Pahayag

Pinakamataas na pagpupugay at pasasalamat sa dakilang buhay ni Josephine “Ka Sandy” Mendoza!

Ang National Democratic Front-Cavite ay kaisa sa buong rebolusyonaryong mamamayan ng rehiyong Timog Katagalugan sa pag-aalay ng pinakamataas na pagpupugay at pagkilala sa dakilang buhay at pakikibaka ni Kasamang Josephine “Ka Sandy” Mendoza ngayong ginugunita natin ang ikalawang anibersaryo ng kanyang pagkamartir. Nagsilbi si Ka Sandy bilang kagawad ng Komite Sentral at pangalawang kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan. Pumanaw siya sa edad na 59 noong Nobyembre 10, 2023 dahil sa kanyang karamdaman.

Habambuhay na nakaukit si Ka Sandy sa puso’t isipan ng bawat rebolusyonaryong mamamayan sa Cavite dahil sa kanyang hindi matatawarang iniambag sa pagpapalakas, pagpapasigla at pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Timog Katagalugan. Isang malaking inspirasyon ang mga lider at pinuno na katulad ni Ka Sandy na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang buhay sa ngalan ng pagwawakas ng pagsasamantala at pagtataguyod ng sosyalistang bukas.

Nagsimula si Ka Sandy bilang isang rebolusyonaryong kabataan noong kasagsagan ng mainit na kilusang kabataan laban sa diktadurang US-Marcos bahaging dekada 1980. Naging kasapi siya ng Kabataang Makabayan at kalauna’y magiging kasapi ng Partido. Naging bahagi siya sa pagtatatag ng Samahan ng Kabataang Mindoreño (SKM). Isa rin siya sa magigiting na kadre na tumugon noong 1984 sa panawagan ng Partido na tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

Bilang kadre ng Partido at pulang mandirigma ng BHB, maraming mabibigat na tungkulin at responsibilidad ang tinanganan ni Ka Sandy. Kumilos siya sa sonang gerilya sa isla ng Mindoro kung saan nahubog at nahasa ang kanyang mga karanasan sa pagpapatupad ng iba’t ibang linya ng gawain. 1994, buong-loob ng tinanggap ni Ka Sandy ang hamon ng pagpupundar ng iba pang mga sonang gerilya sa rehiyon. Tulad na lamang ng pagtatayo sa tatlong sonang gerilya sa isla ng Palawan kung saan malaking papel ang ginampanan niya para sa pagpupundar nito. Isa rin siya sa masiglang nagtaguyod ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa rehiyon. Pinangunahan at pinamunuan ni Ka Sandy ang pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran at pagpapaputok ng mga krusyal na pakikibakang masa sa rehiyon na ngayo’y pinaghahalawan ng mga aral upang labanan ang tutang rehimeng US-Marcos II.

Bagamat tayo ay hinahagupit ng malakas na bagyo at binabalot ng madilim na pakana ni Marcos Jr. at amo nitong Imperyalistang US, sumisinag ang gintong silahis na gumagabay sa ating dakilang pakikibaka tungong tagumpay. Tila isang kabang-yaman na mapupulutan ng mahahalagang aral ang buhay ni Ka Sandy. Ang kanyang mga rebolusyonaryong praktika sa pamumuno at pangangasiwa ay mapaghahalawan natin ng mga taktika upang mas mahusay na bigyang direskyon ang ating mga kampanyang inilulunsad upang mas makapagkamit ng malalaking tagumpay.

Napapanahon lamang na ilang ulit na aralin ang buhay ni Ka Sandy at mga katulad niya. Lalo ngayong tinamaan ang bansa ng bagyo ng kapabayaan, pagpapahirap at pang-aapi ng rehimeng US-Marcos II. Walang ni-katiting na balak ang administrasyon ni Marcos na ilagay sa unahan ng kanyang prayoridad ang kapakanan ng sambayanang Pilipino dahil okupado na ito ng US simula’t sapol. Maging inspirasyon sa atin si Ka Sandy. Habambuhay na imortal sa puso ng masang pinagsasamantalahan ang kanyang rebolusyonaryong diwa.

Mabuhay si Ka Sandy!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!

Pinakamataas na pagpupugay at pasasalamat sa dakilang buhay ni Josephine “Ka Sandy” Mendoza!