Pekeng solusyon sa krisis sa ekonomya ang pagtanggal sa patakaran sa face mask

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Inianunsyo kahapon ng gubyernong Marcos ang mga plano nitong alisin na ang patakaran sa obligadong pagsusuot ng face mask para umano “bigyan ang bansa ng pagkakataong yumabong.” Ang pagdadahilang ito na ginawa para lituhin ang mamamayan at palabuin ang tunay na kalagayang panlipunan, ay dapat ilantad, batikusin at itakwil. Ang mabilis na paglubha ng kalagayang panlipunan ng mamamayan at umiigting na krisis sa ekonomya ay walang kaugnayan sa obligadong pagsusuot ng face mask at iba pang pamantayang protokol sa kalusugan.

Ang pag-alis patakaran sa face mask ay hindi magtataas sa sahod o sa kakahayang bumili ng milyun-milyong manggagawa at mamamayang kumikita lamang nang sapat. Hindi nito ibababa ang presyo ng langis at pagkain na araw-araw humihila sa antas ng pamumuhay ng mamamayan. Hindi ito lilikha ng trabaho. Hindi nito itataas ang produksyon sa agrikultura na patuloy na nilulumpo ng liberalisasyon sa importasyon, o itataas ang presyo sa mga produktong bukid o kita ng masang magsasakang lubog sa utang. Hindi nito pipigilan ang ibayong pagbagsak ng halaga ng piso kontra sa dolyar, o reresolbahin ang tumataas na disbalanse sa dayuhang kalakalan.

Mabibigo ang estratehiya ng rehimeng Marcos na ibayong “pagbubukas sa ekonomya” para gawing “kaakit-akit” ang bansa sa dayuhang mamumuhunan, tulad na nabigo ito sa nagdaang apat na dekada na paunlarin ang ekonomya ng bansa at itaas ang antas sa pamumuhay ng mamamayan. Lubos itong mabibigo laluna ngayon na ang pandaigdigang sistemang kapitalista ay patuloy na mabilis na humihina, kung saan ang nangungunang mga kapitalistang bansa ay papadausdos sa resesyon.

Nagsasayang si Marcos ng pondo ng publiko sa kanyang planong “pasikarin” ang ekonomya sa mga pinopondohan ng dayuhan, grandyoso, anti-mamamayan at mapanirang mga proyektong imprastruktura, na matagal nang nagsisilbing plabigasan ng kurakot na mga burukrata. Nilulustay niya ang bilyun-bilyong pisong pera ng bayan sa kagamitang militar para sa inilulunsad na gera ng teroristang estado laban sa mamamayan, laluna sa kanayunan.

Ang pagtatanggal sa patakaran sa face mask ay pantabing lamang. Gustong ilayo ni Marcos ang atensyon ng bayan sa kanyang nagpapatuloy na kabiguang iangat ang bansa mula sa krisis sa ekonomya at pakinggan ang sigaw ng masang naghihikahos. Ipinamamalas niya ang lubos na pangangayupapa sa patakarang dikta ng imperyalistang mga bangko at multinasyunal na korporasyon na ibayong naglulubog sa bansa sa lusak ng krisis.

Dapat ipagtanggol ng mamamayang Pilipino, laluna ng mga manggagawa, magsasaka at sambayanang anakpawis ang kanilang interes at isulong ang kanilang kagyat na mga kahingian para sa pagtataas ng sahod at sweldo, trabaho, repormang agraryo (pagpapababa ng upa sa lupa, mas mababang presyo ng kagamitan sa produksyon, subsidyo, makatwirang presyo sa produktong bukid at iba pa), para sa libreng serbisyong pangkalusugan at libreng edukasyon. Dapat kagyat silang mag-organisa at maglunsad ng malawakang militanteng pakikibaka.

Pekeng solusyon sa krisis sa ekonomya ang pagtanggal sa patakaran sa face mask