Panukalang pagsusuri sa kurikulum ng bansa, huli na nga, kapos pa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nang unang ipanukala ang paglipat ng bansa sa sistemang K-12 sa edukasyon noong 2010, maagap na nagpahayag ng kanilang mga pagtutol ang mga akademiko, eksperto, mga estudyante at kanilang mga magulang. Anila, liban sa hindi matutugunan ng K-12 ang kakulangan sa kalidad ng edukasyon, mag-aanak pa ito ng samu’t saring suliranin. Ngunit nagbingi-bingihan ang gubyerno at ipinatupad pa rin ang naturang plano. Ngayon, matapos ang pitong taon pa lamang na pagpapatupad ng K-12, hindi na maipagkaila kahit ng mismong pamahalaan na sadyang problematiko at batbat ng kahinaan ang naturang sistema. Kung kailan ilang batses na ng mga estudyanteng Pilipino ang nagdusa sa ilalim ng K-12 tsaka naman kunwaring pag-aaralan ng rehimen ang kurikulum.

Ang ipinapanukalang pagrebyu sa K-12 curriculum ay dapat ginawa bago pa ito isinabatas at ipinatupad. Kung noon pa man ay pinakinggan na ang opinyong publiko hinggil sa usapin disinsana’y hindi patung-patong na problema ang dagdag-pasanin ngayon ng sektor ng edukasyon. Ilan lamang sa mga suliraning ilinuwal ng K-12 ang paglobo ng bilang ng mga nakatapos na walang trabaho o kaya ay napupunta sa low-level jobs, pagliit ng bilang ng mga propesyunal, pagsirit ng halagang kailangan para makapag-aral at kaakibat na paglaki ng bilang ng walang pormal na edukasyon, pagkakatanggal ng maraming mga guro at edukador at pagbaba ng kalidad ng kurikulum at mga asignatura.

Hindi lamang huli ang pinalulutang ngayong pagrebisa sa naturang kurikulum kundi sadyang kapos. Hindi sapat na solusyon sa mga suliranin sa sektor ng edukasyon ang mga paimbabaw na pagbabago sa isang sistemang patuloy lamang na magdadala ng sala-salabat na problema. Ang pagpapanukala ng rehimeng US-Marcos na magkaroon ng mga pagbabago sa kurikulum ay pagpapasimple sa mga pundamental na problema ng edukasyon. Kahit pa gawing K-10+2 ang kurikulum, hindi tataas ang kalidad ng edukasyon at kakayahan ng mga estudyante hanggat nakabatay ang sistema ng edukasyon sa pagpapaluwal ng mga gradweyt na balon ng murang lakas-paggawa at nakatuon sa pagpapalaganap ng kaisipan at gawing alipin. Laluna ngayon na pursigidong itinutulak din ni Sara Duterte bilang kalihim ng DepEd ang pangingibabaw ng kontrol-militar sa naturang sektor.

Naninindigan ang NDF-Bikol na ang pagpapataas ng kalidad ng edukasyon ay karugtong ng pagbabago ng sistemang panlipunan. Hanggat nananatiling malakolonyal at malapyudal ang sistema, walang kundisyon upang magkaroon ng isang tunay na pambansa, syentipiko at makamasang edukasyon na siyang tunay na kailangan ng lipunang Pilipino. Sa buong bansa, tanging sa mga lugar at komunidad na itinatatwa na ang bulok na sistema, mayroon nang mga binhi ng pulang kapangyarihan at umiiral ang rebolusyonaryong pamamahala nabibigyan ng puwang ang libre at unibersal na edukasyong malaya at mapagpalaya. Upang maipatupad ito sa buong bansa nang buung-buo, kinakailangang patuloy na magpunyagi at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap nitong tagumpay.

Panukalang pagsusuri sa kurikulum ng bansa, huli na nga, kapos pa