Pahayag

Papanagutin ang AFP-PNP sa pagkamatay ng 3 bata at 2 kabataan dulot ng pambobomba! Ipaglaban ang makataong pagbawi ng mga labi at marangal na paglilibing sa mga biktima ng brutal na operasyong militar ng 203rd Bde!

Mariing kinukundena ng National Democratic Front of the Philippines-Cavite ang walang habas na paglabag sa karapatang tao at sa internasyunal na makataong batas sa pamamagitan ng brutal na operasyong militar ng 203rd Brigade ng AFP at ng mga katuwang na pwersang seguridad ng estado.

Sa pagbubukang liwayway ng bagong taon ng 2026, Enero 1, isinalubong ng AFP-PNP ang karumaldumal na operasyong militar na pumatay sa 3 batang Iraya Mangyan at 2 kabataang nakikipamuhay sa komunidad at pagsugat sa ilang mga biktima ng pagsabog ng 12 na bombang hinulog mula sa 4 na attack helicopter na sinundan pa ng walang patumanggang aerial strafing. Mismong ahensyang gubyerno sa Occidental Mindoro ang nagsabi na 188 pamilya, binubuo ng 769 katao, ang lumikas dahil sa pambobomba.

Sa paghahangad na maranasan ang buhay ng mga Mangyan sa panahon ng kapaskuhan at bagong taon at pag-aaral sa ugat ng kahirapan at armadong tunggalian sa bulok na lipunan, pinasok ng mga kabataan ang mabundok na kanayunan ng Mindoro. Sa kabila ng mabuting intensyon ng mga kabataan, ipinalasap ng estado sa kanila ang kalupitan at brutalidad na halos arawang hinaharap ng mga katutubong Mangyan at karaniwang mamamayan sa Mindoro.

Ayon sa ulat ng NDF Mindoro, dobleng panggigipit at panghaharas ang ipinapataw ng AFP-PNP sa delegasyon ng tagapagtaguyod ng karapatang tao na naghahangad lamang magsiyasat sa tunay na pangyayari sa baranggay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro.

Maging ang mga simbahang iginagalang sa lahat ng panig ng bansa ay pinagbawalan ng 203rd Brigade na tumanggap ng humanitarian team sa kanilang poder. Kahit ang mismong evacuation center ay binabakuran para hindi malapitan ng mga nasabing grupong makatao.

Ang ginagawang ito ng AFP-PNP ay tahasang paglabag sa pagtataguyod sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas. Mismong ang Saligang Batas ng Pilipinas ay nagsasaad ng mataas na pagtataguyod ng mga prinsipyong ito na nilalabag ng AFP-PNP. Huwag nang sabihin pa na ang gubyerno ng Pilipinas ay nakapirma sa mga internasyunal na deklarasyon ng pagtataguyod sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas. Sa kabila nito, tahasan nila itong sinasagasaan at niyuyurakan.

Sinumang matinong tao na kumikilala sa karapatang tao ay madaling maunawaan na ang mga biktimang namatay na ay dapat na bigyan ng marangal na pagtrato at maayos na paghihimlayan. Kabaligtaran ang ginagawa ng 203rd Brigade.

Dapat ding mariing tutulan ang paggamit ng bomba sa hanay ng mga komunidad lalupat ang lugar na pinangyarihan ay tirahan ng mga katutubong Mangyan na laging pinagkakaitan ng serbisyo ng gubyerno. Mas malala pa, hindi rin kinikilala ang kanilang karapatan sa lupaing ninuno na tirahan ng ilang henerasyon ng mga Mangyan. Patunay dito ang mismong pasya ng Korte Suprema na pagpapahintulot ng pagmimina sa kagubatan ng Mindoro na mismong lugar ng ancestral domain ng mga Mangyan.

Nananawagan ang NDF-Cavite sa lahat ng mamamayang kumikilala sa prinsipyo ng pagtataguyod ng karapatang tao at internasyunal na makataong batas sa digma na magkaisa para mariing tutulan ang lansakang mga paglabag nito ng mga pwersang panseguridad ng Pilipinas, ang AFP-PNP. Hindi titigil ang mga alagad ng AFP-PNP sa kanilang bulag na paghahangad na mapanatili ang bulok at mapagsamantalang sistema sa bansa. Kailangan itong salubungin nang paglaban ng nagkakaisang mamamayan. Mahigpit na tutulan ang pasistang mga hakbang ng AFP-PNP.

Nagpapatuloy pa sa ngayon ang pakikibaka ng mamamayan laban sa malakihang pandarambong sa kaban ng bayan, sa malaganap na katiwalian sa gubyerno at nagpapatuloy na panlilinlang na tinakpan na ang mga butas sa maling paggamit ng pondo ng gubyerno. Hindi maihihiwalay dito ang paglaban ng mamamayan sa karapatang tao. Maraming pagkakataon na higit na binibigyang pansin ng AFP-PNP, lalu na ng NTF-ELCAC, na tugisin at ligaligin ang pamilya ng mga aktibistang lumalaban sa korapsyon at sa burukrata kapitalismo, kumpara sa imbestigahan ang mga magnanakaw sa gubyerno na nasa kapangyarihan.

Panghawakan natin na ang malawak na pagkakaisa at ang aktibong paglaban sa mga kaaway ng karapatang tao ang tanging magbibigay wakas sa mga salot na ito. Kapag napabayaan ang labang ito, hindi natin lubusang makakamit ang tunay na kalayaan at demokrasya sa ating bansa.

Mamamayan, magkaisa sa pagtatanggol at pagtataguyod sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas!

Ilantad, tutulan, at labanan ang pambobomba ng teroristang 203rd Brigade ng AFP sa pamayanan ng Mindoro!

Papanagutin ang AFP sa mga biktima ng pambobomba at terorismo ng estado!

Labanan ang mistulang batas militar na ipinapataw sa mamamayan ng Mindoro!

Digmang bayan ang sagot sa kahirapan at inhustisya!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Papanagutin ang AFP-PNP sa pagkamatay ng 3 bata at 2 kabataan dulot ng pambobomba! Ipaglaban ang makataong pagbawi ng mga labi at marangal na paglilibing sa mga biktima ng brutal na operasyong militar ng 203rd Bde!