Unang kaso ng pagpaslang sa mga magsasakang Masbatenyo sa ilalim ng rehimeng Marcos II tanda ng pagpapaigting na gera kontra magsasaka sa probinsya

,

Sukdulan na ang utang na dugo ng 2nd IBPA sa mamamayang Masbatenyo. Dinukot at pinatay ng mga tropa ng Charlie Coy, 2nd IBPA ang mga magsasakang sina Mario Esparaguerra at Renante Capareño sa So. Guintariban, Brgy. Piña, San Jacinto, Isla ng Ticao, Masbate madaling araw ng Agosto 19. Tulad ng gasgas nang pakana ng militar, pinalabas ang dalawang biktima bilang NPA na napatay sa engkwentro.

Ang pagpaslang kina Esparaguerra at Capareño ang unang kaso ng pampulitikang pamamaslang sa Masbate sa ilalim ng rehimeng Marcos II. Senyales ito na hindi bibitawan ni BBM ang pagpuntirya sa probinsya bilang pokus ng kanyang gera kontra magsasaka. Patunay dito ang kasalukuyang mga operasyong militar sa ilang lugar na target ng kampanyang pang-aagaw ng lupa ni Marcos. Lalong nalalantad ang huwad na maka magsasakang postura ng Marcos Jr. bilang bahagi ng kanyang pasista at neoliberal na rehimen.

Subalit nagkakamali si Marcos Jr. at ng AFP-PNP-CAFGU sap ag-aakalang mananaig ang paghahari ng terorismo at takot sa Masbate. Sa araw-araw na pagtindi ng brutalidad at abusong militar lalong namumulat ang mamamayang Masbatenyo na makakamit lamang ang katarungan sa pamamagitan ng rebolusyonaryong paglaban.

Nananawagan ang rebolusyonaryong kilusan sa Masbate sa mga kaanak, kakilala at sa lahat na mamamayan sa Ticao na lumahok sa paglalantad sa krimen ng militar at ipanawagan ang hustisya para sa dalawang biktima. Hinahamon din ng JRC-BHB Masbate ang mga bagong halal na opisyal ng probinsya na patunayan ang kanilang katapatan sa mamamayang pinangakuan nilang pagsisilbihan at tumulong na panagutin ang 2nd IBPA sa naturang pasistang krimen.

Tanging sa pamamagitan lamanng ng digmang magsasaka mabibigo ang gera kontra magsasaka ng rehimeng Marcos II. Panata ng JRC-BHB Masbate na ipagtanggol ang masang Masbatenyo sa pasismo ng rehimeng Marcos II at panagutin ang militar at pulis sa kanilang mga krimen. Ang mga matagumpay na aksyong militar sa isla ng Ticao at sa lupang Pecson sa Cawayan, Masbate ngayong ikalawang linggo ng Agosto ay pagpapakita sa kapasyahan ng mga pulang soldados san pobre na samahan ang mamamayan laluna ang masang magsasaka sa pakikibaka para sa kanilang lupa, karapatan at buhay.#####

Unang kaso ng pagpaslang sa mga magsasakang Masbatenyo sa ilalim ng rehimeng Marcos II tanda ng pagpapaigting na gera kontra magsasaka sa probinsya