Pinakamataas na pagpupugay at pagsaludo para sa mga bagong martir, ang inyong ambag sa buong rebolusyonaryong kilusan ay mananatili kailanman sa mga puso at alaala ng mga kasama at masang Masbatenyo
Mula sa uring mababang panggitnang magsasaka si Raul Luding Tulingen, 57, na mas kilala sa rebolusyonaryong palayaw na Ka Hernan, Ka Daddy at nitong huli ay Ka Milky. Ipinanganak siya sa barangay Tan-awan, Placer, Masbate noong Setyembre 20, 1969. Una siyang kumilos bilang kasapi ng yunit milisya sa kanilang lugar. Taong 1990, nagpasya siyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB), kung saan ipanakat siya sa Sandatahang Yunit Propaganda (SYP). Apat na taon ang nakalipas ay ikinasal siya sa kanyang kasintahan at nagkaroon ng tatlong anak. Sa kabila ng mga hamon bilang ama, asawa at hukbo ay nanatili siyang matatag sa paglilingkod sa masa at sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa prubinsya.
Mula sa taon ng kanyang pagpultaym hanggang taong 1998, naipakat at kumilos siya sa mga bayan ng Placer, Cawayan, Cataingan at Palanas. Mahusay niyang ginampanan ang tungkulin bilang Giyang Pampulitika (GP) at kalaunan ay Iskwad Lider sa unang yunit hanggang sa naging kasapi siya ng Sangay Military Sektor (SMS) at Komiteng Distrito. Taong 1999, pagkatapos makapag-aral ng Intermedyang Kurso ng Partido (IKP), ipinakat siya sa sentral at tumayong pangalawang kalihim doon.
Taong 2008, naging kasapi siya ng komite ng prubinsya. Mga huling kwarto ng taong 2011 hanggang kalagitnaan ng taong 2013, itinoka sa kanya ang pamamahala sa gawain sa ED, propaganda at reproduction ng mga materyales sa propaganda at mga dokumento. Sa ikatlong kwarto ng taon ng 2013 ay naitalaga siya bilang Kalihim sa larangan ng sentral hanggang sa kalagitnaan ng taong 2015 kung saan naging alternate member siya ng Komite ng Rehiyon. Makalipas ang isang taon ay naging regular na myembro siya ng KR.
Taong 2017, ipinakat siya sa Norte at tumayong kalihim sa larangan doon. Makalipas ang dalawang taon, 2019 ay muli siyang kumilos sa sentral at tumayong kalihim sa nasabing larangan. Noong 2024, naging alternate member siya ng Komiteng Tagapagpagganap ng Komiteng Rehiyon (KT-KR) habang nanatiling kalihim sa larangan ng sentral. Noong Hunyo 2025 ay naitalaga siya bilang Deputy Secretary ng ED sa prubinsya hanggang 2026 kung saan binawian siya ng buhay noong Mayo 14, habang ginagamot sa ospital ng prubinsya ng Masbate at nasa pangangalaga ng tropa ng pamahalaan.
Lumalabas na kahit sinabi ng doktor na emergency ang komplikasyon kay Tulingen ay sinadyang hindi pinahintulutan ng militar ang request ng pasyente at pamilya na agaran itong mailipat sa ospital ng Legazpi City. Kahit batid ng militar na kapos sa kapasidad ang ospital ng Masbate sa delikadong kalagayan ng pasyente. Tinamaan si Tulingen sa kanyang paa matapos linusob ng tropa ng 2nd Infantry Battalion ang kubong kanilang pansamantalang pinapahingahan noong Mayo 10 sa Barangay Miabas, Palanas. Diabetic, high blood at may problema na sa paglalakad si Tulingen.
Kilala naman sa rebolusyonaryong palayaw na Ka Warren o Ka Mel si Leony Atibagos Monilar, 45, ipinanganak noong Setyembre 3, 1980 sa Barangay San Isidro, Palanas, Masbate at nagmula sa uring mayamang magsasaka. Isang mapagmahal na ama para sa kanyang asawa at mga anak si Ka Mel. Mahilig siyang kumanta ng mga rebolusyonaryong awitin. Mahusay rin siyang maggitara, mag-lettering at magdrawing na minana naman ng kanyang mga anak. Kabilang siya sa nangunguna sa paggawa ng mga streamers, islogan at pagdibuho sa panahon na may mga aktibidad at pagdiriwang ng anibersaryo ng Partido.
Taong 2001 – 2012 ay kumilos siya sa lokalidad bilang kasapi ng yunit Milisya hanggang sa naging kasapi ng Sangay sa Lokalidad ng kanilang barangay, matapos maging ganap na kasapi ng Partido sa sumunod na taon. Mula Agosto 5, 2012, kumilos si Ka Mel sa lokal gerilya yunit (LGU) hanggang sa naging munisipal gerilya yunit (MGU) ito. Maraming beses na siyang naging instruktor ng Batayang Kurso ng Partido (BKP) at Intermedyang Kurso ng Partido (IKP) na ilinunsad ng larangan at ng prubinsya. Inabot noon ng prubinsya ang pinakamaraming bilang ng nailunsad at nakapagtapos ng BKP at IKP dahil sa kanilang mga pagsisikap at ambag ng mga nasa MGU.
Mula noong 2014, buong panahon na siyang kumilos sa MGU hanggang sa maging pultaym na Hukbo. Kung ihahambing sa karamihan na mas mahilig sa gawaing militar, si Ka Mel ay mas mahilig sa gawaing edukasyon, konsolidasyon at propaganda. Gumagampan siya sa kanilang yunit bilang PI at kabilang sa P1 na instruktor na nagtuturo ng BKP at IKP at naging kasapi ng Komiteng Tagapagpaganap sa larangang kanyang napalooban. Noong 2024, nahalal siya bilang alternate member ng prubinsya.
Tulad ng karamihan, may mga kahinaan din si Ka Mel, ngunit sa kabila nito, nananatili itong nagsumikap na mapangibabawan at magpakahusay sa gawain sa rebolusyon. Noong Disyembre 13, 2025, tinangkang kubkubin ng mga tropa ng 2nd IB ang kanilang base sa Barangay Pitogo, Cataingan kung saan tinamaan siya sa kanyang paa sa gitna ng palitan ng mga putok ng mga kasama at kaaway. Buhay siya nang mahuli subalit pinaslang pa rin siya ng militar sa kabila ng kawalan ng kakayahang lumaban. Makikita sa katawan nito ang dinanas na tortyur bago siya tuluyang pinaslang ng mga militar kung saan may saksak sa kanyang leeg at bali na mga braso at binti.
Samantala, binawian naman ng kanyang buhay habang magiting na nakipaglaban sa mga umaatakeng tropa ng 96th Infantry Battalion si Ka Kin o kilala sa tunay na pangalan na Alexander Emaas, 24, noong Disyembre 2, 2025. Tatlo lang sila sa base matapos may inayos sa kalapit na baryo ang dalawa nilang kasama nang tinangkang kubkubin ng tropa ng 96th IB ang kanilang pansamantalang pinaghimpilan. Ligtas naman ang dalawa niyang kasama na nadala pa sa pag-atras ang ibang baril at kagamitan.
Si Emaas ay mula sa Balite, Aroroy, Masbate na naging kasapi ng BHB noong Disyembre 2020 sa edad na 19. Mula siya sa uring panggitnang magsasaka. Maliban sa pagiging medikal opiser ay tumatayo rin siyang Iskwad Lider sa kanilang yunit. Pinaslang ng mga militar sa pamamagitan ng pagbitay ang kanyang ama. Isa ito sa nagtulak sa kanya na sumapi sa pulang Hukbo upang bigyang katarungan at hustisya ang pagkamatay ng kanyang ama at lahat ng biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang ng militar at reaksyonaryong estado sa Masbate.
Tinitiyak ng mga pulang Hukbo sa ilalim ng Jose Rapsing Command, na ang kanilang mga payo, talento at ambag sa armadong pakikibaka sa Masbate ay hindi mawawalan ng saysay. Magiging inspirasyon at manananatili itong nasa puso ng mga kasama at masang nakakakilala sa kanila at maging sa mga susunod sa kanilang yapak na magiging panibagong mga pulang Hukbo na tatangan ng armas para ipagpatuloy ang paglaban sa mga lumalabag sa karapatan, umaagaw sa ari-arian, kabuhayan at lupang sakahan ng mamamayang Masbatenyo. At sa patuloy na paghahasik ng militar at reaksyonaryong estado ng karahasan sa buong isla ng Masbate. Higit sa lahat, upang isulong ang rebolusyon sa kapuluan.
Panata rin nitong hindi titigil ang rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya na bigyan ng katarungan at hustisya ang pagkasawi ng mga kasama at lahat ng biktima ng ektrahudisyal na pamamaslang at paglabag sa karapatan sa prubinsya. Ang desperasyong pugutan ng ulo ang Partido sa isla ng Masbate ay isang hindi katanggap-tanggap na dahilan upang pabayaan o paslangin ang kanilang nahuhuling sugatan at labagin ng militar ang internasyunal na batas sa digma.