Pahayag

Patuloy na binibigo ng NPA Mindoro ang hibang na pangarap ni Marcos Jr, 2nd ID at 203rd Brigade na wakasan ang CPP-NPA-NDFP sa Mindoro!

Sinasaluduhan ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro ang yunit ng NPA na matapang na lumaban sa 203rd Bde at 1st IBPA noong Setyembre 9, 2025, bandang alas onse ng umaga sa Sitio Tugas, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro. Mabilis na naramdaman ng mga Pulang mandirigma ang mga sumusugod na mga pasistang tropa kaya mabilis silang nakapaghanda, pumosisyon, at tiniyak na tinamaan ng unang putok ang mga pasista. Napatay sa labanan ang isang sundalo at nasugatan ang dalawa pa. Habang pilit na itinatanggi ng 203rd Bde at 1st IBPA sa kanilang mabuladas na mga pahayag sa social media na wala diumanong kaswalti sa kanilang tropa, hindi naman maitatago sa mga post sa social media ang paghahatid ng mga helicopter sa mga patay at sugatang tropa ng 203rd Bde.

Sa labis na pagkapikon ng mga berdugo dahil sa natamong kaswalti sa kanilang hanay at sa desperasyong ubusin ang NPA, walang habas na nang istraping, nanganyon, at nambomba noong gabi ng September 9 hanggang madaling araw ng September 10. Dahil sa matinding takot, napilitang lumikas ang mga residente ng Sitio Swerte, Sitio Tugas, at iba pang komunidad malapit sa pinagbombahan. Daan-daang residente ang apektado ngayon at hindi makapaghanap buhay ng maayos dahil sa takot sa presensya ng mga militar sa kabundukan.

Habang naghihikahos ang mamamayang Mindoreño laluna ang masang anakpawis dahil sa matinding krisis pang ekonomiya at epekto ng nagdaang mga kalamidad kagaya ng bagyo at pagbaha, milyon-milyong piso naman ang winawaldas ng 2nd ID at 203rd Bde sa maya’t mayang pagpapalipad ng 2 helicopter at mga drones, gayundin ng milyong pisong winawaldas para sa mga bomba, kanyon, bala, at iba pang kagamitang militar na sa katotohana’y hindi na nga nakakatulong, perwisyo pa sa mamamayan.

Sa naganap na labanan, labis na nagdadalamhati ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro sa pagpanaw ng isang mahusay, matapat, at matatag na kadre ng Partido at opisyal ng Bagong Hukbong Bayan. Nagbuwis ng buhay ang pulang mandirigmang si “Ka Kardo” na magiting na humarap at nakipaglaban sa mga pasista hanggang sa huling hininga ng kanyang buhay. Si Ka Kardo, 33 taong gulang, nagmula sa uring magsasaka ay buong pusong nagsilbi bilang hukbo ng masang api sa mahigit isang dekada ng kanyang buhay. Hindi simple at madali, bagkus mahirap, maraming sakripisyo, at masalimuot ang buhay pakikibaka ni Ka Kardo. Gayunman masaya siyang gumagampan ng gawaing iniatas sa kanya mula sa simpleng pagbabantay at pagluluto o kahit mapasabak sa gawaing masa o sa gawaing militar man. Tunay na simbigat ng bundok Halcon ang pagkamatay ng isang rebolusyonaryo kagaya ni Ka Kardo at ng lahat ng martir ng sambayanan. Patuloy na alalahanin upang magsilbing inspirasyon at magpapapula ng tinatahak na rebolusyong isinusulong ang kanilang kamatayan upang magpursigeng dalhin sa tagumpay ang digmang bayan.

Mula lamang Agosto hanggang kasalukuyan, naganap ang 6 na labanan sa Mindoro. Nagresulta ito ng laking seksyong kaswalti (patay at sugatan) sa buong 203rd Bde, samantalang namartir habang magiting na nakikipaglaban ang 3 mandirigma ng NPA Mindoro. Ang mga serye ng mga labanan sa pagitan ng NPA at AFP sa nakaraang isang buwan sa magkakalayong bayan ng Mindoro ay sampal sa mukha ni Marcos Jr. na wala ng grupong gerilya sa buong bansa. Patunay ito na determinadong magpunyagi at lumaban ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro upang abutin ang higanteng lakas hanggang sa tuluyang magapi ang kaaway ng mamamayan.

Patuloy na biguin ang kontra rebolusyonaryong programa ng rehimeng US-Marcos!
Isulong at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!

Patuloy na binibigo ng NPA Mindoro ang hibang na pangarap ni Marcos Jr, 2nd ID at 203rd Brigade na wakasan ang CPP-NPA-NDFP sa Mindoro!