Pahayag

Parangal ng KM-Cavite kay Jordan Mopon

Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Kabataang Makabayan – BCC kay Jordan “Ka Moy” Mopon, huwarang lider at kasapi ng PKP, Kumander ng Pulang Hukbo, at lingkod ng Demokratikong Rebolusyong Bayan sa mahigit dalawang dekada!

Buhay na aral para sa mga kabataan

Tila isang dakilang puno na malalim na nakaugat sa lupa ang winarak ng mga gahaman.

Sa gitna ng tumitinding mga laban ng mamamayan upang ipabagsak ang mga burukrata kapitalista sa buong bayan, higit pang makabuluhan, lalo pang naririnig at dumadagundong ang balita ng nagliliyab na gerilyang digmaan na pumuputok sa kabundukan at kaparangan, mula hilaga hanggang silangan, maging sa tarangkahan ng kabisera ng ating bayan.

Ninanakawan na nga ng bilyon at higit pang bilyon na pera ng taumbayan, pinapaslang naman ng mga bayarang sundalo ang pinakamahihirap sa ating bayan, ang mga gutom na magbubukid. Ang ninakaw sa atin ng mga kriminal na AFP at PNP ay hindi lamang isang rebolusyonaryo, kundi ang mismong kinabukasang nararapat sa atin!

Mula sa murang edad, si Ka Moy ay larawan ng lahat ng pinakabubutihing kabataan ng kanyang henerasyon. Matapat, masigla, matapang. Ang kanyang mga likas na katangian ay maagang biniyayaan ng pagkamulat sa tunay na kalagayan ng ating bayan, hanggang, parang binhi, ang mga ito ay lumago at yumabong. Sa gabay ng proletaryong Partido at sa kanyang sariling pagsisikap, lumaki siya nang may mataas na kalidad ng kaalaman sa iba’t ibang aspeto at usaping panlipunan, maraming mga interes at kakayahan sa iba’t ibang gawain, at higit sa lahat, isang matalas na paninindigan at perspektiba para sa lipunang walang pagsasamantala at pang-aapi.

Lumaki siya mula sa pagkabata na baon ang lahat ng kalidad upang maging magiting na lider ng proletaryado at ng masang anakpawis. Dinala niya ito noong sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan, dahilan upang siya ay tunay na kamuhian ng mga magnanakaw at bayaran ng ating bayan.

Maalaga, napakahusay, mapagkumbaba — ilan lamang sa mga katangian na nakaukit sa alaala at damdamin ng mga kasamang nakasalamuha niya. Isa ang tiyak: sa tagal ng kaniyang paglilingkod bilang magaling na kumander at organisador ng BHB, daan-daan na ang kabataang sumunod at susunod sa kanyang landas, sasampa sa Pulang Hukbo at bibiguin ang kaaway. Kabataang lalansag sa dilim at tuluyang magpapalaya sa bayan mula sa kuko ng mga pumaslang kay Ka Moy.

Tuloy ang laban!

Ang katawang-lupa ni Ka Moy, anak ng mga magbubukid, ng Sierra Madre, at bukod-tanging rebolusyonaryong naghimagsik para sa kalayaan ng bayan ay wala na.

Ngunit, nagpapatuloy sa paglakbay ang kanyang diwa’t isipan. Binabagtas pa rin ng kanyang paa ang mga bundok, ilog, at sapa ng Sierra Madre. Maririnig pa rin ang kanyang tinig sa mga halakhak at kwentuhan ng mga manggagawa at magbubukid. Dama pa rin ang kanyang pagkumpas pasulong tungo sa tagumpay.

Taon pa man ang lumipas, tiyak ang kabataan na ang Demokrasya, Sosyalismo, at Komunismo ay makakamtan.

Kabataan, tumungo sa kanayunan, isulong ang armadong pakikibaka at digmang bayan!

Dakilain ang alaala ni Ka Moy!
Digmang bayan, sagot sa kurapsyon at wawasak sa burukrata-kapitalismo!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!

Parangal ng KM-Cavite kay Jordan Mopon