Paninikil sa mga kritiko, desperadong hakbang ni Masbate Gov. Kho para makapanatili sa kapangyarihan

,

Malinaw na si Gov. Antonio Kho ang nasa likod ng pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa mga lokal na midya ng Masbate na sina Ram Aguilar Sison, Benja Gigante, Jay Legazpi Alfaro at mga tumatayo ring information officers ng kani-kanilang LGU na sina Fel Monares at Peter Corpus. Kinasuhan sina Sison at mga kasamahan matapos na ireklamo ng kanilang media organization na Masbate Quad Media Society si Kho sa kasong plunder (pandarambong) at malversation (pagdispalko ng pondo).

Sa halip na matapat na harapin ni Kho ang mga alegasyon ng korupsyon at pandarambong laban sa kanya, panunupil ang tugon ni Kho upang patahimikin ang kanyang mga kritiko. Sa kasong ito, malinaw na nilabag ng kampo ni Kho ang karapatan sa malayang pamamahayag ng naturang mga midya. Masahol, ni-Redtag ang naturang mga mamamahayag batay sa akusasyong sila ay mga kasapi ng New People’s Army.

Tiyak na hindi titigil si Gov. Kho hangga’t hindi napapatahimik ang mga kritiko at tumututol sa kanyang maanomalya, tiwali, gahaman at despotikong paghahari sa Masbate. Mula sa inosenteng magsasaka, karibal sa pulitika at maging sariling tauhan, walang pinipili ang karahasan ni Kho sa desperasyong makapanatili sa kapangyarihan. Nasa haligi ng pagkagahaman ni Kho ang mga militar, pulis at iba pa niyang armadong tauhan upang maghasik ng takot at supilin ang pagkakaisa ng mga Masbatenyo.

Bilang rebolusyonaryong organisasyon ng mga kagawad ng sining, literatura at ng mga nagtataguyod ng malayang pamamahayag, binibigyang pagkilala ng ARMAS-Masbate ang paninindigan nila Sison at mga kasamahang midya. Sa kabila ng malinaw na panganib sa kanilang buhay at propesyon, hindi sila tumiklop sa mga banta at sa halip ay nagpatuloy silang ilantad ang katotohanan para sa interes ng mga Masbatenyo.

Sa kasalukuyang sitwasyon kung saan nagiging kasangkapan ang midya para baluktutin ang impormasyon at katotohanan, dapat tularan ng iba pang kagawad ng midya sina Sison at mga kasamahan sa paggigiit sa kanilang karapatan bilang mamamahayag at karapatan bilang mamamayan ng Masbate.

Ang matapang na pagreklamo nila Sison ay inspirasyon sa mga kapwa Masbatenyong biktima ng pang-aapi para sila rin ay tumindig at magpakatapang na ilantad ang mga nangyayaring abuso at korapsyon sa ilalim ng paghahari ni Kho at ng militar. Ang mga nanindigang ilantad ang kabulukan ni Kho ay patunay na walang makahahadlang sa mamamayang determinadong magkaisa at lumaban.

Kaugnay nito, nananawagan ang ARMAS-Masbate sa mga Masbatenyo na buuhin ang pinakamalapad na pagkakaisa upang patuloy na ilantad ang kabulukan ng dinastiyang Kho at labanan ang kanilang tangkang habampanahon na magpakasasa sa poder.

Hinihikayat din ng ARMAS-Masbate ang lahat ng kagawad ng midya sa prubinsya na magbuklod bilang iisang tinig at organisasyon para sa mamamayan. Sa kasalukuya’y reyalidad sa prubinsya ang pagkakawatak-watak ng iba’t ibang asosasyon ng midya dahil sa sinusuportahang pulitiko, interes, paninindigan at isyu. Mas masahol ang mga midyang nagiging kasangkapan ng disimpormasyon, panlilinlang at pang-aabuso ng militar. Dapat tandaan ng mga kaibigan natin sa midya na ang propesyon at karapatang tinatamasa nila upang makapagpahayag ay utang natin sa pakikibaka ng mamamayan para sa demokrasya at kalayaan. Hindi totoong walang pinapanigan ang midya: sa mamamayan dapat at tanging sa mamamayan lamang, ang kanilang katapatan.##

Paninikil sa mga kritiko, desperadong hakbang ni Masbate Gov. Kho para makapanatili sa kapangyarihan