop, kaalinsabay na pagsasakatuparan ng triad operations (civilian military operations, intelligence operations at strike operations) laban sa Partido, BHB at rebolusyonaryong kilusan.

Sa direksyon ng US, pinagkakaabalahang maige ng kaaway ang pagkabisa at pagtataas ng kanyang kakayanan sa pagpapatupad ng joint operations kung saan pinahuhusay nito ang taktika ng swabeng magkakarugtong (“seamless”) na kumbinasyon ng pakikidigma sa lupa, himpapawid, karagatan at cyber. Ginagawa ang paulit-ulit na mga pagsasanay sa pagsasakatuparan ng joint operations sa pamamagitan ng mga Balikatan Exercises na inilulunsad sa rehiyon at bansa. Binubuo ang mga Joint Task Forces at mga Joint Special Units sa mga erya at yunit na pokus ng pagwasak.

Mataas ang ibinibigay na atensyon ng kaaway sa gawaing paniktik para sa mga presisong pag-atake sa mga namumunong komite ng Partido at mga yunit ng BHB. Paulit-ulit na natutuklasan natin ang maitim na taktika ng kaaway na pagpupuslit ng mga GPS trackers (kapwa simcard at satellite based) alinman sa pamamagitan ng powerbank, iba pang elektronikong gadgets, maging sa mga pagkain, damit, tabakuan atbp.

Dahil sa masikhay na gawaing pampartido at gawaing masa paulit-ulit ding natutuklasan natin ang operasyong kumbersyon ng kaaway kung saan tinatarget na itayong espiya ang mga kilala nilang mga kasapi ng Partido, BHB at organisadong baseng masa, maging ang mga direktang kapamilya ng mga maiinit na kadre, hukbo at lider masa. Tuloy-tuloy ang peke at nireresiklong pagpapasuko sa balangkas ng ECLIP. Ipinanrarahuyo sa masa ang milyun-milyong patong sa ulo ng mga kasama at pangako ng diumanong “mapayapa at masaganang” buhay. Inilantad naman ng salaysay ng ilang naliwanagang surenderee na pinagkaperahan lamang sila ng mga opisyal militar, na iilang sagadsaring demonyo lamang ang nakatanggap ng pabuya at na dumanas sila ng makahayop na pagtrato sa kamay ng militar. Palagiang lumilikha ng pekeng balita ang kaaway upang linlangin ang masa tulad ng diumanong pagsuko, pagbaba, pagpapagamit o pagkamatay na sa labanan ng mga kilalang kadre o hukbo sa lugar upang demoralisahin ang masang magpatuloy na lumaban at magrebolusyon.

Gumagamit ng hindi bababa sa laking batalyon hanggang laking brigadang panagupang pwersa sa mga nakapokus na operasyon sa mga focused area. Patuloy na isinasakatuparan ang magkaalinsabay na focused military operations (FMO’s) upang pinsalain ang mga yunit ng BHB at retooled community support program operation (RCSP-O) sa bagong katawagang modified community support program operations (MCSP-O) upang wasakin ang rebolusyonaryong baseng masa.

Upang ipagkait ang base, isinakatuparan ng kaaway ang taktikang blockhouse at “emptying the sea” sa mga focused area. Sa mga ito, suson-susong ipinakat ang mga kampo militar kakumbina ang mga laking iskwad na MCSP-Units sa minimum na 10 hanggang 20 kolum sa magkakaratig na sityo, barangay at bayan. Kapalit ng mga pakitang-taong gawaing sibiko, mistulang mga pakaining -baboy ang mga pasistang pwersa na walang ginawa kundi ang kumain-matulog, maglasing at tulad ng baboy ay mang-umbang sa buhay at kabuhayan ng mamamayan sa lugar.

Nagsasagawa ang mga ito ng mga teroristang akto tulad ng walang habas na pambobomba at istraping upang lumikha ng terror at palayasin ang masa sa kanilang mga tirahan. Isinakatuparan ang sapilitang konsentrasyon ng mamamayan sa mga sentruhan ng mga sityo at baryo dahilan upang mapalayo ang mamamayan sa kanilang mga sakahan at pinagkukunan ng kabuhayan. Ipinatupad ang sistemang curfew kung saan pinagbabawalan na ang masang gumala mula alas-tres ng hapon hanggang gabi. Ipinatutupad ang sistemang attendance at reporting ng mga masa bago umalis sa umaga at pag uwi sa hapon. Idineklarang NPA lamang ang gumagala sa gabi. Ipinatupad ang food blockade kung saan lubhang nilimitahan sa 3 kilong bigas lamang ang maaaring bilhin ng isang pamilya. Perwisyo sa buhay at kabuhayan ng masa ang mga patakarang ito na ipinatupad ng kaaway sa mga focused area. Buong kalupitan at kadumihang ginagamit maging ang mga sanggol na anak ng mga kilalang Pulang mandirigma para lamang ipilit sa mga ito na sumuko, isalong ang armas at magpagamit sa kontra-rebolusyonaryong pakana ng kaaway. Gumagawa ng mga pekeng labanan at pumapaslang ng sibilyan na idinideklarang mga NPA para pagmukhaing matagumpay ang kanilang operasyon.

Bantog ang pinag-ibayong white area operations upang wasakin ang anumang organisadong paglaban ng masa sa kalunsuran at mga sentrong kabayanan para sa lupa, sahod, kabuhayan, tirahan, kapaligiran at karapatan at putulin ang anumang suportang pulitikal sa armadong pakikibakang isinusulong ng BHB sa kanayunan. Nilalaman nito ang red-tagging, pagtatayo ng kampo sa mga pusod ng komunidad, sarbeylans, pagpapalipad ng drone, paglulunsad ng pakitang taong palugaw, pagpapagupit, pamamahagi ng relip, iligal na imbestigasyon, pagpapasuko at harasment sa mga lider at kasapi, paglulunsad ng mga pagtitipon o forum sa mga komunidad o barangay halls para manakot at manghati Pinangungunahan ang mga ito ng mga CMO Units ng lahat ng brigada tulad ng Task Force Ugnay-202nd CMO at karaniwang kasabwat ang mga pam-probinsyang komand ng PNP, mga lokal na pamahalaan, kakutsaba at tiga-sulsol din ang mga halang ang kaluluwang mga diumanong nagpapakilalang mga dating NPA. Tinarget ng mga ganitong operasyon ang mga komunidad ng mga magsasaka, mga pabrika at komunidad ng mga manggagawa, mga eskwelahan ng mga kabataang estudyante at iba pang lugar saanman may umuusbong na organisadong lakas at paglaban ang mamamayan o kung wala ay mga lugar na pinaplano ng papet at burukrata kapitalistang estado na pagtayuan ng dayuhang mina, plantasyon, renewable energy projects at mga proyektong ekoturismo.

Mga pagsulong na nakamit ng kilusang pagwawasto sa larangan ng armadong pakikibaka at malalaki pang kailangang halukayin upang makapagwasto’t makapagpalakas

Sumusulong, lumalawak at lumalalim ang kilusang pagwawasto sa mga organo ng Partido na namumuno sa mga yunit ng BHB at mga larangang gerilya sa rehiyong TK. Ang mga ito ang nanguna at nagtala ng pinakamasiglang resulta ng kampanyang pag-aaral sa nakaraang dalawang taon. Daan-daang bugso at libu-libo ang napagtapos na mga kasapi ng Partido at mandirigma ng BHB sa mga araling itinakda ng kilusang pagwawasto. Pangunahin sa mga araling ito ang mga dokumento ng una at ikalawang dakilang kilusang pagwawasto tulad ng Iwasto ang mga pagkakamali at muling buuin ang Partido, Partikular na Katangian ng Digmang Bayan, Mahigpit Nating mga Tungkulin, Muling pagtibayin ang mga saligang prinsipyo at iwasto ang mga pagkakamali at Manindigan sa sosyalismo, laban sa modernong rebisyunismo. Dagdag ang pag-aaral sa Saligang Batas ng Partido, Programa sa pambansa-demokratikong rebolusyon at lahat ng mga inilabas na mahahalagang memorandum ng Komite Sentral at Komiteng Rehiyon. Naisagawa din ang pag-aaral sa mga espesyal na aralin na mahalaga sa pagwawasto tulad ng Iwaksi ang burukratismo, kumandismo at liberalismo (BUKOL), Hinggil sa Empirisismo at kaugnay ng Repormismo, NGOismo, Ekonomismo at Legalismo.

Nanguna rin ang mga Komite ng Partido na namumuno sa BHB at mga larangang gerilya sa paglulunsad ng paglalagom sa kanilang praktika. Lahat ng mga organo ng Partido sa mga subrehiyon at probinsya, maging sa mga larangang gerilya ay matagumpay na naisagawa ang kanilang mga komprehensibong paglalagom ng kanilang rebolusyonaryong praktika sa nakaraang limang taon. Pinatalas ng mga paglalagom na ito ang anim na taong panrehiyong paglalagom sa larangan ng pagsusulong ng armadong pakikibaka at pakikipaglaban sa kampanyang supresyon ng kaaway. Alinsunod dito, matalas na nailunsad ang mga pamumuna at pagpuna sa sarili ng mga kadre at kasapi, maging ng mga pulang kumander at iba pang opisyal ng BHB sa kanilang mga pagkukulang at pagkakamali sa pamumuno sa armadong pakikibaka.

Muling isinaayos ang organisasyon ng Partido at BHB at magiging direksyon ng kilusang pagwawasto at kabuuang gawaing rekoberi. Naglunsad ng mga pagsasanay upang itaas ang kahandaan sa taktika at teknik sa paglulunsad ng opensiba at depensibang aksyon.

Nagawa natin ang mga unang mapagpasya at matagumpay na hakbang sa gawaing rekoberi at pagpapalawak ng rebolusyonaryong baseng masa. Bahagi ng pakikipagitgitan sa kaaway, muli nating nabalikan ang ilang mga lugar na naiwan sa nakaraan at naisagawa ang panimulang gawaing rekoberi at reaktibasyon sa mga ito. Muling nalikha ang ugnayan sa masa at sa signipikanteng bahagi ay muling naitayo at napagana ang mga lokal na sangay ng Partido, mga rebolusyonaryong samahang masa at mga yunit milisya. Pinatagos sa lokalidad ang inilulunsad na pambansang kilusang pagwawasto ng Partido. Nilagom ang praktika sa pagsusulong ng rebolusyon sa lokalidad laluna sa nakaraang pitong taong nakalipas. Taos sa pusong tinanggap ng mga lokal na organisasyon ng Partido, kasama ng mga lokal na kadre at lider masa ang kilusang pagwawasto at sa signipikanteng bahagi ay mapagpakumbabang pinuna ang kanilang sarili sa sabi nila’y sarili din nilang bahagi sa kakulangan at pagkakamaling pamunuan ang masa sa paglaban sa kaaway.

Natatangi ang nagpapatuloy na pinasisiglang programa sa integrasyon at pakikipamuhay sa BHB at masang magsasaka sa kanayunan ng mga aktibista at kasapi ng rebolusyonaryong kilusang lihim mula sa kalunsuran. Hindi bababa sa katumbas na laking platun na mga pwersa mula kalunsuran ang matapang at mapangahas na nakipamuhay sa mga yunit ng BHB sa rehiyon. Hindi nang mga ito inalintana ang panganib na dulot ng mga operasyong militar ng kaaway. Naging paaralan sa mga pwersa mula kalunsuran ang mga araw ng kanilang pakikipamuhay sa BHB at masang magsasaka. Dahil dito, higit na lumalim ang kanilang gagap sa digmang bayan, laluna sa armadong pakikibaka at halaga ng pag-aambag dito. Ilan sa kanila ay nagpasyang maging pultaym na mandirigma ng BHB.

Karaniwan nang napasusuong ang BHB sa buhay-at-kamatayang pagharap sa malakihan at matagalang opensiba ng kaaway. Sa malaking bahagi, matagumpay na napasusuntok sa hangin at pinagod nang husto ng mga Pulang mandirigma ang bata-batalyong pwersa ng kaaway na nagsagawa ng mga nakapokus na operasyon upang pinsalain ang BHB. Sa mga labanang hindi naiwasan, ipinamalas ng BHB ang kanyang mataas na kapasyahan at kakayanang isagawa ang aktibong depensa. Sa anim na labanang naganap ngayong unang kwarto ng 2025 sa mga probinsya ng Rizal, Occidental at Oriental Mindoro, matagumpay na naisagawa ng BHB ang aktibong pagdepensa sa limang pagkakataon at naitransporma naman sa taktikal na opensiba ang isa pa. Sa lahat ng ito, nakapinsala sa kaaway ng 8 killed in action (KIA) at 9 na wounded in action (WIA) o kabuuang 17 na katumbas ng maliit na platun. Samantala, wala ni isa mang malubhang pinsala sa panig ng BHB na hindi lamang organisadong nakapanlaban kundi organisado ring nakaatras.

Naging inutil ang paggamit ng kaaway ng minimum na 3 heligunship (kumbinasyon ng blackhawk at cobra attack helicopter), mga drone at karaniwang laking batalyong pwersang pantugis sa mga yunit ng BHB na kanilang nasagupa. Mga sibilyan, kanilang komunidad at sakahan ang napinsala nang magsagawa ang mga ito ng teroristang akto ng walang habas na pambobomba at pamamaril mula sa himpapawid at sa lupa.

Wastong nagamit ng BHB sa kanyang bentahe ang paborableng kalupaan at pagtiyak ng alertadong bantay dahilan para magawa ang unang putok laban sa lumalapit na kaaway, wastong teknik sa pamumutok at organisadong paglaban ng bawat elemento’t pormasyon ng BHB alinsunod sa paggana ng kumand ng yunit.

Nagamit din ng BHB ang bentahe ng pagkabisa sa kalupaang paglalabanan at atrasan sa bawat pinipili niyang pwestuhan at ang suporta ng mamamayan upang epektibong maisagawa ang planong pandepensa at ang ligtas na maniobra sa pag -atras. Epektibong naging taktika ang simbilis ng kidlat sa pag-atras upang kumawala sa bilog ng atake ang mayor na pwersa ng BHB, pagiging lubhang malihim at makilos, taktikang gawing walang bisa ang kaalaman at lakas ng kaaway at angkop na pleksibilidad at paggamit ng praktikal na mga solusyon sa kinakaharap na mga balakid at pagtuklas ng bagong kaparaanan at palagiang paglikha ng dagdag na mga punto ng inisyatiba.

Dahil sa mga tagumpay nating ito, napaliit natin ang mga pinsala kumpara noong mga nakaraang taon at sa gayo’y napreserba ang sapat na armadong lakas upang maging puhunan sa pagpupunyaging makapagpanibagong sigla at lakas.

Ganonman, sa kalahatan, nasa yugto pa din lamang tayo ng pagsisimulang palawakin at palalimin ang kilusang pagwawasto sa larangan ng pagsusulong ng armadong pakikibaka, pagtatayo ng BHB, pagsusulong ng rebolusyong agraryo at pagtatayo ng baseng masa. Marami at malalaki pa ang kailangan nating gawin upang magtagumpay sa pagwawasto at pangingibabaw sa tumagal at nakaugalian nang mga maling istilo ng pamumuno at paggawa. Praktikal na suliranin kung paano alisan ng bisa ang malakihan at di naglulubay na nakapokus na operasyon ng kaaway upang iwasan ang mga pinsala habang patuloy na nakakagampan ng epektibong gawaing pampulitika ang mga yunit ng BHB at organo ng Partido. Bagamat umabante na ng malaki ang kampanyang edukasyon, kalakhan sa mga ito ay sa hanay ng mga pultaym na kasapi lamang. Malaking tungkulin pa ang pagpapalawak ng kampanyang edukasyon sa hanay ng mga kadre at kasapi ng Partido sa lokalidad. Dagdag pa, kailangan pang palalimin ang pagwawasto ng mga kadreng nagpapatuloy na hindi kritikal sa sariling pagkakamali, bagkus ay pagtatakpan pa ang mga ito sa paghahanap ng pagkukulang ng iba.

Makapal, tumigas at maganit na umiiral ang konserbatismo at pasibidad kapwa sa gawaing masa at gawaing militar. Malaking kapos pa ang pagsasakatuparan ng taktika ng tatlong opensiba: opensiba sa pagpapalawak, pulitika at militar na inilinaw sa mga tungkulin sa pahayag sa ika-55 anibersaryo ng BHB ng Komiteng Rehiyon sa Timog Katagalugan.

Bagamat umabante na ang gawaing rekoberi, mabagal pa ito at kinakailangan pa nating pabilisin, pasiglahin at palawakin. Naobserbahan ang mekanikal at malaking kakapusan sa mas malalim na pag-aaral at pag-unawa sa rebolusyonaryong kasaysayan ng mga eryang nirerekober at nirereaktiba upang swabeng idugsong ang gawaing masa sa kasalukuyang yugto ng rebolusyonaryong pagsulong. Nakita ang mekanikal na pagbabalik sa hakbang-hakbang na pag-oorganisa mula kontak hanggang pagtatayo ng GSM, gayong sapat pa ang mga mabubuting elementong pwedeng pagsimulan upang agad nang itayo ang mas mataas na antas ng rebolusyonaryong samahang masa at organisasyon ng Partido batay sa dating inabot na sa lugar bago ang mga ito maiwanan ng Partido at BHB. Bukod dito, nagpapatuloy ang kakapusan sa maagap na pagkumpleto ng panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri (PPST-PSU/SICA) upang sapulin ang kasalukuyang kalagayan at tunggalian ng mga uri sa mga eryang sinasaklaw at gamiting batayan sa pagtatakda ng linya’t taktika sa gawaing masa at gawaing militar. Nauulit at hindi pa mabaklas-baklas na praktika’t kaparaanan ang paisa-isa, istruktural at mekanikal na pagtatayo ng rebolusyonaryong organisasyong masa at kawalan ng kampanyang anti-pyudal at iba pang lokal na pakikibakang nailulunsad upang magsilbing langis at gasolina sa pagpapasigla ng gawaing pag-oorganisa at kabuuang rebolusyonaryong kilusang masa, laluna ng rebolusyonaryong kilusang magsasaka.

Naobserbahan din ang maagap na pagkampante sa tuluy-tuloy na pagpapalawak at pagpapalalim ng baseng masa. Nagkakailan ang nasapatan at agad na namamaborito na sa makitid na eryang iilang baryong panimulang narekober, nareaktiba at nakonsolida. Dahil dito, kahimat may isang antas ng lalim ang narekober na baseng masa, madaling magasgas at masunog ang lubhang makitid na eryang nakikilusan at ang naistabilisang rebolusyonaryong lakas ng mamamayan. Maliit ang bilang ng naorganisang masa, naitayong sangay at mga yunit milisya at maliit din ang bilang ng napapasampang pultaym na mandirigma ng BHB. Titingkad ang malaking kakulangang ito sa panahon ng mga pagdagan ng nakapokus na operasyon ng kaaway kung saan naging bulnerableng target ang mga yunit ng BHB, maging ang iilang baseng masa sa mga pag-atake at pangwawasak ng kaaway. Napansin din ang pag-iral ng dati nang natukoy na konserbatibong praktika sa gawaing masa kung saan itinatali sa antas ng pagpapamilyarisa sa kalupaan at pagbubuo ng mapagkakatiwalaang kontak ang mga nakadetats na malaligal na pangkat mula sa mainbody, imbes na agad ng bigyan sila ng tungkuling buuin sa GP o KP o pansamantalang KB (depende sa inabot na antas ng organisasyon at pagkilos ng masa sa lugar) ang mga nasa batayang saray na napatunayang mapapagkatiwalaan at nakahandang pumaloob sa mga rebolusyonaryong organisasyong lihim, alinman ng magsasaka, kababaihan, kabataan at katutubo.

Lubhang nakababahala ang nagpapatuloy at papalalang pag-iral ng sakit na tinatawag na konserbatismo-pasibidad militar ng signipikanteng mga yunit ng BHB sa rehiyon. Habang naisagawa ang matatagumpay na aktibong pagdepensa, kitang-kita ito sa kawalan ng naiputok na taktikal na opensiba sa nakaraang minimum na isang taon. Mayroon pang mga yunit ng BHB na hindi nakapaglunsad ng taktikal na opensiba ng halos tatlong taon na o lampas pa. Sa kabila ito ng tuluy-tuloy na panawagan at mga atas ng Komite Sentral, Komiteng Rehiyon at ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon na maglunsad ng matatagumpay na taktikal na opensiba ang BHB ayon sa kanilang kakayanan.

Naobserbahan ang tuluy-tuloy na pasibong praktika ng lantay na pag-atras ng ilang mga yunit ng BHB bilang pakikitungo sa mga nakapokus na operasyon at mga operasyong pangwawasak ng base. May ilang yunit na nagawang patuloy na iabante ang mga gawain kahit na tinutugis ng kaaway o di kaya’y napasubo sa depensiba. Mayroon namang dahil sa takot na muling mapalaban o masayting, humahantong sa “pagtatago” na tumatagal ng ilang panahong walang gawaing masa at maging ang gawaing konsolidasyon sa pwersa sa panahong “nagtatago” ay hindi na nakasasapat at tumutungo na sa labis-labis na takot sa kaaway. Malaking kapos sa epektibong plano sa paglulunsad ng taktikal na opensiba bilang bahagi ng posturang aktibong depensa, impluwensyahan ang sitwasyon at gamiting bentahe para sa BHB. Walang epektibong TO na nagparusa sa mga sagad-saring taksil at kaaway ng mamamayan sa nakaraang mga buwan at taon.

Sa pinakamalalang mga komite at yunit na nagtataglay nito, papasok na sa sakit ng takboismo/flightism ang tumagal nang sakit na ito ng konserbatismo-pasibidad. Malaking pagkaparalisa ng gawaing pampulitika ng mga yunit ng BHB sa mahaba-habang panahon ang epekto nito sa mga imbweltong yunit. Naobserbahang may ganit ang pagwawasto dito dahil sa lubhang tumigas na maling kaisipan at praktikang dala-dala ng ilang pangunahing opisyal militar. Matagalang epekto nito ang pagbaba nang husto ng kasanayan ng BHB sa paglulunsad ng mga matatagumpay na taktikal na opensiba ayon sa kanilang kakayanan at lokal na sirkumstansya. Ang kawalan ng matagumpay na taktikal na opensiba ang isa sa mayor na dahilan ng pagka-uk-ok ng lakas at moral ng BHB at may epektong pagtamlay at malaking pagkabawas ng kumpyansa ng BHB sa kanyang sarili mismo, maging ng rebolusyonaryong kilusang masa at mamamayan sa kanilang hukbong bayan.

Dagdag pa. kailangang palalimin pa ang pagwawasto sa maluwag na pagtangan sa linyang masa. Malaking kapos pa ang mga pagsisikap upang maisakatuparan ang pakikidigmang gerilya ng masa, ang opitmisasyon sa kapangyarihan ng mga yunit milisya at armadong lakas ng mamamayan upang isulong ang digmang bayan. Kailangang sapulin na ang digmang bayan ay digmang isinusulong ng aping uri sa lipunang Pilipino at upang lumakas at magtagumpay, kailangan ang malawak at malalim na suporta at partisipasyon ng aping mamamayan sa digmang ito. Anumang katiting na layunin at tungkulin sa digmang bayan ay mabibigo kung mabibigo tayong itaas ang kahandaan at kapasyahan ng masa na lumahok sa digmang bayan.

Nararapat na puntiryahin ang mga ito ng matalas na paulit-ulit na paglalagom, kilusang edukasyon, pamumuna at pagpuna sa sarili sa balangkas ng kasalukuyang kilusang pagwawasto hanggang tuluyang mapangibabawan at muling makamit ng BHB ang opensibang diwa at inisyatiba sa pakikidigma. Sa diwa ng paglalagom ng mga komite, nararapat ding lagumin ang perpormans ng ating mga kadre, opisyal at mandirigma. Magsikhay sa walang sawang paggabay at pakikipagtunggali’t pakikipagkaisa sa kanila. Sa ilang mga sadyang tumigas na at ayaw ng magwasto, huwag panghinayangang alisin sila sa kanilang tungkulin, ilagay sila sa angkop na tungkulin at gawain at mapangahas na ibigay ang responsibilidad sa mga seryoso at pursigidong elemento. Kailangan ang paulit-ulit na paglalagom, kampanyang edukasyon at pamumuna at pagpuna sa sarili upang at hanggang ganap na maalis ang kumapal at tumigas na kalawang ng konserbatismo-pasibidad, na tumungo na sa takboismo sa ilang bahagi ng BHB sa rehiyon na hindi lamang nagsisilbing pabigat sa ating mga balikat kundi nagiging dahilan para hilahin tayo sa seryosong pag-atras at kapag hindi naiwasto ay maaaring tumungo sa estratehikong pag-atras ng digmang bayan sa mga susunod na panahon.

Ugat nito ang suhetibismong petiburgis na pagkatakot sa kinakailangang sakripisyo, kagipitan at kamatayan; ang lubhang pagpapalaki sa lakas ng kaaway at pagmenos sa superyuridad ng lakas ng rebolusyonaryong pwersa’t mamamayan. Ugat din nito ang maling kaisipan ng pasibong pagtatanggol, imbes aktibong pagtatanggol at pagdepensa sa loob ng estratehikong pag-ensirkulo ng kaaway. Ugat din nito ang maluwag na paghawak sa linyang masa sa anyo ng pag-asa sa pisikal na tereyn imbes na sa di-magagaping organisadong rebolusyonaryong lakas ng masang api.

Ugat din nito ang mababaw na pagkaunawa sa linya ng bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyon, sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan sa pamamagitan ng pagkubkub sa kalunsuran mula sa kanayunan at sa taktikal na linyang militar na pagsusulong ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya na umaani ng papalawak at papalalim na baseng masa at suporta ng mamamayan. Kaakibat nito, ugat din nito ang katamaran at kakampantehan ng ilang kumander ng BHB at mga kadre ng Partido sa masusi, madetalyado at pagiging matiyaga na aralin at kilalanin ang patuloy na nagbabagong kalagayan ng kaaway upang hanapin ang mga nakabukas na bulnerabilidad ng mga ito upang siyang targetin ng mga taktikal na opensiba ng BHB.

II. Magpunyagi sa landas ng digmang bayan

Kailangang magpunyagi ang Bagong Hukbong Bayan na isulong hanggang tagumpay ang bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas gaanuman ang kahirapang kailangang daanan upang magtagumpay sa estratehikong landas na ito. Ito lamang ang tanging solusyon upang ibagsak ang malakolonyal at malapyudal na sistemang pinaghaharian ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo, ang ugat ng kahirapang dinaranas ng sambayanang Pilipino. Sa kagyat na mga taon, nararapat na itutok ang tulis at talas ng matagalang digmang bayan sa paglalantad, paglaban hanggang pagbabagsak sa papet at burukrata-kapitalistang rehimeng US-Marcos II.

Sentral na tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan ang mahigpit na pagtangang isulong ang armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan na may estratehikong linyang kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan. Sa pamamagitan lamang nito magkakaroon ng kakayanan ang sambayanang Pilipino na wasakin at durugin ang AFP-PNP, pati ang reimporsement na armadong pwersa ng US bilang mga gulugod ng marahas na paghahari ng papet na estado at sa gayo’y kamtin ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Kung walang armadong pakikibaka at walang malakas na hukbong bayan, walang kalaban-laban ang sambayanan sa kaaway na armado hanggang ngipin at sa gayo’y habampanahong mapapasailalim sila sa mapang -alipin, mapagsamantala at mapang-aping paghahari ng imperyalismong US at kanilang mga lokal na kasabwat.

Kaya nga sinasabi ng dakilang Tagapangulong Mao Zedong na: ang kapangyarihang pampulitika ay nagmumula sa dulo ng baril at kung walang hukbong bayan, wala ni anuman ang mamamayan. Mahigpit ang tangan dito ng dakilang Tagapangulong Amado Guerrero kaya nga’t maagap na itinayo sa pangunguna niya ang BHB upang isulong ang armadong pakikibaka sa Pilipinas. Anya pa, “Sa ating bayan, pakikipaglaro ng tanga ang maghabol sa ilang pusisyon sa reaksyonaryong parlamento nang wala namang sariling hukbo. Anumang oras gustuhin ng kaaway na baguhin ang sistema ng laro, halimbawa’y ang konstitusyon, magagawa nila ito na ang mamamayan ang mapeperwisyo.”

Matagalang digmang bayan ang katangian ng armadong pakikibaka sa Pilipinas. Estratehikong linya nito ay kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan. Inilulunsad natin ito sa maliit at mabundok na kapuluan ng ating bansa. Hindi ito ipinilit ng suhetibong kagustuhan ni JMS at ng iba pang pinuno ng Partido. Obhetibong itinakda ang estratehiyang ito ng pagiging malakolonyal at malapyudal ng Pilipinas. Tulad ng karanasan ng matagumpay na rebolusyong Tsino at Byetnames, sa mga bayang kolonyal, malakolonyal, pyudal at malapyudal, maaari nang agad na simulan ang armadong pakikibaka at itayo ang pulang kapangyarihan sa kanayunan kahit nakatayo pa sa kalunsuran ang kapangyarihan ng imperyalismo at lokal na reaksyon. Sa pamamagitan ng hakbang-hakbang na pagsulong ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng baseng masa, kukubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan sa isang mahabang panahon ng pag-iipon at pagpapanday ng rebolusyonaryong lakas.

Ipinapahintulot ito ng pagkakaroon ng populasyong magsasaka na nakikibaka para lumaya sa pyudal at malapyudal na pagkaalipin ng mga panginoong maylupa at malalaking burgesya-kumprador sa di hamak na malawak na kalupaan ng kanayunang atrasado at kung saan pinakamahinang kawing ang kapangyarihan at lakas ng reaksyon. Doon, matatransporma ang mga pinakaatrasadong bahagi ng kanayunan tungong moog ng pulang kapangyarihan pampulitika kung saan pinakamalakas ang Partido, BHB at rebolusyonaryong mamamayan.

Ito lamang ang wastong estratehikong linya upang tiyaking sustinidong makakapagpalakas ang BHB at rebolusyonaryong pwersa hanggang tagumpay.

Nagsisimulang maliit at mahina ang BHB habang malaki at malakas ang armadong pwersa ng papet na estadong todo pa ang suporta ng imperyalismong US. Kahangalang isabak sa estratehikong sagupaang mapagpasya sa estratehiya ang maliit at mahina pang BHB at rebolusyonaryong pwersa dahil tiyak ang agad na pagkadurog at pagkatalo ng rebolusyong Pilipino. Ito ang kahangalang ginawa ng pamunuang Lava-Taruc sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan noong 1948 na nangarap kamtin ang tagumpay sa loob ng dalawang taon. Inulit ang pagkakamaling ito noong dekada otsenta sa linya ng estratehikong kontra-opensiba sa pamamagitan ng adelantadong regularisasyon ng BHB kakumbina ng insureksyong lunsod.

Kinailangang unti-unting magpalakas ang BHB mula maliit tungong malaki at mula mahina tungong malakas at na kailangang dumaan sa tatlong estratehikong yugto: una, estratehikong depensiba kung saan di hamak na mas malaki at malakas pa ang kaaway at kung gayon ay angkop na pakikidigmang gerilya ang pangunahing anyo ng pakikidigma. Taktikal na linyang militar sa yugto ng estratehikong depensiba ang paglulunsad ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan ng patuloy na lumalawak at lumalalim na baseng masa at suportang masa. Hawak nito ang saligang prinsipyo ng pakikidigmang gerilya ng pagpapalakas sa pamamagitan lamang ng paglaban. Ikalawa, estratehikong pagkapatas kung saan halos pantay na ang armadong lakas ng BHB at ng kaaway kung saan magsisimula ang regular na pakikidigmang makilos bilang pangunahing anyo ng pakikidigma, kakumbina ang pakikidigmang gerilya, at pangatlo’t panghuli, estratehikong opensiba kung saan di hamak na mas malaki at malakas na ang BHB kumpara sa lakas ng kaaway at inilulunsad ang regular na pakikidigmang makilos, regular na pakikidigma at kakumbina ng mga armadong pag-aalsa sa kalunsuran at mga sentrong kabayanan ay isinasagawa ang estratehikong opensiba upang kubkubin at ganap na durugin ang kaaway na nakakuta pa sa mga mayor na kampo at destakamento militar sa kalunsuran.

Pinakamahabang panahon ng pagpupunyagi at pag-iipon ng lakas ang estratehikong depensiba na may tatlong bahagi: maagang bahagi na nalampasan na nagsimula noong itatag ang BHB at nalampasan natin noong 1983, gitnang bahagi na ating kinukumpleto pa hanggang ngayon at abanteng bahagi na nais nating kamtin sa nagkakailan ng programa ng Partido. Sa katunayan, gumugol na tayo ng 56 na taon sa estratehikong yugtong ito ngunit hanggang gitnang bahagi pa lamang ang kasalukuyang inaabot natin. Nanganganib pa itong umatras sa unang bahagi kapag hindi natin matagumpay na napangingibabawan ang ating mga kamalian na dapat iwasto.

Dakilang aral sa ating karanasan na pinupwersa ng ating mga kahinaan at pagkakamali na mabalaho at o umatras ang digmang bayan, o pinakamalala tulad ng karanasan ng lumang Partido, maaari pang madurog at o malusaw ang armadong pakikibaka at naipong rebolusyonaryong lakas. Ang mga dinanas nating pag-atras sa panahon ng 56 na taong kasaysayan ng bagong tatag na Partido at BHB ay unang mayor na naganap noong dekada otsenta bunga ng ating paglihis sa mga saligang prinsipyo ng Partido, pagbaluktot sa linya ng digmang bayan alinsunod sa linya ng strategic counter offensive (SCO) sa pamamagitan ng regularisasyon cum insureksyun. Dinala ito sa Partido ng mga mapupusok at mainiping hindi nakapagpanibagong hubog na mga elementong peti-burgis na nais ishort cut ang tagumpay. Nagtagumpay ang IDKP, naiwasto ang mga pagkakamali. Dahil dito, nakamit ang walang kaparis na pagsulong ng digmang bayan hanggang 2005. Muling inuk-uk ang natipong lakas resulta ng IDKP dahil sa pag-iral ng empirisista suhetibistang pagkakamali sa ideolohiya, na nag-anyong kanang oportunismo sa pulitika pangunahin na ang pag-iral ng konserbatismo kapwa sa gawaing masa at gawaing militar at burukratismo’t liberalismo sa larangan ng organisasyon. Pinakamalalang hambalos sa Partido’t rebolusyon ng mga sakit na ito ay naganap mula 2018 hanggang 2023 kung saan dumagan ang walang kaparis na puting teror na pinakawalan ng magkakasunod na rehimeng US-Duterte at US-Marcos II.

Sa paglulunsad ng pambansang kilusang pagwawasto na nagsimula sa inilabas na pahayag sa ika-55 anibersaryo ng Partido noong 2023, itinakda na ng Komite Sentral ang estratehikong direksyon ng muling pagbawi ng lakas at pagsulong ng digmang bayan. Tungkulin ng kasalukuyang tangkas ng mga kadre at kasapi ng Partido at ng mga pulang kumander at mandirigma ng BHB na palalimin at palawakin ang kilusang pagwawasto at dalhin ito hanggang sa tagumpay. Nararapat na ibuhos ang lahat ng pagsisikap sa mapagpunyaging direksyong isulong ang digmang bayan, bawiin ang mga nawaldas na lakas at kamtin ang solidong pagpapalakas.

Isakatuparan ang tatlong sangkap ng digmang bayan

Sa pagwawasto ng BHB, nararapat na sa paraang synergistic, masigabong isulong ang tatlong sangkap ng digmang bayan: pagsusulong ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng base. Nangangahulugan itong magkaalinsabay nating isinusulong ang tatlong sangkap ng magkakumplementaryo, magkakaugnay at nagtutuwangan sa isa’t-isa. Ang pagsulong at paglakas ng pagsulong ng isa ay lumilikha ng paborableng kundisyon sa paglakas ng dalawa pang sangkap at sa gayon ay ibayong pagsulong at paglakas ng digmang bayan sa Pilipinas. Sa kabilang panig, ang paghina ng pagsulong at paglakas ng isa ay may epektong paghina at pag-atras ng dalawa pa at sa gayon ay ng gayon din sa kabuuang pagsulong at paglakas ng digmang bayan.

Palakasin at konsolidahin ang Partido at BHB

Kagyat na tungkuling itayo, palakasin at konsolidahin ang BHB bilang pangunahing organisasyong masa ng Partido na inaasahang pangunahing magsakatuparan ng mga tungkulin at gawain sa kanayunan batay sa mga tungkuling itinakda ng Partido sa kasalukuyang yugto ng kilusang pagwawasto. Nangungunang rekisitos dito ang konsolidasyon at pagpapalakas ng pamumuno ng organisasyon ng Partido sa loob ng BHB at mga larangang gerilya.

Kailangang itulak pa sa panibagong antas ng lawak at sigla ang kilusan at kampanyang pag-aaral sa hanay ng mga kadre, kasapi, opisyal at mandirigma ng BHB. Ikumbina ang pag-aaral sa teorya at praktika o ang kasabihang wastong pagpana sa target: ang teorya ang pana, ang target ay ang pagtumbok sa kamalian at pagwawasto, pagbubuo ng wastong kaparaanan ng pagtupad sa mga tungkulin para sa pagpapalakas ng Partido, BHB, armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at rebolusyonaryong baseng masa.

Gawing kaugalian ang paglalagom ng praktika at paghango ng aral mula sa mga ito upang itaas pa ang husay ng ating teorya’t kaalaman. Maging matapang sa matalas na pagpuna sa sariling mga kahinaan at pagkakamali habang matiyaga at rasonable sa pagpuna sa kahinaan ng iba.

Ikintal at isapraktika ang disiplinang bakal ng BHB alinsunod sa prinsipyong huwag gumawa ni anumang katiting na paglabag sa interes ng masa at sa tatlong saligang alituntunin at walong bagay na dapat tandaan ng BHB. Palagiang itaas ang makauring kamulatan ng BHB upang tiyaking malalim na nakaukit sa kanilang diwa ang kanyang tatak at katangian bilang hukbo ng sambayanang Pilipino at ng uring api.

Sa pamamagitan ng mga ito buuin ang higpit na pagkakaisa at disiplinang sintigas ng aserong bakal, gayundin ang kanyang walang hanggang katapangan at kabayanihan sa pagtupad sa mga tungkulin sa digmang bayan alinsunod sa kanyang katapatan sa Partido at adhikain nito.

Walang pagod na siyasatin at pag-aralan ang kalagayan ng masa at kanyang mga kaaway at sa pamamagitan nito hanapan ng kalutasang ang kanilang mga problema at kasama nila’y labanan ang kanilang kaaway. Sa linyang ito, likhain ang pinakamalapit at pinakamahigpit na ugnayan sa kanila.

Ang disiplina at pagkakaisang sintigas ng asero sa loob ng BHB at ang pinakamalapit at pinakamahigpit na ugnayan sa masa ang tunay na moog at likuran ng armadong pakikibaka na hindi kailanman magagapi ng kaaway.

Ilunsad ang masiglang kampanya ng pagpapasampa sa BHB kapwa mula sa pwersa at aktibista ng kanayunan at kalunsuran. Tiyaking pasado sa pamantayan ang mga bagong sampa: minimum na 18 taong gulang, malusog ang pangangatawan at pag-iisip at hindi lumpen-proletaryado. Gawin ito kasabay ng pagsigla kapwa ng gawaing rekoberi at rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran. Pasampahin sa BHB ang pinakamabubuting anak ng magsasaka, manggagawa, malamanggagawa at kabataang intelektwal. Muling pasiglahin ang pagdaraos ng mga pulong pagpapasampa sa lokalidad sa tuwing may sasampa mula sa kanilang lugar.

Itayo ang mga yunit ng BHB alinsunod sa wastong istruktura ng pwersang itinakda ng Partido sa kasalukuyang yugto ng estratehikong depensiba: 70-80 porsyento ay nasa horisontal na mga pormasyon sa mga larangang gerilya at 20-30 porsyento sa mga bertikal na pormasyon. Ito ang wastong istruktura ng pwersa sa pagsasakatuparan ng taktikal na linyang militar sa estratehikong depensiba na ilunsad ang malawak at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan ng nagpapatuloy na paglawak at paglalim ng baseng masa.

Gamit ang kumbinasyon ng mga pormasyong horisontal at bertikal, matalino at pleksibleng isakatuparan ang saligang kilos gerilya ng konsentrasyon, dispersal at napapanahong paglilipat-lipat ng pwersa. Nagsasagawa ng konsentrasyon ang BHB upang maglunsad ng taktikal na opensiba, konsolidasyon at upang palakasin ang kapasidad sa pagdepensa. Kumakalat ang BHB upang abutin ang malawak na masa at tupdin ang mga gawain at upang alisan ng nag-iisang nakapirming target ang kaaway. Napapanahong naglilipat-lipat ang BHB upang alisan ng nakapirming target ang kaaway, maglaho sa isang lugar upang bumanat sa ibang lugar na hindi inaasahan at upang likhain ang mas malawak at malalim na baseng masa.

Lutasin ang kakapusan sa lakas pamutok. Pangunahing asahan ang pagpapalitaw mula sa mga taktikal na opensiba. Dito kunin ang mga matataas na kalibreng sandata para sa BHB. Hawakang ipagpatuloy ang tradisyon na ginagawang armory ng sandata ng BHB ang pasistang AFP-PNP. Makatarungan lamang na agawin at kumpiskahin ng BHB ang mga sandatang binili mula sa buwis ng mamamayang Pilipino upang gamitin sa pagtatanggol sa kanilang pambansa-demokratikong interes. Sekundaryong asahan ang pagpapalitaw ng lakas pamutok mula sa masa, alyado at kaaway sa uri. Maglunsad ng kampanya sa pag-iipon ng lakas pamutok mula sa organisadong pwersa sa kanayunan at kalunsuran. Ikumbina ang ating mga ripleng awtomatik, masinggan at grenade launcher sa lokal na mga sandata na makukuha sa lokalidad tulad ng gawang de sabog, .22 na riple, mga granadang mula sa mga lokal na pasabog at iba pa.

Pagkunutan ng noo paano gawing inutil ang whole of nation approach, win hold win at sustained operations strategy ng kaaway; gayundin ang mga taktikang one on one, heartland at mga triad operations ng mga nakapokus na operasyon at mga operasyong pangwawasak ng base. Pag-aralan ng mas malalim ang kasalukuyang kalagayan, antas ng pag-unlad sa taktika at teknika ng kaaway, maging ang kanilang moral. Pagkunutan ng noo paano gawing inutil ang mga modernong kagamitan at sandata ng mga pasista tulad ng jetfighters, attact helicopters, drones at iba pa. Hanapin ang bulnerableng bahagi ng mga ito at targetin ng mga opensiba ng BHB.

Gawing sistematisado, rehimyentado at praktikal ang pagsasanay militar kaakibat ng pagsigla ng edukasyong pampulitika sa loob ng mga yunit ng BHB. Pagtapusin ang lahat ng mga mandirigma ng BHB ng Batayang Kursong Militar, ang lahat ng mga opisyal ng Batayang Kurso para sa mga Opisyal ng BHB at ng Abanteng Kursong Militar ang lahat ng mga kumander mula probinsya’t subrehiyon, rehiyunal at pambansang antas. Muling ibwelo ang pagpapasigla at pagpapatapos sa mga kinauukulang mga mandirigma at opisyal ng mga espesyalisadong kasanayang militar tulad ng paniktik, medikal, ordnans, komunikasyon, pinansya, isnayping, blasters, kumando atbp. Tiyaking ang bawat mandirigma ay may kanyang maipagmamalaking kasanayan sa pakikipaglaban sa kaaway na maaari niyang maipagmalaki at ambag sa kanyang yunit sa paglulunsad ng opensiba at depensibang aksyon.

Kaakibat nito, tiyakin ang mataas na literasiyang pampulitika ng lahat ng mga mandirigma ng yunit ng BHB. Regular na kolektibong pag-aralan ang nilalaman ng Ang Bayan, Kalatas, mga lokal na dyaryo, maging ang mga inilalathalang aklat ng rebolusyonaryong sining at panitikan. Arawang ilunsad ang balitaan upang palagiang tiyaking sariwa ang kaalaman ng mga mandirigma sa mga maiinit na usaping pambayan at internasyunal. Pasiglahin pa ang mga pangkulturang aktibidad sa napasigla at naging institusyon ng Kapehan sa rehiyon. Gamitin ang mga okasyong ito upang mabilis na ipalaganap ang mga aral ng abanteng karanasan, pagkaisahin ang buong yunit sa napapanahong tungkulin at gawain, idaos ang pulong karaingan at talakayin at ilantad ang krimen ng kaaway sa rebolusyonaryong pwersa at masa.

Padalasin ang pagdaraos ng mga kumperensyang militar at pampulitika upang mabilis na ipalaganap ang mga abanteng praktika at pagkaisahin ang BHB sa mga tungkulin at gawaing itinakda ng Partido sa bawat panahon.

Umugat nang mas malalim sa masa

Pangunahing gamit ang organisasyon ng BHB katuwang ang mga lokal na organisasyon ng Partido at mga aktibistang masa, nararapat nating ilunsad ang matatagumpay at masisiglang gawaing rekoberi at pagpapalawak ng rebolusyonaryong baseng masa sa mga larangang gerilya. Agad na lagumin ang praktika ng gawaing rekoberi sa nakaraang dalawang taon. Iangkop ang mga kaparaanan batay sa nagbagong kalagayan sa mga larangan. Ilunsad ang mga kumperensya sa gawaing masa at gawaing rekoberi.

Layunin natin sa gawaing rekoberi na muling itayo at paganahin ang mga lokal na organisasyon ng Partido, rebolusyonaryong organisasyong masa, maging kanilang mga yunit milisya, depensa at pananggol sa sarili na alinman sa nanamlay, hindi na gumana o winasak ng pag-atake ng kaaway. Bukod dito, layunin din ng ating gawaing rekoberi ang pagpapalawak ng rebolusyonaryong baseng masa sa mga lugar na hindi pa epektibong naaabot ng gawaing masa sa nakaraang panahon. Walang tigil na palawakin ang rebolusyonaryong baseng masa at mga larangang gerilya at ipundar ang lakas sa lahat ng bahagi ng kanayunan: interyur, tabing kalsada at highway hanggang poblasyon, maging sa tabi ng mga syudad; bundok, bulubunduking kapatagan at kapatagan, pamayanan sa tabing ilog, lawa at dagat.

Sa gawaing rekoberi-reaktibasyon, magsimula sa tiyak na maaasahan at nakahanda pang mga elemento, kahit 1 hanggang 3 lamang sila. Mula dito, mabilis na ugnayan ang iba pang maasahan, kumbinsihin sila sa muling pagsisimula ng rebolusyonaryong pagkilos sa kanilang lugar. Kapag nakapagtipon ng sapat (minimum na 3 kasapi ng Partido at SOM) maaari nang itayo ang panimulang mga organisasyon na magsasakatuparan ng tungkulin at magiging katuwang ng Partido at yunit ng BHB sa gawaing rekoberi at pagpapalawak sa lugar. Itayo ang organisasyon ng Partido at organisasyong masa sa antas na inabot ng pagkilos sa lugar at iwaksi ang mekanikal at matigas na pagsunod sa hakbang-hakbang na pag-oorganisa.

Susing usapin na agad lagumin ang rebolusyonaryong kasaysayan ng lugar upang sapulin ang mga tagumpay at kabiguan, ang mga kamalian at kalakasan ng Partido at BHB kapwa sa lokalidad at pultaym na yunit gerilya ng BHB. Agad na pagkaisahin ang mga kasapi at masa sa pag-aaral kaugnay sa kilusang pagwawasto at paglalagom ng Partido. Gamiting papel sa pagtalakay ang nilalaman ng pahayag ng Partido sa 56th at 55th anibersaryo, ganondin ang sariling paglalagom ng Partido sa rehiyon sa papel na Ampatin. May popular na bersyon ito at kinakayang ibigay sa loob lamang ng 3 oras. Sa karanasan, epektibong epektibo ang pag-aaral at paglalagom na ito upang patagusin sa mga kasama sa lokalidad ang aral ng ating kagyat na mga taon ng kasaysayan.

Mula sa mga panimulang tagumpay, ibayong pasiglahin ang gawaing edukasyon, propaganda at kultura sa mga lugar na nirerekober, nirereaktiba at pinagpapalawakan. Tiyaking maitayo ang paaralang PADEPA at paaralang JMS, maging ang mga grupo at team sa propaganda ng mga organisasyong masa at kanilang mga grupong pangkultura. Muling irebyu ang pag-aaral sa MKLRP at pasiglahin ang pag-aaral sa Kurso para sa mga Aktibista. Ang lumalalim na kamulatan ng masa ang magpapanday sa kanyang tatag at husay sa matagalang pagtupad sa mga tungkulin sa rebolusyon ngayon at sa hinaharap.

Sa gawaing rekoberi-reaktibasyon, maging sa gawaing pagpapalawak, susi ang agad na pagkumpleto ng panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri at agad na magawa ang mga plano sa lokal na kampanya at pakikibakang masa batay dito. Ilunsad ang pakikibaka alinsunod sa interes ng masa at sa kanilang kakayanan, gamit ang angkop na mga depensibong organisasyon na kakatawan sa kanila. Panghawakan na agad na makapagpanalo ng lokal na laban ng masa at o paglutas sa kanilang mga kinakaharap na suliranin. Sa pamamagitan nito, matitiyak nating mapapabilis ang kabuuang gawaing rekoberi at muling pagpapasigla ng rebolusyonaryong kilusang anti-pyudal at kabuuang rebolusyonaryong kilusang masa sa mga larangang gerilya. Ang pakikibakang antipyudal at iba pang pakikibakang masang tumutugon sa interes ng masa ang antidote (kontra-lason) ng anumang kampanyang supresyon at terorismo ng kaaway. Hanggat ipinaglalaban natin ang interes ng masang magsasaka para sa lupa, kabuhayan at karapatan, mapapawalang bisa natin ang anumang kampanyang pangwawasak at demonisasyon ng kaaway sa Partido, BHB at rebolusyong Pilipino. Anumang pamamasista’t panunupil na gagawin ng kaaway sa lumalakas na pakikibakang masa ay lalu lamang maglalantad sa kanilang pagiging kontra-mamamayan at maghahawan ng daan sa lalung paglakas ng Bagong Hukbong Bayan at armadong pakikibaka.

Kaugnay nito, nararapat na ilunsad ang malawakang kampanyang anti-pyudal kabilang ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagtataas ng sahod ng manggagawang bukid at pagpawi sa usura. Mahigpit na panghawakan ang pakikibakang anti-pyudal alinsunod sa mga mayor na pananim sa rehiyon kabilang ang palayan, niyugan, maisan, sagingan, pangisdaan, gulayan, prutasan atbp. Pamalagiang bahagi ng kampanya ang pagpapataas ng produksyon at kooperasyon sa mga larangang gerilya, ganondin ang pangangalaga sa kapaligiran at paglaban sa pinsalang dulot ng mga kalamidad. Integral na bahagi nito ang paglaban sa mapangwasak sa kapaligirang mga proyekto ng papet na estado laluna ang mga malakihan at dayuhang mina, plantasyon, renewable energy projects, pagpapalit gamit ng lupa atbp. Ilunsad ang mga kampanya ng pagtatanggol sa mga tagumpay sa pakikibaka sa lupa na nakamit na ng rebolusyonaryong kilusan sa nakaraang 56 na taong pagsulong.

Kasabay ng mga yunit ng BHB, bumuo ng mga pangkat sa gawaing rekoberi, reaktibasyon at pagpapalawak mula sa mga lokal na kadre at kasapi ng Partido at mga aktibistang masa upang abutin ang mas malawak pang mga baryo at bayan sa saklaw ng mga larangang gerilya. Ikumbina ang iba’t-ibang mga anyo ng organisasyon at pagkilos para magawa ito: armado at di armado, lihim at hayag, iligal at ligal na mga kaparaanan. Anuman, gawing isang pangmasang pagkilos ang kabuuang gawaing rekoberi-reaktibasyon-pagpapalawak sa bisa ng mga lokal na kampanya at pakikibakang masa sa tuwirang pangangasiwa at direksyon ng mga komiteng larangan at komiteng seksyon ng Partido.

Batay sa mga nakamit na mga tagumpay sa gawaing rekoberi-reaktibasyon at pagpapalawak, mailalatag ang mga kundisyon upang muling maitayo ang mga balangay ng rebolusyonaryong samahang masa sa antas ng baryo, bayan, interbayan hanggang mga distrito’t probinsya, gayundin ang mga sangay, komiteng seksyon hanggang mga komiteng distrito na mga organo ng Partido. Sa ganito, maitatayo ang mga katapat na mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika sa antas ng baryo, bayan, distrito at probinsya.

Ilunsad ang mga taktikal na opensiba laban sa mga pangunahing kaaway ng mamamayan!

Dapat na ilunsad ng BHB ang mga matatagumpay na taktikal na opensiba laban sa mga pangunahing kaaway ng mamamayan ayon sa kanilang kakayanan. Bilang tanging hukbo at armadong pwersa ng sambayanan, dakilang tungkulin ito ng BHB. Dapat niya itong maisagawa saan man siya nandoon at anuman ang antas ng kanyang lakas. Sa pagsasakatuparan ng tungkuling ito sa paglaban, mabubuo ang kumpyansa’t tiwala ng sambayanan sa BHB bilang kanyang kaisa-isa at tanging hukbong nakikipaglaban sa katarungan, kalayaan, demokrasya at sosyalistang hinaharap.

Kailangang tugunin ng BHB ang sigaw ng paghahanap ng katarungan ng sambayanang Pilipino, laluna ang masang magsasaka, manggagawa, malamanggagawa, mga katutubo, kababaihan at kabataan sa sinapit nilang pang-aapi ng kaaway, laluna ng armadong pwersa ng papet na estado at ng mga panginoong maylupa. Ilampung libo ang biktima ng Oplan Tokhang ng rehimeng US-Duterte. Ilang milyon ang biktima ng kontra-rebolusyonaryong gyera ng rehimeng US-Duterte na ipinagpapatuloy ng rehimeng US-Marcos II. Ilang milyon ang biktima ng gyera laban sa mamamayang Moro. Milyun-milyong magsasaka ang biktima ng pangangamkam ng lupa ng malalaking kumprador-panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalista, kasabwat ang kanilang mga armadong tauhan.

Sa kasalukuyang antas na nagrerekober ang hukbo sa rehiyon at buong bansa, dapat nating bigyan ng timbang ang lawak at saklaw, relatibo sa igting at laki ng mga TO sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya. Sa panahon na ito ng pagbawi at pagpapalakas sa panahon ng estratehikong depensiba, dapat bigyang-diin natin ang paglulunsad ng mas marami at mas kalat na mga taktikal na opensiba (atritibo at anihilatibo) at pagdusahin ang pasistang kaaway sa napakaraming “kagat ng hantik” sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, at pana-panahong patamaan ang ulo. Kailangang ikumbina din ang mga pili ngunit maimpak na mga espesyal na operasyong inilulunsad natin sa lunsod at malalaking sentrong bayan sa ating saklaw.

Dapat bigyang-prayoridad ang pagtarget, pagdisarma, pagbuwag at pagparusa sa mga yunit na umaatake at lumiligalig sa mga base at sonang gerilya, sumusupil sa mamamayan, at kilala sa kalupitan at kasamaan. Dapat na mabilis na maparusahan ang mga sagad-saring kaaway ng rebolusyon na may malalaking kriminal na pagkakasala sa masa at rebolusyonaryong kilusan, mga taksil sa rebolusyon, at mga upisyal militar na utak sa malubhang paglabag sa karapatang-tao, extra-judicial killings, enforced disappearances, tortyur, rape, masaker kabilang ang kanilang mga birador. Dapat ding targetin ang mga pwersang nagbabantay, ang mga pasilidad at operasyon ng mga imperyalista at malaking kumprador na mga mina, plantasyon at negosyong mandarambong, mangangamkam, sumisira sa kabuhayan ng masa at nagwawasak sa kapaligiran; gayundin ang mga sindikatong kriminal na lumiligalig sa mga mamamayan at komunidad. Ilan sa dagdag sa mga ito ang operasyong pangangamkam ng lupa ng mga dayuhan at lokal na agro-korporasyon, kumpanya ng pagtotrosong pang-eksport, kumpanya sa real estate (negosyo sa lupa at gusali) at katulad na mga empresa.

Dapat ding supilin ang mga kontrarebolusyonaryong nanggugulo at nananabotahe sa mga base at sonang gerilya. Bigyan ng prayoridad ang pagtarget sa mga yunit ng AFP-PNP at iba pang armadong tauhan at bantay ng pangkating Marcos at Duterte at ang kanilang pinakamalalapit na kroni.

Paunlarin ang inter-larangan, inter-teatrong gerilya, rehiyunal, interrehiyunal na pagplano at koordinasyon ng mga kampanya at operasyon upang matapang na paigtingin ang pakikidigmang gerilya sa pamamagitan ng pagmaksimisa sa latag at sinsin ng hukbo at ang tuwiran at di-tuwirang pagtutulungan ng iba’t ibang pwersang gerilya.
Bigyan ng partikular na pansin ang pagbubuo at pagpapalakas ng makinarya at gawaing paniktik sa lahat ng antas at ang pinakamalawak at sistematikong pagpapakilos ng masa sa gawaing paniktik.

Palawakin at pasiglahin ang mga operasyong partisano upang bigwasan, guluhin at parusahan ang kaaway sa mga syudad at mga pangunahing linya ng komunikasyon at transportasyon.

Pasiglahin at pabulasin ang pakikidigmang gerilya ng masa

Pakilusin ang masa upang tupdin ang mga tungkulin sa pagsusulong ng digmang bayan, laluna sa pagsusulong ng armadong pakikibaka laban sa kaaway. Dapat niyang gampanan ang mga gawain sa pagsuporta sa likuran, paniktik, panlalansi sa kaaway at iba pa. Kaakibat nito, nararapat niyang gampanan ang mga gawain sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa kaaway alinsunod sa kumpas at direksyon ng mga kumand sa operasyon ng mga larangang gerilya at mas nakatataas pang kumand.

Ilunsad ang kampanya upang pasiglahin ang pakikidigmang pasabog na ginagampanan ng mga yunit milisya at armadong pangkat ng masa laban sa mga pasistang walang tigil na nanliligalig at nandarahas sa masa. Mayor na tungkuling dapat ibigay sa masa ang pagtitiyak na maging kilusang masa ang kampanyang rekoberi, reaktibasyon at pagpapalawak ng rebolusyonaryong baseng masa. Sa pamamagitan nito, mailalatag ang di-nagmamaliw na suportang masa para sa armadong pakikibakang inilulunsad ng BHB.

Palakasin at palawakin ang mga larangang gerilya

Ang pagsulong at paglakas ng gawaing rekoberi sa pamamagitan ng pagpapalakas ng tatlong sangkap ng digmang bayan ay nakadireksyon sa pagtatayo, pagpapalakas at pagpapalawak ng mga larangang gerilyang mayroong laking kumpanyang pwersa ng BHB na sumasaklaw ng 3-5 munisipalidad. Upang ganap na mapahinog ang gitnang bahagi ng estratehikong depensiba at makatungo sa abanteng bahagi, kinailangang makamit sa pambansang saklaw ang 170 larangang gerilyang laking kumpanya.

Kaugnay nito, kailangan nating bawiin ang alinman sa nawalang mga larangang gerilya at muling palakasin ang mga humina sa nakaraang pitong taong pagsulong. Ang mga larangang gerilya ang pundasyon ng rebolusyonaryong lakas ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa buong bansa. Ito ang nagsisilbing likuran ng sumusulong na digmang bayan. Sa gayon, nararapat nating ibigay ang ganang kaya para sa pagtatayo, pagpapalakas at pagpapalawak ng mga larangang gerilya sa ating rehiyon bilang ambag sa kabuuang pagsisikap sa pambansang saklaw.

Palakasin pa ang di napuputol na suportang pulitikal, tauhan at lohisitika sa BHB at mga larangang gerilya ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran

Upang sustinidong lumakas ang digmang bayan sa kanayunan, esensyal at kinakailangan ang malakas at di napuputol na suportang pulitikal, tauhan at lohistika ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran. Nararapat na pabulwakin ng Partido ang pinakamaraming mga kadre, kasapi at aktibistang masa na nagnanais makipamuhay sa kanayunan at BHB at nagnanais maging kasapi ng BHB at gumampan ng mga tungkulin sa digmang bayan. Nararapat na ibandila ng Partido sa kalunsuran ang pagiging makatarungan, makatwiran at pangangailangan ng pagsusulong ng armadong pakikibaka at pagkalinga’t pagsuporta sa BHB. Ilunsad ang malawakan at sustinadong paglulunsad at paglalarga ng lihim na propaganda tulad ng paglalabas ng mga pahayag ng ibat-ibang command, OD-OP, balatengga at ibat-ibang tipo ng ug props sa ibat-ibang plataporma. Nararapat na agresibong isagawa ang mga gawain ng pagtatanggol sa mga larangang gerilya ng Partido’t BHB sa harap ng walang awat na pag-atake ng kaaway. Nararapat na ipadala ang pinakamaraming tulong na kagamitang militar at iba pang lohistika para sa BHB. Nararapat na ilatag ang pinakamalawak at pinakamalalim na network ng rebolusyonaryong kilusang lihim para sa mga piling operasyong partisano ng BHB sa kalunsuran. Sa ganito lamang, maaaring tuloy-tuloy na lumakas ang BHB at sumulong ang armadong pakikibaka mula sa kasalukuyang antas hanggang sa kasunod na yugto ng mas mataas na pagsulong.

Isagawa ang gawaing pampulitika sa hanay ng kaaway

Nararapat na isagawa ang gawaing pampulitika sa hanay ng kaaway laluna sa kanilang mga karaniwang sundalo at nakabababang opisyal bilang bahagi ng tungkulin ng BHB na lansagin ang kaaway. Layunin nitong malakas na kontrahin ang anti-komunista, anti-rebolusyonaryo, anti-mamamayan, kolonyal at pasistang indoktrinasyong ikinikintal ng imperyalismong US at lokal na naghaharing uri sa kanilang hanay. Layunin din nitong imulat ang pinakamaraming elemento sa kanilang hanay upang akapin ang pambansa-demokratikong adhikain ng Partido, BHB at sambayanang Pilipino. Nasa tradisyon ito ng Lt. Crispin Tagamolila Movement.

Malaking mayorya ng mga karaniwang sundalo ng kaaway ay nagmula sa uring magsasaka, manggagawa at malamanggagawa, maging mula sa nakabababang peti-burgesyang lunsod. Sila iyong dahil sa dinadanas na kahirapan at desperasyong isalba ang pamilya sa karukhaan at pagdausdos ng pamumuhay ay kumapit sa patalim ng pagiging mersenaryo. Ipinanrarahuyo sa kanila ang malaking sahod at benipisyo na lampas pa sa karaniwang sahod ng manggagawa at maging ng mga guro at karaniwang kawani, kahit pa mangahulugan ito ng pagkapako sa napakababang sahod ng mamamayan at pagkaltas ng malaki sa badyet para sa serbisyong panlipunan. Nililinlang sila ng papet na estado na ang kanilang ipinagtatanggol at pinagbubuwisan ng buhay ay para sa interes ng bayang Pilipinas gayong ang katotohanan ginagamit lamang sila upang supilin ang pakikibaka at interes ng pinanggalingang aping uri bilang tagapagtanggol ng imperyalismong US at mga kumprador-panginoong maylupa’t burukrata kapitalista sa Pilipinas.

Karamihan sa kanila ay nagmula sa mga pamilyang magsasaka sa mga larangang gerilya ng BHB na ang signipikanteng bilang ay naging bahagi at nakinabang sa mga tagumpay sa pakikibaka sa lupa at ng rebolusyong agraryo at rebolusyonaryong kilusang masa. Sila ang pinakamalapit na agad na maaaring abutin ng gawaing pampulitika ng BHB.

Signipikanteng bahagi ng kanilang hanay ay nasusuka sa paggamit sa kanila upang isakatuparan ang extra-judicial killlings, walang habas na pamamaril at pambobomba sa komunidad at sakahan ng mga magsasaka at katutubo, iligal na pagpapasuko, maging mga panggigipit at pandarahas sa mga mamamayang nakikibaka para sa lupa, sahod, trabaho at karapatan. Nararapat na abutin ng gawaing pampulitika ang kanilang hanay.

Nararapat na patuloy na isakpraktika at mahigpit na isakatuparan ng BHB ang saligang disiplina nitong huwag pagmalupitan ang bihag. Gamiting pagkakataon ang bawat nabibihag na kaaway upang isakatuparan ang gawaing pampulitika sa kanilang hanay. Kailangang ipakita ang pagiging makatarungan ng digmang bayan at ng armadong pakikibakang isinusulong ng BHB kabaliktaran ng hindi makatarungang digma na isinasakatuparan ng AFP-PNP laban sa sambayanang Pilipino.

Palakasin ang gawaing internasyunal para sa pagsuporta sa armadong pakikibaka sa Pilipinas

Nararapat na pasiglahin ang gawaing internasyunal upang ibandilyo ang pagiging makatarungan ng digmang bayan sa Pilipinas at kunin ang lahat ng kakayaning suportang pulitikal, tauhan, pinansya at materyal para dito. Bagamat hindi ito ang magpagpasya sa pagtikwas ng labanan pabor sa rebolusyong Pilipino, may buti itong idudulot upang pabilisin ang ibayong paglakas at pagdadala sa tagumpay ng matagalang digmang bayan. Napakapaborable ng sitwasyong ito laluna’t nasa sampung porsyento ng populasyon sa Pilipinas ay nasa ibayong dagat. Dagdag pa, namamayani sa kasalukuyan ang kaguluhang pandaigdig na inuupatan at pinapuputok ng imperyalismong US at lumalakas ang anti-imperyalistang paglaban sa buong mundo. Nararapat, pasiglahin ang mga kampanyang “cherish the NPA” at magbuo ng ibat-ibang porma ng suportang grupo mula sa mga OFW at pamilya nila.

Sa pagwawasto sa mga internal na kamalian, sa pag-ugat ng mas malalim sa masa, sa mahigpit na pagtangan sa baril at matagalang digmang bayan, sa pagiging matapat sa absolutong pamumuno ng Partidong tanging nagtataglay ng wastong linya sa ideolohiya, pulitika, militar at organisasyon at sa gitna ng pagbulusok sa kapangyarihan ng US at walang kaparis na krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, nakatitiyak tayong makababawi’t makakapagpanibagong sigla’t lakas ang Partido, BHB, armadong pakikibaka at kabuuang rebolusyonaryong killusan sa rehiyon at bansa. Kakamtin ng matagalang digmang bayan at ng kabuuang pambansa-demokratikong rebolusyon ang walang kaparis na pagsulong sa mga darating na panahon. Iambag natin ang ganang kaya ng ating rehiyon sa direksyon ng pagsulong na ito.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas (MLM)!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Palawakin at palalimin ang kilusang pagwawasto! Umugat nang mas malalim sa masa! Magpunyagi sa landas ng digmang bayan!