Panawagan sa ika-4 taon ng Bloody Sunday Massacre: Panagutin si Duterte, AFP at PNP!
Apat na taon na ang lumipas, nananatiling wala pa ring hustisya sa karumaldumal na Bloody Sunday Massacre na kumitil sa buhay ng siyam na aktibista at iligal na nagpiit sa anim na iba pa noong Marso 7, 2021. Hindi malilimutan ng bayan ang karumal-dumal na krimeng ito lalo’t malayang namamayagpag hanggang ngayon ang mga utak at salarin ng Bloody Sunday Massacre na sina Rodrigo Duterte, Debold Sinas at Antonio Parlade Jr.
Ang Bloody Sunday Massacre ay iniresulta ng COPLAN ASVAL, isang koordinadong operasyon na isinagawa ng mga pwersa ng PNP CALABARZON at Southern Luzon Command sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Pinaslang dito sina Manny Asuncion sa Cavite; mag-asawang Chai Lemita Evangelista at Ariel Evangelista sa Batangas; at magpinsang Randy at Puroy dela Cruz, Mark Lee Bacasno, Melvin Dasigao, magkapatid na Edward at Abner Esto sa Rizal. Kasabay nito, dinakip sina Esteban Mendoza, Elizabeth “Mags” Camoral at Nimfa Lanzanas sa Laguna at Eugene Eugenio, Joan Ignacio Efren at Victor Grego sa Rizal. Ang lahat ng biktima ay pawang mga aktibista at kasapi ng iba’t ibang progresibong organisasyon na nakikibaka para sa karapatan ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, maralitang lungsod at pambansang minorya. Sila ay tinarget ng teroristang estado upang lumikha ng terror effect sa hanay ng mga demokratikong pwersa at pigilan ang pagkilos ng mamamayan.
Naganap ang Bloody Sunday Massacre matapos ang pagsasabatas ni Duterte ng Anti-Terror Law na naglayong supilin ang demokratiko at ligal na pakikibakang masa. Kaakibat ng pagsasabatas ng ATL ang pagbubuo ng Anti-Terror Council na nagsagawa ng red-tagging spree upang palabasing lehitimo at karaniwan ang pagpatay ng mga pinaparatangang “terorista.” Partikular sa Bloody Sunday Massacre, kinasangkapan din ang mga hukom kagaya ni Judge Villavert upang magmanupaktura ng mga warrant of arrest na magbibigay ng manipis na ligal na bihis sa operasyon. Ang pang-aatake sa mga ligal na organisasyon at mga aktibista ay parte ng kontra-rebolusyonaryong gera na nakabalangkas sa US counterinsurgency guide.
Sa nakalipas na mga taon, nagpatupad ang estado ng moro-morong imbestigasyon at paglilitis sa Bloody Sunday Massacre. Mula sa rehimeng US-Duterte hanggang sa kasalukuyang rehimeng US-Marcos II, pinatunayang huwad ang ginawang imbestigasyon sa Bloody Sunday Massacre dahil sa pag-abswelto sa kasong pagpatay ng mga pulis at sundalo na sangkot sa krimen. Pinakamasaklap pa ang epekto nito sa mga kaanak at biktima rin ng krimen kung saan binaligtad ng reaksyunaryong korte ang testimonya ni Liezel Asuncion, asawa ni Manny at mismong testigo sa pagpatay. Ibinasura rin ang mga ebidensya sa pagpaslang sa mag-asawang Chai at Ariel. Nabigyang promosyon pa si Judge Villavert kahit napatunayang iligal ang paglabas niya ng warrant laban sa mga biktima dahil labas ito sa kanyang saklaw. Lalong pinatutunayan nitong buktot ang hustisya ng estado na nakakiling sa interes ng naghaharing uri at kumukunsinte sa mersenaryong pwersa.
Sa kabila ng mga pangyayari, nananatiling matatag ang mga kaanak ng mga biktima at grupong makatao na singilin at papanagutin ang mga utak at salarin sa likod ng BSM. Kapuri-puri ang ipinamamalas na determinasyon ng mga kapamilya ng mga biktima ng Bloody Sunday Massacre para igiit ang hustisya. Naghain ng apela ang mga kaanak nina Manny, Chai at Ariel para muling dinggin ang kaso. Samantala, nakalaya si Nimfa at naghain ng kontra kaso (countercharge) sa mga pwersang iligal na nang-aresto sa kanya. Ipinagpapatuloy nila ang laban sa harap ng panggigipit at panunupil ng estado. Nagsisilbing inspirasyon ito sa iba pang biktima ng paglabag sa karapatang tao upang ipagpatuloy ang pakikibaka para sa hustisya, demokrasya at tunay na kalayaan.
Higit na kailangang paigtingin ang laban para sa hustisya sa mga biktima ng Bloody Sunday Massacre at iba pang krimen ng estado. Dagdag na armas ang hatol ng International People’s Tribunal na maysala ang imperyalismong US at sina Duterte at Marcos sa mga paglabag sa karapatang tao sa panahon ng kanilang administrasyon. Anumang maniobra at tuluy-tuloy na pasistang pang-aatake ang gawin ng estado, dapat manatiling matatag na nakikibaka ang mamamayang Pilipino para isakdal at papanagutin si Duterte bilang pinuno ng AFP at PNP na nagpahintulot sa Bloody Sunday Massacre at iba pang kaso ng pagpatay.
Samantala, ipinagpapatuloy ng rehimeng US-Marcos II ang pasismo sa imbing pangarap na makapanatili sa poder. Lalo nitong sinasariwa ang sakit at pait sa mga kaanak ng biktima ng Bloody Sunday Massacre at iba pang paglabag sa karapatang tao. Sa gitna ng lagim ng estado, nananawagan ang NDFP-ST sa mamamayang Pilipino na sumalig sa nagkakaisang lakas upang igiit ang hustisya. Marapat na konsolidahin ang hanay at magpunyagi sa pambansa demokratikong pakikibaka upang labanan ang laganap na kultura ng impyunidad at punitin ang takot sa dibdib.