Pahayag

Pekeng nadakip at nagsurender, kapwa mapagkukwartahan ng PNP at AFP

Makaraan lamang ang isang linggo ng pagkakatalaga kay Police Brig. General Mariano C. Rodriguez bilang bagong pinuno ng Police Regional Office 2 (PRO2) noong ika-30 ng Abril, nabalita ang pawang kasinungalingan na dalawang nadakip at isang nagsurender na kasapi ng NPA sa mga prubinsya ng Quirino at Nueva Vizcaya.

Mabilis na’t madali pang pagkwartahan nang malaki ng PNP ang pekeng pagsurender at pagdakip sa kung sinong mapagkukunwang kasapi ng NPA.

Hindi man lamang inilapit sa itsura ng tunay na Benson ang nasa larawan na ‘nagsurender’ ng armas noong Mayo 5 sa Quirino. Walang tunay na pangalan, mali-mali pa ang datos para maglubid ng kasinungalingan na mataas na opisyal ng NPA si Benson para mapataas ang reward. Nagkamali ang kanilang script nang Carbin ang binanggit na “isinurender” na armas.

Isa pang gawa-gawang eksena ang nakipagputukan pa raw sa PNP nitong ika-6 ng Mayo ang isang hindi napangalanang Most Wanted na personahe sa Quirino, na diumano’y “umatras” sa baryo Sangbay, sa bayan ng Nagtipunan kung saan nadakip din siya ng mga “bayaning” PNP. Sabagay sanay naman ang PNP at AFP sa mga gawa-gawa, tulad ng mga gawa-gawang patong-patong na kaso sa mga aktibista at mga NPA.

Sa Nueva Vizcaya, hindi makukumpirma ang “pag-aresto sa isang “Ka Ambo” dahil ang dumating na ulat sa tanggapan ni PCol Paul Bometivo ay walang tunay na pangalan, pati kung kailan at saan naganap ang pag-aresto. Ang “Ka Ambo” daw na ito, edad 44, ay nagtago daw ng 26 taon at akusadong sangkot sa tambang noong 2000 sa Jones, Isabela na ikinamatay ng commanding officer ng 502Bde na si Col. Josefino Manayao. Sinabing taga-Diffun, Quirino ang binabanggit na Ka Ambo, pero “nasa pangangalaga” ngayon sa Nueva Vizcaya, bagamat ang arrest warrant ay mula sa Echague, Isabela. Totoong ambush ng NPA ang kinamatayan ni Col. Manayao at ng 13 na iba pa ngunit hindi totoo, kundi gawa-gawang istorya lamang na may nadakip na “Ka Ambo.” Ang tiyak na totoo, kukunin ng PNP ang reward sa “pagkakadakip kay Ka Ambo.”

Nauubusan na yata ng masisimot na mapagkukwartahan ang PNP sa Cagayan Valley mula sa matatagal nang mga lie-low at dati nang nadakip at nakulong sa mga parehong kaso kaya mga “make-believe” o gawa-gawang tao na ang pagkukwartahan. Madaling dumampot ng mga pangalan para tuloy-tuloy lang ang kita ng PNP sa “nag-surender, nadakip at nagsalong ng armas.”

Bakit nga naman pahuhuli ang PNP-AFP sa korapsyon gayong ang mga burukrata kapitalista sa Malacanang, Kongreso, Senado at maging sa mga ahensya ng gubyerno ay bilyun-bilyun ang nakaw sa kaban ng bayan. Gayunman, sa paglala ng korapsyon at pagsasamantala ng mga naghaharing-uri, lumalapit ang tuluyang pagbagsak ng bulok na sistemang mala-kolonyal at malapyudal. Sisingilin din sila ng mamamayan at ng rebolusyonaryong kilusan, sa pamamagitan ng New People’s Army at ng naaarmasang mamamayan.

Pekeng nadakip at nagsurender, kapwa mapagkukwartahan ng PNP at AFP