Panagutin ang mga ganid na korporasyon at inutil na estado sa trahedyang dulot ng dambuhalang mina!

,

Nakikiisa ang NDFP-ST sa malakas na pananawagan ng hustisya para sa mga biktima ng sakuna ng pagguho ng lupa sa Masara, Maco, Davao de Oro noong Pebrero 6 na nagresulta sa pagkasawi ng halos 100 at pagkapinsala ng higit 5,000 mamamayan. Dagdag pasakit ang naranasang trauma at pagkawasak ng kanilang mga tahanan at ari-arian.

Dapat mabatid ng sambayanang Pilipino na operasyon ng malalaking mina ang pangunahing sanhi ng trahedya. Hindi ito maaaring palampasin at dapat panagutin ang mga interes sa likod ng mina at ang reaksyunaryong estado sa pagkawala ng mga buhay at pagkawasak ng mga komunidad at ng kapaligiran.

May mabigat at pangunahing pananagutan ang kasalukuyang kumpanyang nag-oopereyt sa lugar, ang Apex Mining Corporation na pagmamay-ari ng mga burgesya kumprador sa pangunguna ni Enrique Razon. Bago ito ay higit tatlong dekada nang pinagpasasaan ng mga dayuhang kumpanya ang reserbang ginto at iba pang mineral dito. Nag-umpisa itong pasukin ng mga kumpanya sa mina sa ilalim ng diktadurang US-Marcos. Bilyun-bilyong piso na ang kinita ng mga kumpanya samantalang nananatiling napakahirap ng buhay ng mga pambansang minorya at magsasaka sa lugar. Barat din ang sahod ng mga manggagawa sa minahan na dumaranas ng kalunus-lunos na kalagayan sa paggawa. Katunayan, isa sa dahilan kaya maraming manggagawa ang nasawi ay ang walang awa at iresponsableng utos ng kumpanya na ituloy ang trabaho kahit na malakas at tuloy-tuloy na buhos ng ulan at delikado sa pagguho ang pook-paggawa.

Malinaw na panlilinlang ang pagpepresinta ng estado sa trahedya sa Maco bilang likas na sakuna na resulta lamang ng pagbabago ng klima para ilihis ang sisi sa mga tunay na may pananagutan. Bukod sa open-pit na pagmimina, nagta-tunnel din ang kumpanya. Itinaas ng mga aktibidad na ito ang risgo ng pagguho ng lupa sa bahaging ito ng Mindanao na dati nang idineklarang geohazard. Kaya nga’t mula nang minahin ang lugar, naging karaniwan ang mga sakuna. Nagkaroon na ng malalang pagguho ng lupa rito noong 2007 at 2008 na puminsala at ikinasawi rin ng mga residente.

Dapat ding singilin ang estado sa paglilingkod nito sa interes ng mina sa Davao de Oro at sa buong Mindanao. Pinahintulutan na nga ang mga korporasyon ng mina na dambungin ang mga kabundukan, ipinakat pa nito ang mga sundalo’t pulis upang supilin ang mamamayang lumalaban para palayasin ang malakiha’t mapaminsalang mina mula sa kanilang lupain. Ang mga pasistang tropa ng AFP ang salarin sa nagkakailang kaso ng pagpaslang sa mga lokal na lider at residente, pambobomba mula sa himpapawid at mga pang-aatake sa komunidad. Lahat ng ito ay binigyang-matwid sa tabing ng “panunugis sa NPA” kahit na pulos sibilyan ang target ng mga atrosidad. Tumindi ang mga krimen kasabay ng pagpasok at pagsisimula ng operasyon ng Apex Mining nina Razon sa panahon ng rehimeng B.S. Aquino at rehimeng Duterte.

Kailanman, hindi makatitindig ang inilalakong ilusyon ng estado na giginhawa ang bayan sa pamamagitan ng mga dayuha’t malalaking mina. Kahirapan, pagdambong sa likas na yaman, kapahamakan at kamatayan ang hatid nito sa mamamayan, hindi kaunlaran. Sa mga erya ng pagmimina sa Timog Katagalugan, lalong nasadlak sa hirap at mga sakuna ang masang magsasaka at katutubo. Hanggang ngayon, pinagdurusahan ng mamamayan ang delubyong dulot ng pagbulwak ng dam ng mina sa Marinduque. Matinding pagbaha naman na nagdisloka sa libu-libong pamilya at tuluy-tuloy na pagkasira ng mga kabundukan ang kapalit ng pagbubukas ng mga minahan sa Timog Palawan.

Makatarungan ang panawagan na itigil ang mapandambong at mapaminsalang pagmimina sa bansa. Kailangang kumilos ang taumbayan upang igiit ang hustisya para sa mga biktima ng pagguho ng lupa sa Maco at iba pang sakunang dulot ng mina. Dapat unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan, hindi ang pagkaganid sa tubo ng iilan. Kailangang maghanda at magpakatatag sa pakikibaka sa harap ng pasismo lalo’t napatunayan nang protektor ng mga gahaman ang AFP-PNP at reaksyunaryong gubyerno. Hindi naiiba rito ang kasalukuyang rehimen ni Marcos Jr. na nauna nang nanikluhod sa industriya ng mga dambuhala’t dayuhang pagmimina upang manlimos ng puhunan para sa kanyang bangkaroteng gubyerno.

Maaasahan ng bayan ang rebolusyonaryong kilusan sa paglaban sa pandarambong ng mga dayuhang kapitalista at kasabwat nilang burgesya kumprador sa yamang mineral ng Pilipinas at kaakibat nitong pagwasak sa kapaligiran. Ito ang dahilan kung bakit pinapatawan ng punitibong aksyon ng Bagong Hukbong Bayan ang mga lapastangan at sagadsaring kumpanya ng mina tulad ng Apex Mining. Itinataguyod din ng Demokratikong Gubyernong Bayan ang soberanong karapatan ng mga Pilipino na gamitin ang mga mineral, na milenya ang tagal ng panahon bago matipon, para sa tunay na pambansang industriyalisasyon.

Ang mapaminsala at nakamamatay na pagguho ng lupa sa Maco nitong Pebrero ay dagdag na kabanata sa masalimuot na kwento ng pang-aapi’t pagsasamantala sa mamamayan sa ngalan ng mina para sa interes ng dayuhan at lokal na mga naghaharing uri. Matutuldukan ito oras na mapasakamay ng mamamayan ang kapangyarihang pampulitika sa itatatag na demokratikong gubyernong bayan na magtataguyod ng makatao, maka-kalikasan at pambansang patakaran sa pagmimina. Dapat magpunyagi ang lahat ng makabaya’t demokratikong pwersa sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon upang makamit ang katarungan at mabigyang katuparan ang tunay na kaunlaran para sa bayan.###

Panagutin ang mga ganid na korporasyon at inutil na estado sa trahedyang dulot ng dambuhalang mina!